Chapter 10 - The Heartbreak Symphony

927 44 44
                                    

"'Yan na nga ba sinasabi ko eh. May pa BFF-BFF ka pa kasi eh, hindi pa dinerecho kaagad," sambit ni Kit mula sa kabilang linya.

Wala siyang binanggit na detalye kahit malapit sila ng pinsan, but somehow nahulaan ng hinayupak kung ano ang nangyari.

"Shut up," asik ni Ichan.

"Are you gonna be okay, Insan?" untag ni Kit mula sa kabilang linya. "Ayaw mo talagang dumalaw dito sa bahay para madamayan kita?"

Tumawa si Ichan. "Gagi ka, wag kang makulit! Sinabi ko nang okay lang ako, umandar na naman yang ka-OA-yan mo," biro niya.

"Di mo ba ikukuwento sa akin kung ano talaga ang nangyari?"

"Tsismoso!" singhal niya. "Susumbong kita sa asawa mo eh."

"Naku! Inuutusan nga pala ako ng asawa ko na hugasan 'yung breast pump. I have to hang up, Chan. Tawag ka na lang sa susunod pag ready ka nang magkuwento kung paano ka na-friendzone. Bye!"

"Siraulo!" Pihadong hindi na nito narinig ang huli niyang sinabi.

Napatitig siya sa telepono at sandaling natulala sa wallpaper niya na mukha ni Nissy.

Nami-miss na niya si Ising niya. Sa nakalipas na dalawang linggo, panay ang hanap niya rito sa mga kasalang project nila pareho. Pero ilang beses na ibang photographer ang naroon. Ramdam niya ang kirot sa puso dahil sa kaalamang baka hindi na sila magkabati kahit kailan. Natatakot din siyang baka habang wala siya sa tabi nito, makakilala ito ng lalaking may mga katangiang gusto nito at tuluyan nang mawalan siya ng pag-asa sa dalaga.

There is life after death by Ising. Kahit ngayong animo patay ang pakiramdam niya, sigurado si Ichan na mabubuhay siya muli. Pero sa ngayon, hindi pa niya alam kung paano makakarating doon. Ang gusto lang niya ay makita ulit si Nissy, at hilingin na bangungot lang ang lahat ng ito.

Siguro mas gugustuhin na lang niyang ma-friendzone habambuhay kaysa ganitong alam niyang nasasaktan ito dahil sa kanya. Masakit pero siguro kaya naman niyang maging bestman sa kasal nito sa kung sinumang lalaking mukhang durugista at terorista. Kakayanin niya iyon, huwag lang iyong ganito na completely parang burado na siya sa buhay ni Nissy.

Hindi lang siguro talaga meant to be ang #ChanSing.

Napabuntong-hiningang itinutok niya ang tingin sa papel na kaharap. Music sheet iyon ng isang awitin na na-compose niya.

Marahan niyang pinaglandas ang mga daliri sa tiklada at nakapikit na ibinuhos sa musika maging ang kanyang pusong nagdadalamhati. It was his personal symphony.

Napapikit pa rin siya kahit nang matapos ang huling nota, kaya ganoon na lang ang kabiglaan niya nang may biglang pumalakpak.

Napadilat na hinahanap niya ang pinanggagalingan ng tunog at natulala sa nakita.

"Ang lungkot naman ng tugtog mo," ani Nissy na noon ay palapit sa kanya. Nagpapahid ito ng luha.

He gave out a small smile and forced himself to talk. "It's called 'Heartbreak Symphony'. "

"Ang sakit sa dibdib. Bagong composition mo ba 'yan?" Huminto ito sa harap ng piano kaya ang nangyari, iyong instrument na lang ang naghihiwalay sa kanilang dalawa.

Tumango siya habang pinagmamasdan ng bawat pulgada ng mukha ng babae. Huminga rin siya nang malalim para punuin ang kanyang mga baga ng mabini nitong bango.

"Tutugtugin ko sa wedding mo," walang anumang aniya.

"Ha?" Nakabalatay sa mukha nito ang gulat.

"Sorry, alam kong hindi bagay 'yun para sa kasalan. Pero hindi mo naman siguro ini-expect na magse-celebrate ako kapag kinasal sa iba ang babaeng mahal ko, di ba?"

#ChanSing (Published By Bookware Pink&Purple)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon