Ang Paghahanda

53 2 0
                                    

Dama niya ang pagpatak ng butiki mula sa kanilang bubong at ang mabilis ng pagtakbo nito na dumaan sa kanyang mukha.Ito ang gumising sa nahihimbing na si Jun.Nagpapawis ang kanyang noo at maging ang kanyang ilong at taas ng kanyang labi.Kinapa nya ang kanyang likod, basa din ito ng kanyang pawis. Dama ni Jun ang init ng paligid. Maalinsangan. Hinanap ni Jun ang kanyang relo. Regalo ito ng kanyang nakababatang kapatid nung kanyang kaarawan. Bigo syang makita ito na lalong nagpainit sa kanyang ulo.

Mula sa labas ay dinig nya ang ingay ng mga tao na nagtatakbuhan at naghihiyawan. Batid niyang nagsasaya ang mga tao sa panunuod ng mga moryones. Nagbigay daan ito upang magbalik ang ala-alang sariwa pa sa kanyang isipan dahil ilang oras pa lamang ang nakakaraan.

Nag-init ang kanyang ulo.Nangatal ang kanyang laman.Muling namuo ang galit na kanina pang nakatago. Galit na hindi para sa ibang tao kundi galit sa kanyang sarili. Nais niyang isisi sa butiki ang kanyang pagkagising.

Mula sa pagkakahiga ay sinilip nya ang kanilang orasan na nakasabit sa taas ng kanilangpinto. Menus kinse minutos bago mag alas kuwatro na ng hapon. May higit limang oras na pala siyang nakatulog. Wala pa rin siyang balak na bumangon.

Nagpakawala si Jun ng buntong hininga. Di niya napigil ang luha na dumaloy sa kanyang pisngi. Sariwa pa sa kanyang ala-ala ang lahat.

Biyernes Santo kagabi, tinipon ni Jun ang kanyang mga pinsan at ilang kabarkada. Sa isang bahay lang sila matutulog para sabay-sabay sa kanilang lakad. Buo na ang kanilang desisyon at wala nang makapipigil sa kanilang planong magpatuli.

Sa edad na labing dalwa ay napagdesisyonan na nyang magpatuli. Naalala pa niyang kinukulit sya ng kanyang kapatid na sumama ngunit di nya ito pinayagan dahil alam niyang di nito kaya at masyadong bata pa sa edad nitong sampu. Plano nilang gumising ng maaga para makapagbabad sa ilog upang lumambot ang balat ng kanilang ari. Naniniwala si Jun na mas madaling magpatuli kung babad ito.

Alas singko kanina (Sabado de Gloria), ginising ni Jun ang kanyang mga kasama. Handa na sila. Pawang kaedadan niya lang ang mga ito kaya malakas ang kanyang loob. Masaya silang nagbabad sa ilog ng may higit isang oras at kalhati. Pagkatapos nito'y pinauwi nya ang kanyang mga kasama para mag-agahan muna. Siya'y umuwi rin sa kanila para makapag-agahan na din.

Naabutan niya ang kanyang itay na gumagawa ng baro-baro. Bakas sa mukha ng kanyang itay ang saya nang malaman nitong desidido si Jun sa plano nitong pagpapatuli.

"Kumain ka na ba Jun?" ani Mang Edgar, kanyang itay."Hindi pa ho tay. Kakain muna ho ako bago pumunta doon" sagot ni Jun. Ang kanyang nanay naman ay nagwawalis. Ang sumunod naman sa kanyang si Jay ay palihim na nakikinig sa pag-uusap nilang mag-ama.

"Sige, kumain ka na muna. May sinangag na kanin at tinapa dyan sa mesa. Kumain ka ng marami Jun para mamya ay matapang iyang si Junior mo kapag nabinyagan na", biro pa ng kanyang itay.

Natawa si Jun sa tinuran ng kanyang tatay pagkatapos nito'y kumain na rin sya.

Habang kumakain ay napansin ni Jun na lumapit si Jay sa kanyang itay. Alam niyang may hihingin ito dahil sa itsura ng kilos nito ay waring naglalambing.

"Itay, patuli na rin ako sige na payagan mo na ako", paglalambing nito.

"Tsaka sampu na ako. E bakit si Carlo, sanggol pa lang ay pinatulian na ni kuya Jerick", ang tinutukoy nito ay ang kanyang limang buwan na pamangkin na anak ng kuya Jerick nya.

"Jay, tinulian ang pamangkin mo nang sanggol pa sya dahil di nito alam na masakit iyon. Sa edad mong iyan, pihadong masasaktan ka. Ang kuya Jun mo magpapatuli dahil kaya na niya", paliwanag ng kanyang itay.

"Kaya ko naman na ho e at saka matapang ako, di ako takot sa moryon", pangungulit pa nito.

Nagpatuloy pa ang pagtatalo ng mag-ama habang si Jun ay napapaisip. Natuwa siya sa narinig sa kanyang itay na kaya na niyang magpatuli ngunit bahagya siyang kinabahan sa tinuran nito na masakit ang magpatuli.

Agad nya ding winaksi ang isiping iyon at tinapos na ang agahan. Tumingin siya sa kanyang relo, alas syete y media na ng umaga. Batid niyang mahuhuli siya dahil sinabihan sila ng magtutuli na bago mag alas syete ay kelangang naroon na. Naramdaman niya ang kamay ng kanyang ama sa kanang balikat niya. Kapagdakay pinisil ito at sinabing sasamahan sya. Ikinagalak ni Jun ang bagay na iyon.

Ang Pamukpok, ang Labaha at si JunTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon