Hindi napansin ni Clementine na may mga dala pala ang kaniyang dating asawa na mga laruan. Ipinasok nito sa silid ang supot, habang nakasimangot ang babae sa kaniya. Hindi niya alam kung hanggang saan pa ang kahihiyan na dadanasin dahil sa ginawang suprise visit ng lalaki. Hinarangan niya ito nang lalapitan na ang tulog pa rin na si Stella.
"Puwede bang huwag ka nang istorbo sa amin? Nakakahiya ka, pumunta ka rito nang hindi nagtatanong. Baka hindi mo alam? Hindi kami ang naka-check in sa hotel na ito. Pinatuloy lang kami ng anak ko." Hinarap ito ng lalaki at pansin niya na parang nagpapaawa ito sa kaniya. Nang hawakan nito ang kamay ng babae ay umiwas agad siya. "Umalis ka na lang. Hayaan mo, sasabihin ko sa bata na may ibinigay ka. Kaso baka hindi niya pansinin iyan, hindi naman kasi materialistic ang anak ko. Pinalaki ko siyang may takot sa Diyos at hindi niya sasaluhin ang karma sa kasalanan mo sa akin."
"Clementine naman, napakasungit mo. Hindi ka naman ganiyan dati, 'di ba? Mahal na mahal mo ako noon at ilang beses mo akong iniiyakan lagi sa telepono. Hindi ka pa rin ba nakaka-move on? Tapos na tayong dalawa. Minahal kita dati pero hindi na ngayon. Maging mabait ka na lang sa akin." Unti-unti nang nakikilala ng babae ang lalaki na dati niyang minahal. Ngayon lang niya napagtanto na gago ang kaniyang napiling makasama at walang kuwentang ama sa kaniyang anak. Hinawakan nito ang kaniyang baywang bago ilapit ang mukha sa kaniya. "Ang sungit mo naman sa akin. Bakit hindi na lang tayo mag-usap tungkol dito nang matapos na ang issue mo sa akin? Baka puwede nating pag-usapan iyan sa kabilang kuwarto..."
Ang ibig nitong sabihin sa kaniya at inaaya ito ng lalaki na makipagsiping. Itinulak naman ito ni Clementine bago patunugin ang mga buto niya sa kamay. "Huwag na huwag mo akong babastusin dahil hindi ako ganoong babae. Marami akong natutuhan sa pagiging madre, at iyon ang huwag pumatol sa mga taong nagkakasala sa akin. At huwag akong magkakaroon ng poot sa iyo. Ngayon pa lang, pinapatawad na kita. Tuluyan na akong nagising na mali ang lahat ng ginawa ko. Isa roon ang pagpapakasal sa iyo."
"Tine naman, huwag mong pagsisihan iyon. May utang na loob ka sa akin dahil kung wala ako... tiyak na wala tayong anak ngayon. Be thankful, okay? At asawa pa rin kita... dapat lang na maging matured ka sa sitwasyon natin. Kung gusto kitang sipingan, hayaan mo dahil kasal pa rin tayo kahit na wala na iyong bisa."
"At ako ngayon ang kabit? Hindi ko sisipingan ang taong hindi ako mahal. Umalis ka na, parang awa mo na. Maawa ka naman sa sarili mo dahil nilalaglag mo lang ang mismong pagkatao mo."
"Iyan ang problema natin lagi, eh! Mahina ka sa kama. Wala kang libido. Napakababa. Ako pa lagi ang nag-aaya sa iyo. Alam mo? Ang ganda mong babae. Sayang ka, mahina ka sa kama. Kung siguro magaling ka lang kagaya ng iba kong girlfriend... hindi kita papalitan. Ang dami mong kakulangan kaya tama lang na iniwanan kita."
"Tatandaan mo ito," hindi na makatiis na iwinika niya. Dinuro nito ang lalaki. "Marami ka ring kakulangan pero hindi ko iyon hinanap sa iba. I will not stoop down to your level. At tutal nagpapabidahan na tayo ng bagong kinakasama, I have a new girlfriend now. Mas bata pa sa kaya mong makuha at alam kong tanggap ako pati si Stella. Kaya bahala ka sa buhay mo at mamuhay ka nang puno ng kasalanan."
"Mama? Ingay..." Nagkamot ng mga mata ang paslit nang umupo ito. Naririnig niya ang bangayan ng dalawa pero wala itong maintindihan na kahit na ano sa mga sinasabi nila. Nang idilat na niya ang dalawa niyang mga mata ay may nakita itong lalaki at nakangiti sa kaniya. Napuno agad ito ng takot at parang na-trauma pa sa mukha ng kaniyang ama. Nag-iiyak ito at tumili nang pagkalakas-lakas, "Eek! Mama! Layo ka sa 'kin! Mama! Mama Tine!"
"Layuan mo na ang anak ko." Niyakap nito ang paslit na umiiyak bago pahirin ang mga mata nito. Ipinakilala na niya ang lalaki, "Si Christopher. Ang Papa Chris mo. Gusto mo ba siyang makilala?"
"Ayaw. Tago ako..." Nagpunta agad ito sa kaniyang likuran bago iyon yakapin. Hinarangan na lang nito ang bata at marahang tinapik para hindi na matakot. "Wala a-ako papa... mama ko dalawa..."