Chapter 33

21 1 0
                                    

"Kung ano man ang binabalak niya, hinding-hindi siya magtatagumpay," nakatiim-bagang na saad ni Ashton.

Hindi ako nakasagot, nanatili lamang ang mga mata ko sa dinaraanan namin habang malalim ang iniisip.

Paano kung magkita sila ni Ares? Hindi-hinding ko magagawang pigilan 'yon dahil talagang magkikita at magkikita silang dalawa, lalo na ngayon na nasa iisang lugar lamang sila, ano mang oras ay maari silang magkita.

Ano kayang mararamdaman ni Ares kapag nakita niya muli ang babaeng pinakamamahal niya? Tuluyan na ba siyang mawawala sa akin? Sunod-sunod na nagsisipasukan ang masasakit na katanungan sa isip ko, ngayon pa lang ay parang napanghihinaan na ako ng loob.

"Ayos ka lang ba? Anong iniisip mo?" tumigil ako sa paglalakad at binitawan ang kamay ni Ashton na hawak-hawak ko pa rin pala.

"Iniisip ko lang ang mga pwedeng mangyari ngayong bumalik na siya."

"Kung nangangamba ka na baka magka-balikan silang dalawa, huwag mo nang isipin 'yon. Kilala ko si Ares, alam kong mahal ka niya." Pilit akong ngumiti kay Ashton.

Mahal nga ba niya talaga ako o minahal niya lang ako kasi ako 'yong nandiyan no'ng mga panahong wala pa siya? At ngayong bumalik na siya ay tapos na ang papel ko sa buhay niya.

"Hindi mo maalis sa akin ang mangamba, Ash. Lalo na at alam natin pareho kung gaano kahalaga si Channel kay Ares."

"Noon 'yon. . . Ikaw na ang mahal ni Ares ngayon." Ngumiti na lamang ako sa kanya at tuluyan ng pumasok sa room namin.

Hindi ako makapag-focus sa klase, naiisip ko ang mga posibleng mangyari ngayong narito na ulit siya. Malakas ang pakiramdam ko na maraming magbabago lalong-lalo na sa relasyon namin ni Ares.

Hindi ko namalayan na nakaalis na pala ang professor na nagtuturo sa unahan dahil sa lalim ng iniisip ko, kung hindi pa ako kinalabit ni Ashton ay tulala pa rin ako sa kawalan hanggang ngayon.

"Tara sa cafeteria," anyaya niya na tinanguan ko naman. Kailangan kong ituon ang isipan ko sa ibang bagay bago pa ako mabaliw sa kaiisip sa mga posibleng mangyari.

Pagdating namin sa cafeteria ay nagtagpo kaagad ang mga mata namin ni Channel. Hindi kagaya kanina na nakangiti siya, ngayon ay blanko lamang siyang nakatingin sa akin, walang bahid ng ngiti sa labi.

May kasama siyang tatlong babae, isa na roon si Francine na nakataas ang kilay habang nakatingin sa gawi namin ni Ashton. Hindi pa sila napapansin ni Ashton dahil abala siya sa pakikipag-usap sa babaeng nasa counter.

"Humanap ka na lang ng mauupuan natin, lrish. Ako na ang bahala rito," baling ni Ashton sa akin.

Luminga-linga ako sa loob ng cafeteria, naghahanap ng bakanteng lamesa ngunit halos lahat ay may naka-upo na, maliban na lamang sa katabing lamesa nila Channel. Gustuhin ko mang umiwas sa kanila ay hindi ko magawa dahil tanging ang lamesa na lang sa tabi nila ang bakante, maraming estudyante sa cafeteria at lahat sila ay kakasimula pa lang kumain kaya hindi naman pwedeng hintayin namin silang matapos dahil tiyak na mahuhuli kami sa klase.

Huminga na lamang ako ng malalim at naglakad papalapit sa katabi nilang lamesa. Ba't ko ba siya gustong iwasan? Dapat siya ang gumawa no'n at hindi ako dahil sa aming dalawa siya ang dapat mahiya dahil sa mga ginawa niya noon!

Hindi ko dapat iparamdam sa kaniya na naapektuhan ako sa presenya niya. Magbibigay lamang sa kanya iyon ng kasiyahan kapag nakita niyang masyado akong apektado sa pag-babalik niya.

Habang papalapit sa gawi nila ay ramdam na ramdam ko ang mga matang nakatingin sa akin, hindi ako lumingon sa kahit sino, pinanatili ko ang prenteng paglalakad habang nakataas ang noo.

Change Of HeartTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon