Chapter 19

16.3K 229 18
                                    

Isang malakas na sampal mula kay Mommy ang bumungad sa akin pagkapasok na pagkapasok ko sa mansion. Agad siyang pinigilan ni Daddy habang si Lolo naman ay humahangos na lumapit sa akin.

"Hija de puta!" nanggigigil na sigaw niya at malakas na hinampas ako ng kaniyang tungkod. Hindi ko nagawa pang umiwas at kahit si Kuya Augustus ay huli na rin nang subukan niyang sanggain ang palo sa akin.

"Wala ka na talagang ginawang matino sa pamilyang ito, ano?! Puro kahihiyan na lamang palagi ang ibinibigay mo!" dagdag na singhal pa niya.

"Ano, Everleigh? Tatayo ka na lang ba riyan? Hindi ka sasagot? Magpaliwanag ka!" si Mommy naman ngayon.

"Let her speak. Hindi 'yon magagawa ni Everleigh—"

"Isa ka pa, Augustus! Wala ka nang ibang ginawa kundi kunsintihin 'yang pinsan mo! Kaya tumatapang na magsimula ng gulo, eh, kasi alam niyang sasaluhin mo!" nang-uuyam naman na wika ni Tita Ruffa.

"Puwede ba?" Inis siyang nilingon ni Tito Adrian na prenteng nakaupo sa pang-isahang sofa, nagbabasa ng diyaryo, habang sumisimsim ng kape. "Huwag ka nang makisali pa sa kanila."

Suminghap si Tita at hindi makapaniwalang tinitigan ang asawa. "Huwag makisali? Are you hearing yourself, Adrian? Madadamay na naman ang pangalan mo rito! Hindi lang pangalan mo, lahat kayo!" Itinuro niya si Lolo, Daddy, at Tito Arnaldo.

"This is a big controversy! Oh my gosh!" paghihisterikal pa niya at binigyan ako ng matalim na titig.

Bagsak ang balikat kong yumuko. "S-Sorry po."

"Everleigh..." Mahigpit na hinawakan ni Kuya Augustus ang braso ko para pigilan. "Wala kang kasalanan—"

"Shut up, Augustus! You heard her! She already admitted it!" singhal na naman ni Lolo.

"Pero hindi naman kasi talaga—"

"Shut your goddamn mouth or else..." may pagbabantang putol ni Tito Arnaldo.

Ramdam ko ang kagustuhang sumagot ni Augustus ngunit hindi niya magawa. Wala siyang ibang nagawa kundi ang tingnan lang ako nang may buong awa. Naiintindihan ko ang frustration na nararamdaman niya kaso... pagod na ako. Masiyado na akong pagod para dipensahan pa ang sarili ko. Kaya sige, kahit hindi ko ginawa, aakuin ko na lang para matapos na. Para matahimik na.

Hindi naman nila kailangang saluhin lahat ng 'to. Hindi na nila kailangan pang linisin ang pangalan ko kagaya ng ginagawa nila noon. Kung ano man ang kahahantungan ng lahat ng ito, tatanggapin ko na lang. Ituturing ko na lang itong pinakamalaking karma sa mga kalokohang ginawa at tinakasan ko noon.

Marahas na hinila ni Mommy ang aking braso dahilan para bahagya akong mapaigik sa sakit.

"Ano? Tutunganga ka na lang diyan? Hindi mo man lang ba inisip ang maaaring maging epekto nito sa Daddy mo? Sa lolo at mga tito mo? Ganiyan na ba talaga kapurol ang utak mo para hindi maisip ang maaaring maging epekto nito ngayong eleksyon?" litanya niya.

Patuloy nila akong sinisigawan, pinagtutulungan, at binabato ng kung ano-anong mga salita ngunit tila manhid na ako sa lahat ng naririnig ko. Para akong bolang pinagpapasa-pasahan pero wala na akong kahit anong maramdaman. Ilang oras din iyon bago nila ako tuluyang pinaakyat sa aking silid.

Nang naiwan akong mag-isa at doon ko lamang tuluyang naramdaman ang pagod, sakit, at pagkadismaya. Naghalo-halo na. Habang nakaupo sa harap ng vanity mirror ay nagbukas ako ng social media account at doon ko nakita ang iba't ibang article tungkol sa isyung kinasasangkutan ko ngayon.

Marami iyon at halos hindi ako makapaniwala na halos ilan sa mga kakilala o itinuring kong kaibigan ay nakikita ko ring nag-iiwan ng komento laban sa akin.

The Vice Mayor's Misery (Wretchedness #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon