KINABUKASAN maaga akong gumising dahil ngayon na ang araw ng aming graduwasyon. Nasasabik na akong mahawakan ang aking diploma. Habang abala ako sa aking pag-aayos ng sarili ay biglang pumasok si nanay sa aking silid.
“Ang ganda naman talaga ng aking prinsesa, dalagang-dalaga ka na talaga anak ko.” Niyakap ako ng aking ina mula sa likuran. Kapagkuwaʼy iniharap niya ako sa kaniya at saka ikinulong ang aking mukha ng dalawang palad nito.
“Nagmana lang po ako sa inyo, Inay,” nakangiting wika ko sa kaniya. Muli akong humarap sa malaking salamin saka ipinagpatuloy ang aking pag-aayos.Ngunit nakita ko mula sa repleksyon ng salamin na malungkot ang mga mata ni nanay. Kaya nilingon ko siya at tinanong. “Inay, bakit po kayo malungkot? Hindi ba dapat ay maging masaya kayo dahil magtatapos na ako ngayon ng sekandarya?” hindi na niya napigilan ang pag-agos ng kaniyang mga luha mula sa kaniyang mga mata, umiiyak ang aking ina.
Parang nilamukos na papel ang puso ko nang makita kong lumuluha ang aking ina. Hindi ko siya kayang makitang umiiyak dahil nasasaktan ako. Masakit para sa isang anak na nakikita ang kanilang ina na umiiyak.“Nalulungkot lang ako anak, dahil malalayo ka na sa amin ng Itay mo.” umiiyak nitong wika kaya hindi ko na rin napigilan ang aking sarili na mapaiyak din.
“Inay, naman, eh, huwag na po kayong malulungkot. Matagal pa naman po akong luluwas ng Maynila.” saad ko ng may ngiti sa labi upang hindi na malungkot si nanay.“Matagal pa ba kayo riyan!” tawag ni Itay mula sa labas ng aking silid. Kaya nagkatinginan kami ni Inay saka binilisan na ang aming mga kilos. “Sandali lamang po Itay, patapos na po kami!” ganting sigaw ko mula sa loob ng aking silid. Ngunit bigla na lang pumasok si Itay at pormadong-pormado ito sa kaniyang suot na puting polo at itim na pantalon.
Tapos na ang aming graduwasyon kaya nagkuhanan na kami ng mga litrato. Masaya kaming pamilya habang pauwi na sa aming bahay dahil may kunting inihanda si Itay para sa akin. Habang tinatahak namin ang kahabaan ng high way, subalit may bigla na lamang bumangga sa aming dyip na minamaneho ng aking ama.
Parang niyanig ang mundo ko nang makita ng aking mga mata kung paano tumilapon ang mga magulang ko. “Inay! Itay!” sigaw ng aking utak. Wala man lang akong nagawa para tulongan sila. Gusto kong sumigaw at humingi ng saklolo ngunit hindi ko man lang maibuka ang aking bibig. Dahil nakaramdam din ako ng pananakit at pamamanhid sa aking katawan. Huli kong nasilayan ang mga taong papalapit sa amin bago tuloyang dumilim ang aking paligid.
Nagising ako sa hindi pamilyar na silid, inikot ko ang aking mata sa paligid ngunit wala akong nakitang tao. Akma na sana akong babangon ngunit biglang kumirot ang aking ulo. Naka-bendahe pa ito nang hawakan ko. Bigla kong naalala ang nangyari sa amin ng mga magulang ko, ilang araw na ba akong nakaratay sa hospital. Kumusta na kaya sina nanay at tatay, sana nasa maayos silang kalagayan katulad ko.
“Aprielle!” isang pamilyar na boses ang tumawag sa aking pangalan. Kaya bahagya ko itong nilingon sa may pintuan at luhaang mukha ni Pauleen at tiya Roda ang bumungad sa akin. Patakbo akong nilapitan ng kaibigan ko saka humagulhol sa harapan ko. Bigla akong kinabahan sa kanilang ikinikilos, sana hindi totoo ang nasa isip ko.
“Pauleen, anoʼng nangyari? Bakit ka umiiyak?” tanong ko kay Pauleen na pilit nilalabanan ang mga luhang nagbabadya. Kaya tiningnan ko si tiya Roda saka tinanong. “Tiya, sina Itay at Inay, nasaan? Gusto ko silang makita.” Hindi sumagot ang tiyahin ko bagkus ay umiiyak lamang ito. Hindi ko batid kong ano ang totoong nangyari sa mga magulang ko. Ayaw kong isipin na wala na sila, hindi ko kaya.
“Aprielle, panatagin mo ang iyong loob at hu—” hindi ko na pinatapos si tiyang sa kaniyang nais sabihin. “Diretsohin mo na ako Tiyang, nasaan na ang mga magulang ko.”
“Wala na sila, Aprielle, patay na ang mga magulang mo.” umiiyak na wika ni tiya Roda. Hindi ako makapaniwala, para akong pinagbagsakan ng langit.
BINABASA MO ANG
Hanggang Kailan
RomanceApril Salva, isang simpleng babae at nangarap makapagtapos ng pag-aaral. Subalit sa isang iglap naglaho ang pangarap na iyon ng yumao ang kanyang mga magulang. Inihabilin siya sa kanyang kamag-anak subalit naging kalbaryo ang buhay niya. Lumayas siy...