Fate 9

2 1 0
                                    

NANUNURI ang mga mata ni Rome habang nakatingin kina Logan at Desa. Sinabi kasi sa kaniya ng dalawa ang tungkol sa kakaibang naramdaman tungkol kay Shanella o Niah.

"Are you two sure about this?"

"Logan said it," sagot ni Desa.

"Hindi maaaring magkamali ang mga naramdaman ko kanina habang malapit siya sa akin..." mahahalata pa rin ang pagtataka sa mukhang sagot ni Logan.

"Marahil ay lumalakas lamang ang kaniyang kapangyarihan nang dahil kay Kai. Baka epekto ito ng pagkilala sa kaniya ng mga Gibbous bilang kanilang bagong Luna..." suhestiyon ni Rome.

"Iyan na nga rin ang nasa isipan ko, ama..." mahinang sagot ni Logan.

"Ngunit nakita mo ba ang marka? Nalaman mo ba kung kailan eksaktong mangyayari ang kamatayan ni Kai?" tanong ni Rome.

Tumango naman si Logan. "Hindi ko lang masyadong na-pokus ang tungkol sa marka dahil nga sa naramdaman kong kapangyarihan niya. Ngunit malinaw na naiparating sa akin ng kaniyang marka na matutupad ang kamatayan ni Kai sa kaniya ring mga kamay..."

Lumuwang ang pagkakangiti ni Rome.

"Isang masaklap na trahedya ang darating sa anak nina Thallon at Gara nang wala silang kaalam-alam... Hindi lang mamamatay si Kai sa mga kamay ni Niah, kundi madudurog din ang kaniyang puso sa sandaling malaman nila na wala talagang nagngangalang Shanella kundi isang Niah na nakatadhanang pumatay sa kaniya..." nagniningning naman ang mga matang sambit ni Desa.

"ANUMAN ang gagawin mo, kailangang alam ko!" halos magbaga ang mga mata ni Kai sa harapan ni Shanella nang malaman nitong umalis ang babae kasama si Garry.

Nang akmang lalapitan ni Kai si Garry upang saktan ay kaagad itong pinigilan ni Shanella.

"Patawarin mo ako, Kai... Walang kasalanan si Garry. Gusto ko lang talagang makita muli ang dati kong buhay noon," pakiusap ni Shanella.

"Alam mong delikado ka sa mga Sturgeon, hindi ba? Ginamit mo pa ang iyong lakas na maaaring maramdaman ng mga Sturgeon!" may panggigigil na saad ni Kai.

"It won't happen again..." nagmamakaawa ang mga matang tanging nasabi ni Shanella.

Pinakatitigan naman ni Kai si Shanella. Pakiramdam nito ay tinutunaw ng mga titig ni Shanella ang galit na nararamdaman niya ng mga sandaling iyon.

"Please, Kai... H-huwag mong parusahan o saktan si Garry... Wala siyang kasalanan," pagsusumamo pa rin ni Shanella.

"It's okay, Luna Shanella... Tatanggapin ko ang anumang parusang ipataw ni Alpha Kai..." nakayuko naman ang ulong lumapit si Garry kina Kai at Shanella.

Then Kai growled at him.

"N-no, Kai... Please..." hinigpitan ni Shanella ang paghawak sa braso ni Kai.

"This will be the last time, Garry... Sa susunod, hindi ako mangingiming mawalan ng isa sa aking nasasakupan kung wala namang paggalang sa akin. Naiintindihan mo ba?" may panlilisik muli sa mga matang saad ni Kai.

Sunod-sunod na pagtango ang isinagot ni Garry.

"Kai-"

"I don't want to hear it!" putol ni Kai sa pagsasalita sana ng ama nitong si Thallon na naroon din kasama si Gara.

Pagkatapos ay tumalikod na si Kai at iniwan silang mga nandoon. Sinundan ng tingin ni Shanella ang lalaki na pumasok na sa nagsisilbi nilang kuwarto. Mula nang dumating sila roon ay nagsimula na silang lahat sa paggawa ng masisilungan hanggang sa ilang maliliit na kubo ang kanilang nabuo na siya na nilang sinisilungan. Malayo sila sa kapatagan at kung may mga bahay man sa kabundukang iyon ay malayo rin sa kanila. Tiniyak nila na walang maliligaw doon at kung mayroon man ay kaagad na nilang itinataboy sa pamamagitan ng pananakot bilang isang lobo.

