Ang Tagumpay

36 2 0
                                    

Matinis na tilaok ng tandang ang gumising sa kanya. Di na nya pinasundan ang sunod tilaok ng tandang at gad siyang bumangon. Wala na ang kanyang itay. Marahil nasa hacienda na ito. Sinilip niya ang kanyang ina. Mahimbing pa itong natutulog. Dumiretso siya sa kanilang kusina at nag-agahan. Pagkatapos magsepilyo ay agad na kinuha ang dyaket na pamana sa kanyang ama. Medyo malaki ito sa kanya ngunit sapat na iyon para madama ang presensya ng kanyang ama sa oras na maganap ang kanyang pasya.

Mabilis siyang umalis sa kanilang bahay. Sikat na ang araw nang marating niya ang bahay ni Mang Daniel.

Iba ang hatid ng umaga sa kanya dahil swerteng naabutang niya si Mang Daniel kasama ng ilang kabataan na sasalang sa pagtutuli. Masaya siyang sinalubong ni Mang Daniel at tinanong kung ano ang kanyang pakay. Bigla man si Mang Daniel sa kanyang narinig, ginulo nito ang kanyang buhok tanda ng pag sang-ayon.

Ngayo'y isinalang na ang huli na ka-edad niya sa pagtutuli. Limang metro ang layo niya mula sa lugar ng operasyon at nakaupo sa nakatumbang puno ng saging. Naalala niya ang sinabi ni Mimi kagabi. Muling nabuhay ang tapang sa dibdib ni Jun.

Ibang Jun ang humarap sa lukaw ngayon. Si Jun na buong-buo ang pasya sa sarili.

" Pipiringan kita para di mo makita", ani Mang Daniel. Mariing tumanggi si Jun at mayabang na sinabing kaya niya.

Isa...

Dalawa...

Tatlo...

Tatlong pokpok na pumailanlang sa pook na iyon. Naalala ni Jun ang sinabi ni Mark, parang kagat lang ito ng langgam...

kagat ng maraming langgam. Naramdaman ni Jun na sinuotan na siya ng baru-baro. Ngayo'y ganap nang tuli na si Jun.

Narinig pa niyang tinanong siya ni Mang Daniel kung kaya nya. Maya-maya pa, pumailanlang sa ere ang nakaririnding sigaw ni Jun na "kayang-kaya!".

Napapangiti si Jun habang naglalakad pauwi. Matutuwa ang kanyang kuya, ang kanyang ama't ina. Wala nang tutukso sa kanya at higit sa lahat tinupad niya ang pangako sa isang kaibigang matagal ng naging lihim na parte sa kanyang paslit na puso.

Ibinulsa ni Jun ang kanyang mga kamay sa dyaket ng kanyang itay at parang barakong naglakad pauwi. Salamat sa butiki, salamat sa mga asong sumubok ng kanyang tapang, salamat sa talang naging modelo ng kanyang damdamin at salamat kay Mimi na nagpakilala sa kanya ng pagiging matapang. At mamayang gabi, papatunayan niya kay Mimi na parehong kikislap ng makinang ang dalawang tala sa ilalim ng liwanag ng buwan.

Wakas

Ang Pamukpok, ang Labaha at si JunTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon