#9 Kung Ako na lang Sana

537 24 10
                                    

"Ang sakit kasi e. Bakit ganoon?" sabi mo. Pumunta ka sa amin kahit dis-oras na ng gabi dahil lang sa problema niyo ng girlfriend mo na si Miya. Nandito ka nanaman, umiiyak.

"Ang sakit talaga, Claire," sambit mo sabay lagok sa isang bote ng beer na dala-dala mo noong pumunta ka rito.

Nanatili akong nakatitig sa'yo. Iniisip ko kung ano ba ang mga posibleng dahilan kung bakit ka nasasaktan. Iniisa-isa ko na sa isip ko kung ano ba ang mga p'wedeng gawin sa'yo ni Miya para masaktan ka ng husto.

"Ano ba ang nangyari?" tanong ko sa'yo habang tinatapik ko ang balikat mo. Hindi mo ako sinagot, bagkus ay nagpatuloy ka sa pag-inom mo sa beer na hawak mo.

Hindi ito ang unang pagkakataon na pumunta ka rito sa amin at naglalabas ng sama ng loob mo sa nobya mong si Miya. Tandang-tanda ko pa noong nakaraan na ganito rin ang naging eksena natin dahil nakita mo si Miya na may kasamang ibang lalaki.

"Ralph, ano nga ang problema? Ano nanaman ang ginawa ni Miya?" tanong ko sa iyo. Bigla akong napalunok ng laway ko noong tiningnan mo ako.

Kitang-kita sa mga mata mo ang sakit na nararamdaman mo. Kitang-kita ko kung paano nadudurog ang puso mo. Hindi na ako nakagalaw pa noong niyakap mo ako.

"Claire," sambit mo bago ka muling umiyak. Hindi na ulit ako nagtanong. Alam kong hindi mo pa kayang sabihin ang dahilan kaya naman niyakap na lang din kita pabalik. Sa tingin ko ay mas kailangan mo ito sa mga oras na 'to.

"Ginawa ko naman ang lahat ng gusto niya. Dumating pa nga sa punto na iniwasan kita dahil 'yon ang gusto niya. Sinunod ko lahat ng sinabi niya, Claire. Pero bakit gano'n? Dito lang pala mauuwi lahat ng ginawa ko," sabi mo. Naramdaman ko na lalong humigpit ang pagkakayakap mo sa akin. Parang pinipiga ang puso ko na makita kang nasasaktan. Kulang na lang ay sabihin ko sa'yo na ako na lang sana ang mahalin mo. Ako na lang, Ralph. Hinding-hindi kita sasaktan kapag ako ang minahal mo. Ngunit nanatili akong tahimik. Ayaw kong dumagdag sa bigat na nararamdaman mo dahil para sa'yo, kaibigan ako. Kaibigan lang.

"Ralph, magiging maayos din ang lahat. Bukas, baka magka-ayos na kayo ni Miya," sabi ko sa'yo. Ito nanaman, sinasabi ko nanaman ang mga bagay na posibleng magpalakas ng loob mo. Magbibigay sa'yo ng pag-asa na siyang nakakasakit naman sa akin. Pero hindi mo 'yon alam. Hindi mo malalaman kasi nga, kaibigan mo lang naman ako.

"Hindi na maaayos, Claire. Nakipaghiwalay na siya sa akin," sabi mo na siya namang kinagulat ko. Alam ko na madalas kayong nag-aaway at nagkakaproblema ni Miya pero hindi sumagi sa isipan ko na makikipag-hiwalay siya sa'yo.

"Bakit? Bakit siya nakipaghiwalay?" tanong ko sa'yo. Kung alam mo lang ang nararamdaman ko sa mga oras na 'to. Gusto kong sugurin si Miya at sabihin na ang tanga niya kasi nakipaghiwalay siya sa'yo. Ang tanga niya para saktan ka.

"Dahil hindi na raw niya ako mahal. Si Dave na raw ang mahal niya," sabi mo. Halos basag na ang boses mo at halata iyon sa pananalita mo. Hindi ko alam kung paano pagagaanin ang nararamdaman mo. Hindi ko alam kung ano ba ang dapat kong sabihin sa'yo.

"You'll be fine, Ralph. You'll get over with her. Sa ngayon, masakit talaga pero sa paglipas ng bawat araw, mababawasan ang sakit hanggang sa dumating ang araw na wala na. Hindi ka na nasasaktan," sambit ko. Hindi ko talaga alam kung paano ako makakatulong sa'yo kaya naman kung ano-ano na lang ang sinasabi ko.

"Sabi nga ni Popoy, baka kaya tayo iniiwan ng mga taong mahal natin kasi may bagong darating. Darating para ipaalam sa atin kung bakit hindi nagwork-out 'yong dati. 'Di ba? Kaya, cheer up. Mahahanap mo rin 'yong taong magmamahal sa'yo nang hindi ka sasaktan. Magmamahal sa'yo nang totoo at sobra pa sa inaasahan mo. Malay mo, nand'yan lang siya sa tabi-tabi," sabi ko sa'yo. Gusto ko sanang sabihin na sarili ko ang tinutukoy ko pero hindi ko ginawa. Baka kasi sa halip na marealize mo na dapat ka ng magmahal ng iba ay baka lalo kang maguluhan at mahirapan. Alam kong sinabi mo sa akin noon na hindi mo gugustuhin na mainlove ako sa'yo dahil alam mong hindi mo 'yon masusuklian at ayaw mong dumating sa punto na masasaktan mo ako.

"Claire," banggit mo sa pangalan ko. Ilang minuto kang natahimik. Hindi ka man lang umiimik. Wala ka man lang reaksyon sa mga sinabi ko sa'yo.

"Claire," pag-uulit mo sa pagtawag sa pangalan ko.

"Bakit?" tanong ko sa'yo. Umaasa ako na katulad ng mga nakagawian natin na tuwing pupunta ka rito para maglabas ng nararamdaman mo ay laging natatapos sa salitang thank you for being here. You're the best friend I ever had.

At sa tuwing sinasabi mo 'yon, hindi mo alam kung gaano ako nasasaktan at nadudurog. Pakiramdam ko ay gumuguho ang mundo ko. Pero kapag naiisip ko ang role ko bilang best friend mo ay nagiging masaya na rin ako.

Mas pipiliin ko na lang na maging best friend mo habang buhay kaysa ang maging girl friend mo tapos sa huli ay maghihiwalay lang pala tayo at matatawag na ex mo. Ayaw ko ng gano'n.

"Salamat," sabi mo. Napangiti ako kasi iyon naman talaga ang inaasahan kong sasabihin mo.

"Walang ano man, Ralph. That's what friends are for, 'di ba?" sabi ko sa'yo habang nakangiti. Gumaan ang pakiramdam ko noong ngumiti ka rin pabalik.

Ilang minuto pa ang pinalipas natin bago ka nagdesisyon na umuwi na.

"Deretso uwi, ha? Baka mamaya kung saan ka nanaman pumunta," bilin ko sa'yo. Nakasakay ka na sa motor mo at talagang handa ka ng umalis.

"Oo na," sagot mo habang nakangiti.

"Itext mo ako kapag nakauwi ka na. Hindi ako matutulog hangga't hindi ka nagtetext," sabi ko sa'yo. Pinaandar mo na ang motor mo. Umalingawngaw ang tunog ng makina ng motor mo sa katahimikan ng gabi.

Ngunit, bigla akong natulala at ilang minutong napako sa kinatatayuan ko noong marinig ko ang huli mong sinabi bago mo pinatakbo ang motor mo.

Sabi mo, "You're always be my best friend. My best girl. Kung ikaw siguro ang minahal ko, hindi ako masasaktan ng ganito. Goodnight, Claire. Sana ikaw na lang."

Shots of LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon