Chapter Four

2K 62 1
                                    


SA likod ng shop ay mayroong covered court na nalalatagan ng bermuda. Salit-salit na flat stones ang nilalakaran malapit sa fountain na estatwa ng dalawang sirena na nagbubuhos ng tubig mula sa mga banga.

"Do you believe in mermaids, Madam Zarina?" naisipang itanong ni Aura nang sandali silang huminto upang malasin ang napakagandang work of art.

"Yes and no..." Sinagot nito ang tanong niya habang nakatitig sa dalawang estatwang sirena. "Yes, dahil posibleng mayroong mga nilalang na tulad natin ang nilikha ng Diyos, at naninirahan sa ilalim ng dagat. Kaya lamang, iba ang kanilang kabuuan, 'yong aakma sa environment na kinaroroonan nila..."

"They have fish tails, dahil lumalangoy sa tubig at hindi naglalakad," sabad ni Miguel na naging interesado sa pinag-uusapan ng dalawang babae.

"Yes. And perhaps they have gills rather than lungs, because how can they breathe underwater?" si Aura.

"Precisely. Naiisip ko, sa pinakapusod ng karagatan naninirahan ang mga sirena at siyokoy. At tulad nati'y mayroong certain point na maaari silang marating. Kung tatanungin n'yo ako kung bakit hindi natin nakakahalubilo o nakikita ang mga nilalang na katulad nila, marahil, dahil ang nilikha sa tubig ay para sa tubig, at ang nilikha sa lupa ay para sa lupa."

Tumango ng pagsang-ayon si Aura. "And why no?" pagdaka'y tanong niya.

"Well, dahil wala pa akong nakikita."

Nagkatawanan sila at nagpatuloy sa paglakad.

"May mga bagay sa mundo na hindi kayang ipaliwanag ng siyensiya, at hindi kayang unawain ng isip. Ngunit may mga bagay na kailangan lamang nating tanggapin para maunawaan..." Makahulugan ang sulyap na ipinukol ni Madam Zarina kay Aura, "...at kailanman ay hindi natin matatakasan ang katotohanan."

Nakarating sila sa harap ng bahay na dalawang palapag. Binuksan ni Madam Zarina ang pinto at pinapasok sila.

Tahimik sa buong kabahayan at prominente ang ingay na nililikha ng takong ng sapatos ni Aura sa marmol na sahig.

Tumawid sila sa sala at binuksan ni Madam Zarina ang isang pinto na nakaharap sa silangan. Nagbigay-daan ito nang pumasok sila.

Iginala ni Aura ang paningin mula sa bilog na mesang nasasapinan ng pulang tela. Sa isang sulok ay mayroong altar na pinangga-galingan ng amoy ng insenso na pumupuno sa silid. Mayroong bookshelf na puno ng mga aklat, at isang kabinet na natatakpan ng salamin. Makikita ang iba't ibang uri ng di-maipaliwanag na mga bagay na nakapaloob doon.

"Have a seat," ani Madam Zarina.

Naupo sina Miguel at Aura sa magkatabing upuan. Sa kaibayo nila ang babae.

Unang tinitigan ni Madam Zarina si Miguel. "Hanggang ngayon ay hindi ka pa rin naniniwala sa hula."

Natawa ang binata.

"Gayunpaman, naa-appreciate ko ang presensiya mo, Miguel, dahil nakikinig ka at hindi kumokontra sa mga sinasabi ko."

"So you're a fortune teller," ani Aura.

Nakangiting binalingan ni Madam Zarina ang dalaga. "Sometimes. But I am into palmistry. Pinayaman ko ang aking kaalaman sa palmistry nang magpunta ako sa India. Give me your hand..."

Hindi pa nararanasan ni Aura ang magpahula at nagbangon ang kaba sa dibdib niya. Paano kung mabasa ni Madam Zarina ang nakaraan at hinaharap sa mga palad niya, at mabulgar ang lihim ng kanyang pagkatao?

Natatakot siya.

"Give me your hand, Aura..." ulit ni Madam Zarina nang makalipas ang ilang sandali'y hindi iabot ng dalaga ang palad dito.

Kristine Series 06: Kapirasong PapelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon