"A-ATE…"
Makailang ulit na siguro tinapik ni Gabbie ang braso ng kaniyang Ate Sef pero masyado itong abala sa mga credentials niya, kung saan nakapaloob na isa na siyang opisyal na estudyante ng Lauchengco International School. Halos pagpawisan na siya nang malagkit dahil sa matinding pagpipigil sa nalalapit na pagsabog ng kaniyang pantog. Lulan muli sila ng school service na siyang maghahatid sa kanila palabas ng premises ng mismong school.
"A-Ate Sef…" subalit hindi pa rin siya narinig nito. Nakagat na niya ang pang-ibabang labi dahil na niya kaya pa! Kailangan na niyang humanap ng CR sa lalong madaling panahon.
"Naku, Gabriella! Paniguradong matutuwa si Ate Mela kapag nalaman niya—"
"Manong, para po!" sigaw niya sa driver na siyang pumukaw ng atensyon ng lahat. Bagama't nagtataka ito'y mabilis naman nitong inihinto ang sasakyan, kaya naman dali-dali siyang bumaba at nagsimulang tumakbo.
"Hoy, Gabbie! Saan ka pupunta?" rinig niyang tawag sa kaniya ng kapatid pero hindi na siya nag-abala pang lumingon. "Gabriella!"
Kagat-labi niyang tinakbo ang mahabang pathway, nagbabaka-sakaling makakahanap siya ng palikuran. Mabuti na nga lang at kahit Lunes ay walang gaanong tao roon. Marahil ay sa online na lamang nag-e-enroll ang iba o hindi naman kaya'y may mga utusan ang mga ito upang gawin iyon. Subalit hindi ang bagay na iyon ang dapat niyang pagtuunan ng pansin, kundi ang dignidad niya kapag inabot siya ng pag-ihi sa daan!
Ilang sandali rin ang lumipas nang makakita siya ng signage na magtuturo sa kaniya ng palikuran para sa mga babae. Butil-butil man ang pawis niya sa noo'y malawak siyang napangiti nang makita iyon. Mabilis niyang tinungo ang daan papunta roon at nang makarating siya'y kaagad siyang dumiretso sa isang cubicle.
"Hay, salamat…"
Maluwag siyang nakahinga dahil sa wakas ay nailabas na niya ang dapat ilabas. Sandali niyang inilibot ang paningin sa loob ng cubicle na iyon at lubos niyang ikinatuwa ang seat-warmer ng mismong toilet bowl. Mayroon din bidet doon at dispenser na may tissue, wet wipes at panty liner. Ang shala naman talaga! At nang matapos nga siya'y kaagad na siyang lumabas upang maghugas naman ng kamay.
"Hala. Bakit walang tubig?" Paulit-ulit niyang pinihit ang faucet sa may sink subalit walang lumalabas na tubig mula roon. Napaismid tuloy siya. "Sus! Akala ko naman, forda rich kids ang school na 'to. Hindi naman pala marunong magbayad ng water bill!"
"That faucet's automatic, stupid fool."
"Ay impaktang kabayo!"
Damang-dama niya ang bilis ng kabog sa kaniyang dibdib buhat ng matinding gulat. Paano't bigla na lamang bumulaga sa may pinto ang isang babae na tingin niya'y halos kasing-edad niya lamang. Maputla ang pagkaputi nito na animo'y gumamit ng sangkatutak na whitening soap at sinabayan pa ng pagkukulong sa kwartong may aircon para pumuti. Her shoulder-length hair was decorated with pearl clips on the side and her floral dress screams elegance. Nakahalukipkip ito habang nakataas ang isang kilay. Nagsimula itong maglakad palapit sa kaniya at saka bahagyang sumandal sa katabing sink, kung saan siya nakatayo.
BINABASA MO ANG
Gabriella (The Modern Filipina Series)
ChickLitGabriella Kabayan o Gabbie para sa ilan. Siya ang bunso sa magkakapatid at tulad ng pangalan niya'y siya itong walang gulong inaatrasan. Sugod nang sugod sa anumang isyu o tsimis na sa kaniya'y ibato. Malditang tagapagtanggol ng mga kapatid na suki...