MINSAN ay naabutan kong umiiyak si Ate Pats sa sala. Nilapitan ko siya. Doon siya nagsimulang magbahagi.
"Buntis ako, Les."
Bahagyang napaawang ang bibig ko sa nalaman. "Buntis ka? K-Kanino? Kay Kuya Nestor ba?"
Marahas siyang umiling. "Kay Jack. Iyong Briton na ka-chat ko." Pinisil niya ang mga kamay ko. "Mahal ko siya, Leslie. Akala ko gano’n din siya sa akin kaya ibinigay ko ang sarili ko sa kaniya. Pero matapos ng mangyari sa amin, bigla na lang siyang naglaho!"
"Ate..." Naubusan ako ng salita. Hindi ko alam kung pagagalitan ko siya o iko-comfort. Gulong-gulo rin ako.
"G-Gusto kong buhayin ang bata p-pero paano? W-Wala akong trabaho."
"Buhayin mo 'yan, ate. Dugo at laman mo 'yan. Dadagdagan na lang natin ang paninda mo para mas makapaghanda ka sa panganganak mo."
Ganoon nga ang ginawa ko. Dinagdagan ko ang stock ng paninda niya. Binilinan ko siyang paikutin ang puhunan para magpatuloy ang tindahan.
"KUYA, nasaan 'yong tricycle na binili ko para sa iyo?" usisa ko kay kuya. Ilang araw ko na kasing hindi nakikita ang tricycle niya.
"Ah, 'yon ba? Nasa mekaniko." Iniwas niya ang tingin niya. Tila ba may itinatago.
"Kuya, magsabi ka ng totoo. Nasaan talaga 'yong tricycle?"
Iritable niya akong tiningnan. "Gusto mong malaman? Ayun, isinangla ko para may pampusta ako sa sabungan. Akala ko kasi mananalo ako kaso wala, eh, minalas."
"Kuya?! Bakit mo ginawa iyon?"
"Eh, wala eh."
Naihilamos ko ang kamay ko sa aking mukha. Hindi ako makapaniwala. Binigyan ko na nga siya ng pagkakataong makabangon pero binalewala niya.
Akma akong aakyat sa kuwarto nang dumating si Julia. Marami siyang bitbit na paper bags na aking ipinagtaka.
"Saan galing iyan? Bakit parang nag-shopping ka?"
"Wala."
Nilapitan ko siya. Inusisa ko ang laman ng hawak niya. Puro branded bags, mga sapatos, at damit.
"Anong wala? Ang mamahal nito!"
"Okay, fine. Bigay 'yan ng mga kaibigan ko."
Hindi pa rin ako kumbinsido. Pinilit ko siyang paaminin pero ipinagpipilitan niyang bigay iyon ng kaibigan niya. Wala akong nakuhang sagot.
ILANG linggo ang lumipas, may dokumento akong natanggap. Sa pagtingin ko sa nakasaad sa sobre ay credit card bill iyon. Nangunot ang noo ko. Bakit naman ako magkakaroon ng bill sa credit card? Oo, may credit card ako pero hindi ko ginagamit iyon.
Malakas ang pintig ng puso ko habang inaalis ang seal sa sobre na kinalalagyan noon. Halos mapunit ang papel nang mabasa ko ang nakasaad doon.
"P264,879.35?!" Muntik na akong magwala nang mabasa ko ang breakdown ng pinaggamitan ng credit card.
Paano nangyari iyon?
BINABASA MO ANG
Living on Obliviousness [Completed]
SpirituellesIsang araw, napagtanto ko na lang na pagod na ako sa buhay. Na gusto kong talikuran na lang ang lahat. Na gusto kong i-restart na lang ang aking buhay gamit ang panibagong pagkatao. Pero paano? ========= Start: September 08, 2022 Finish: September...