Chapter 3 (unedited ver.)

79 2 0
                                    

"Salot ka talagang bata ka!" Isang masakit na pingot sa tainga at sampal ang natanggap ko galing sa kinikilala kong ina. 

Nahapo ko ang pisngi kong sinaktan nito. Nakayuko at paimpit na umiiyak. Sa munti kong edad na lima ay hindi ko mawari kung bakit pinagkakaitan ako ng sarili kong ina. Isang kakarampot na tinapay na siyang kinain ko ay kapalit ng halos isang araw ng pambubugbog nito sa akin. Kanina niya pa ako sinasaktan dahil sa kadahilanang kinain ko ang nakatago nitong pagkain sa aparador nito. 

"Mama… patawad po, h-hindi na p-po ako uulit," pagmamakaawa ko rito habang nakaluhod sa inilatag nitong monggo. 

Pero tila bingi ang babae sa pagmamakaawa ko. Isang sipa sa tagiliran ang natamo ko at napahiyaw ako sa sakit. Napahiga ako sa malamig na sahig habang patuloy pa rin sa pagtadyak sa katawan ko si mama. 

"T*angina mo! Gago! Mamatay ka na! Hindi mo ako ina!" Sampal, sabunot, sipa, at mura. Lahat ay tiniis ko. 

"M-mama… h-hindi p-po ako makahinga," hinang-hina kong sabi. Taimtim na nagdarasal na sana ay matigil na ang pagmamalupit niya sa akin. 

Nang hindi na makayanin ng katawan ko ang sakit ay napaubo na lamang ako ng dugo. Bumulwak ang sariwang dugo galing sa bibig ko. Gulat at takot ang siyang naramdaman ko. Gusto kong umiyak nang malakas pero natatakot ako na baka ay saktan pa ako lalo nito. Ang akala ko ay maaawa siya sa akin pero minura niya pa ako at hiniling na sana ito na ang ikamatay ko. 

"Sana naman sa pagbalik ko ay hindi ka na humihinga. Mas mapapadali ang lahat sa akin kung iyon nga ang mangyari sa 'yo!" 

Iniwan ako nito na tulala at puno ng pasa ang katawan. Inabot ko ang isang ngipin na natanggal galing sa bibig ko. Natanggal kasi iyon kanina dahil sa lakas ng pagsampal nito sa akin kaya bungi na ang nasa harap ng ngipin ko. 

Naalala ko na naman 'yong nakita kong isang pamilya noong isang araw sa may parke. Kumpleto sila. May mama, may papa, atsaka mukha silang masaya. Malinis din ang damit nila at binibilhan sila ng pagkain habang ako kumakalam ang sikmura habang pinagmamasdan sila. Tatlong araw na kasi akong walang maayos na kain. 

Hindi pa kasi umuuwi ang mama galing sa trabaho atsaka mahigpit na bilin nito na huwag kong pakikialaman ang aparador nito. Wala siyang ibinigay na pera o kaya pagkain man lang. Lagi-lagi namang ganito. Pero kasi tatlong araw na, noon kasi isang araw lang akong hindi nakakakain kasi umuuwi naman si mama kapag madaling araw. 

Kaya noong umuwi ako galing sa parke ay hindi ko na natiis na hindi tingnan ang laman ng aparador nito. Umaasa na sana ay may pagkaing mahahanap. Hindi naman ako nabigo kasi mayroon nga! Nagdadalawang-isip pa akong kumuha kasi baka magalit nga si mama at saktan na naman niya ako pero hindi ko mahindian ang kumakalam kong sikmura. 

Kaya ayon na nga, naabutan niya akong kinakain ang tinapay nito. Kaya nauwi rin sa ganitong sitwasyon ko ngayon kung saan nakahiga ako habang iniinda ang sakit ng katawan. 

HINDI ko na alam kung ilang oras na akong nakatulala lamang sa puntod ng kinikilala kong ama. It's his death anniversary. Ang petsa kung kailan gumuho ang mundo ko. 

I am adopted. Isang retired scout ranger ang siyang nag-aruga sa akin simula no'ng labing-dalawang taong gulang pa lang ako. May kinikilala akong ina noon pero hindi ko mawari kung tama bang tawaging ina ang tulad niya. Ni hindi ko naranasang maramdaman ang init at aruga ng isang ina. Bagkus ay namulat ako sa karahasan. 

"Pops, pasensya ka na. Kulilat pa rin ako. Limang taon na pero hanggang ngayon ay hindi pa rin kita nabibigyan ng hustisya," tila ay may galit na bulong ko habang nakatingin sa lapida ng ama. 

Wild Men Series: Keros VolzkieTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon