"ULITIN mo 'yong sinabi mo!"
Hindi na maitago pa ni Gabbie ang matinding inis habang kasalukuyan niyang hila-hila ang buhok ni Odette. Mula sa marmol na sahig naman ay sina Maggie at Georgina na kapwa nakasalampak. Iyon ay matapos niyang itulak naman ang mga ito nang akmang susugod din sa kaniya kanina.
"Aray! L-let go of me, you freak!" Halos mag-histerikal na ang dalagita ngunit mas lalo lamang niyang hinigpitan ang pagkakasakmal sa ulo nito. "Hey, bystanders! Don't just watch. D-do something!"
Napuno ng samu't saring bulungan ang dapat sana'y tahimik na cafeteria. May ilan na tumakbo na paalis doon, marahil ay para magsumbong sa mga teachers o kahit sinong school personnel. Habang ang karamihan naman ay puno ng kuryosidad lamang na nanunuod.
Dalawang linggo na rin ang nakalilipas mula nang ma-lift ang temporary suspension niya, subalit heto't panibagong riot na naman ang kaniyang kinasasangkutan. Pero mamaya na niya iisipin ang consequence dahil mas priority niyang makalbo ang bruhang kaharap niya ngayon.
"Wala akong pakialam kahit tawagin niyo akong malandi o social climber," aniya sa matigas na tono. "Pero para idamay niyo ang mga kapatid ko? 'Yon ang hindi ko mapapalagpas!"
"Y-you're crazy!" muling untag sa kaniya ni Odette. Pilit pa rin itong nagpupumiglas mula sa pagkakasabunot niya. "Just wait until I get you expelled from this—"
"Expelled mong mukha mo!" pagputol niya sa sinasabi nito. "Arte mong bruha ka. Aray rin naman ang una mong sasabihin!"
Ang gusto lang naman niya'y kumain nang tahimik sa cafeteria na iyon, tulad ng ibang estudyante. Simula rin kasi nang iniwasan niya ang binatang si Isiah ay pinili niyang huwag na sa school clinic mag-lunch, gaya noon.
Aware naman siyang kalat na sa buong campus ang nangyari sa pagitan nila, since isa nga sa mga kilalang varsity player ang binata. Pero wala na siyang pakialam pa roon. Kahit ano naman kasing gawin niya'y may masasabi't masasabi ang iba. Sadyang hindi niya lang kayang dedmahin kung pati ang mga ate niya'y idadamay ng mga bruhang ito.
"B-bakit ba triggered ka?" rinig niyang singhal ni Maggie. "It's true naman 'di ba? That one of your sisters got scammed because she's gullible and stu—"
"Manahimik ka, kung ayaw mong totohanin ko na kulang ang plastic surgery para palitan ang panget mong mukha!"
Matalim niyang binalingan ng tingin sina Maggie at Georgina na ngayo'y kapwa na nakatayo. Pero bakas din sa mukha ng dalawa na kahit gusto nilang sumugod ay hindi nila magawa. Kaya marahil ay dinadaan na lang ng mga ito sa salita ang pag-atake sa kaniya.
"Don't act as if you're so full of yourself!" Odette blurted out. "Eh, sa totoo rin naman na sa isang bar nagta-trabaho ang ate mo and God knows what kind of work she does there—"
"Oh my god, Odette!"
Napasinghap ang lahat nang mula sa pagkakasabunot ay pinadapo niya ang isang malakas na sampal sa mukha ni Odette. Halos tumilapon ito sa sahig, ang mga mata'y nanlalaki buhat ng matinding gulat. Mabilis itong dinaluhan ng dalawa nitong alipores, saka tinulungang makatayo.
BINABASA MO ANG
Gabriella (The Modern Filipina Series)
ChickLitGabriella Kabayan o Gabbie para sa ilan. Siya ang bunso sa magkakapatid at tulad ng pangalan niya'y siya itong walang gulong inaatrasan. Sugod nang sugod sa anumang isyu o tsimis na sa kaniya'y ibato. Malditang tagapagtanggol ng mga kapatid na suki...