"Luna Shanella, hindi na dapat ninyo ako ipinagtanggol... Baka magalit pa si Alpha Kai kapag nalaman niyang ako naman talaga ang nag-aya sa 'yo na mamasyal sa kapatagan..." mayamaya ay wika ni Garry.

Nakangiting hinarap ni Shanella si Garry. "Ginusto ko rin naman ang pagpunta sa kapatagan. Kaya tama lang na hindi ko ibigay lahat ang sisi sa iyo."

Matapos iyong sabihin ni Shanella ay nagpaalam na rin ito upang sumunod na kay Kai. Gabi na rin naman noon at oras na ng kanilang pamamahinga. Mula ng makilala na sila ni Kai bilang alpha at luna, hindi na sila kasama sa pagbabantay o pag-gwardiya.

"Natiyak mo bang nasundan at nakita kayo ni Logan?" biglang tanong ni Thallon nang makaalis na si Shanella.

"Nakatitiyak ako... Napansin ko na ang dalawang nilalang kanina na panay ang sulyap sa amin ni Luna Shanella. Pagkatapos ay nakita ko rin ang pagtataka sa mukha ng isa sa kanila na natiyak ko ng si Logan," mabilis na sagot ni Garry.

"Pagtataka?" napakunot-noo naman si Gara.

Bumuntonghininga si Garry bago nagpaliwanag. "Mayroong ginawa si Luna Shanella kanina roon sa eskwelahang pinuntahan namin... Mukhang tinuruan niya ng leksiyon ang dati niyang kaklase at naramdaman ni Logan ang paglabas ng kaniyang lakas at enerhiya. Ngunit nakita pa rin naman niya ang markang dahilan ng pagsunod niya sa amin. Kaya natitiyak kong ibinalita niya na sa kaniyang ama at ina ang katiyakan ng kamatayan ni Alpha Kai..." mahaba nitong paliwanag.

"Hindi tayo maaaring pumalpak dito, Garry... Ang pagpapanggap nating hindi natin alam na si Shanella ay nakatakdang patayin ang aking anak ay isa lamang sa mga hakbang upang maloko ang mga Sturgeon... Hangga't umaasa sila kay Shanella, marami pa tayong magagawa..." pahayag ni Thallon habang nakatanaw sa kubo nina Kai at Shanella.

"Ngunit... Hindi niyo ba ito balak sabihin kay Alpha Kai?" nagtatakang tanong ni Garry.

"Hindi muna, Garry... Mas mabuting wala munang alam ang aking anak. Baka kapag nalaman niya na si Shanella ay naging pain ng mga Sturgeon, baka masira ang lahat. Baka hindi siya pumayag sa aming plano. Mas mabuti ng hindi niya alam ang tungkol sa tunay na pagkatao ni Shanella..." si Gara ang sumagot.

"Hanggang kailan? Paano kung maagang lumabas ang lakas at kapangyarihan ni Luna Shanella at mapatay niya kaagad si Alpha Kai?" may pag-aalala sa tonong wika ni Garry.

"Huwag ka ng mag-alala, Garry dahil hindi naman na darating ang araw na iyon..." makahulugang sambit ni Thallon.

"H-hindi darating?" kumunot ang noo ni Garry.

"Ang mabuti pa ay magpahinga ka na rin, Garry. Malalim na ang gabi. Ikaw ang isa sa mga magbabantay bukas nang gabi kaya magpahinga ka na muna..." pagsingit ni Gara upang hindi na mag-usisa pa lalo si Garry tungkol sa huling tinuran ni Thallon.

Sumunod naman si Garry ngunit may katanungan pa rin sa isipan nito. Hindi nito maintindihan ang ibig sabihin ng mga sinabi ni Thallon kaya naman naguguluhan siya...

Biting Her Only Fate (Werewolf/Breeders - PiP Collaboration Series)Where stories live. Discover now