"Si Crisostomo na sinasabi mong buhay pa, kung gayon ay nasaan s'ya, Klay?" naluluhang tanong ni Maria Clara sa kanyang katukayong si Klay. "Alam mo ba kung nasaan s'ya?" dagdag pa nitong tanong sa kaibigan bagama't nauubusan na rin s'ya ng pag asang muling makita ang kanyang kasintahan, si Crisostomo Ibarra.
"Uhm.." bahagyang natigilan si Klay sa tanong ni Maria. Tila nasasamid na sagutin ang tanong nito. Bahagya n'ya ring nilingon ang kasamang si Fidel na matalik na kaibigan ni Crisostomo upang kahit papaano ay lumakas ang kanyang loob na sagutin ang tanong ng dalaga. "Hinahanap namin. Pangako hahanapin namin. Hindi pa lang namin s'ya nakikita ngayon." Nag aalalang sagot nito.
"Ngunit kung totoo ngang buhay si Crisostomo, babalikan n'ya ako. Magpapakita s'ya o susulat s'ya. Lalo na't batid n'ya ang mga bali-balita na patay na s'ya," wika nito na may mahihinang hikbi habang binabanggit ang mga salita. "At alam ko na alam n'ya na hindi ko kakayanin. Ano na namang biro ito, Klay?"
Hindi na rin alam ni Klay ang dapat n'yang gawin upang magkita ang magkasintahan bago s'ya umalis sa libro ng Noli Me Tangere. Hindi pa rin nila mahanap si Crisostomo matapos itong patakasin mag isa ni Elias sa gubat. Napakarami n'ya pang gustong gawin at malaman subalit mayroon na lamang s'yang isang araw para manatili sa libro ng Noli. Bukod pa rito, sa kasamaang palad ay napabilang din sila ni Fidel sa mga puganteng napagbintangang filibustero ng bayan kaya't hindi sila maaring maglibot sa mataong lugar. Ang tanging alam n'yang magagawa n'ya sa mga oras na iyon ay ang palakasin ang loob ni Maria Clara at bigyan pa ng pag asang magkikita silang muli ni Crisostomo Ibarra.
"Hindi ko alam.." naluluhang sagot ni Klay, humugot ng isang malalim na buntong hininga bago muli magsalita. "Hindi ko alam.. Pero naniniwala ako na babalik s'ya. Babalikan ka n'ya." Bahagya n'yang hinaplos ang kamay ni Maria upang iparamdam ang pag asa na ibinibigay n'ya.
"Hindi na ako umaasa sa mga sinasabi mo, Klay. Nauubos na ako. Ubos na ubos na ako. Kaya kailangan ko ng katahimikan. Kailangan ko munang manatili sa kumbento," wika nito habang pinipigilan ang pagpatak ng mga luha, "Bahala na ang Diyos sa akin.. Baka doon ko na lamang s'ya hintayin." Isang mahinang paghikbi muna ang kanyang pinakawalan bago muling magsalita. "O hindi ko alam, marahil ay maghintay ako sa wala."
"G ka na ba talaga sa kumbento?"
Gumuhit ang mapait na ngiti sa labi ni Maria Clara sa tanong ng kaibigan. "Pinili ko ito. Sa wakas wala na ring nakapigil sa akin."
"At wala na rin akong magagawa, kailangan ko na ring umuwi sa amin, katukayo" malungkot na sagot n'ya kay Maria Clara.
Bahagyang nilingon ni Maria Clara sa sala ang apat na mga kababata n'yang kaibigan. Agad na bumisita ang mga ito sa kanilang tahanan nang mabalitaan ang kanyang biglaang pag alis sa San Diego at pagpasok sa kumbento. Batid nito sa sarili ang panghihinayang sa maiksing panahon na nagkakilala at nagkasama sila ni Klay. Gustuhin man n'ya na makasama ang kanyang katukayo gaya ng kanyang mga kababata ay hindi na kailan pa man ito mangyayari.
"Nauubos na ang oras mo, Katukayo. Kung maaari lamang na mas matagal pa ang pagsamahan natin ngunit kailangan nating panindigan ang mga pinili nating landas."
"Teka--" pagputol ni Klay sa sinasabi ni Maria. Umaliwalas ang kanyang mukha sa ideyang naiisip dahil na rin sa mga sinabi ng kaibigan. "Maria Clara, papa'no kung... Papa'no kung hindi ka na lang tumuloy sa kumbento?" Muling kinuha ni Klay ang mga kamay ni Maria Clara upang kumbinsihin ang dalaga na pumayag sa ideyang naiisip n'ya. "Kung magdedesisyon ka para sa sarili mo at walang makakapigil sa'yo, gugustuhin mo bang sumama sa'kin?"
"Saan?" pagtataka naman ni Maria.
"Sa mundo ko, Maria Clara" maiksing sagot nito na may pagkasabik na mapapayag ang kaibigan na sumama sa kanyang mundo.
-----
BINABASA MO ANG
Maria Clara at Fidel sa 21st Century
FanfictionWhat if may ibang way para makapunta sa RW sina Maria Clara at Fidel? Maipakita ni Klay ang progreso ng bansa noon sa ngayon. Mamulat kaya sila sa katotohanan ng kanilang kwento? What if may endgame pala talaga sila kahit saang universe? 😁 ----- A...