UPANG hindi na lumalim pa ang damdaming nararamdaman ni Aura kay Miguel, nagpasya siyang tapusin nang mas maaga sa pinlano ang pagbabakasyon sa farm ng mga Redoblado.
Nagpaalam na ang dalaga kay Krizelda at walang nagawa ang huli upang mapagbago ang isip niya. Nangako na lamang siyang lagi itong tatawagan at kukumustahin ang kalagayan.
Bago magpaalam sa mga Redoblado, sakay ng kotse ni Krizelda na nagtungo siya sa bayan.
Ilang sandali na ang nakalilipas mula nang iparada niya sa harap ng antique/jewelry shop ang Mercedez Benz ngunit hindi pa rin siya bumababa sa sasakyan. May alinlangan siya kung itutuloy ang gagawing pakikipag-usap kay Madam Zarina.
Sa huli'y pinag-isa niya ang isip. Umibis siya sa kotse at pumasok sa antique/jewelry shop.
Wala ang kanyang pakay sa loob ng shop. Nagtanong siya sa babaeng nadatnang nakaupo sa reception table.
"Nasa loob si Madam Zarina, Miss. Fortalejo," anitong tukoy ang bahay na nasa likod ng shop.
"Please tell her, gusto ko siyang makausap."
"Sandali lamang po."
Iniwan siya ng babae upang ipaalam kay Madam Zarina na naroroon siya. Makalipas ang ilang minuto'y nagbalik ito.
"Tumuloy na raw ho kayo, Miss, Fortalejo. Naghihintay sa loob si Madam."
"Thank you."
Nakatayo sa bungad ng malaking bahay si Madam Zarina nang madatnan niya. Matapos ang batian ay iginiya siya nito patawid sa sala at pumasok sa silid na nakaharap sa silangan.
"Alam kong babalik ka," ani Madam Zarina nang maupo silang magkaharap sa bilog na mesa.
"May gusto akong malaman, Madam Zarina..."
"Nasa iyo ang susi ng katotohanan, Aura."
Naging aware siya sa pilak na susing nakapalawit sa suot na kuwintas. Nakapaloob iyon sa kanyang damit at hindi nakikita ni Madam Zarina, kaya kung literal ang nais nitong ipakahulugan ay hindi niya alam.
Ginagap ng psychic ang mga palad niya at pumikit. "Nasa Paso de Blas ang hinahanap mong katotohanan, Aura. And yes, kailangan mong magbalik sa Villa Kristine, dahil hindi ka matatahimik hanggang hindi napapasaiyong kamay ang bagay na iyon."
Pinagmasdan ni Aura si Madam Zarina with amazement. Wala pa siyang sinasabi rito'y marami nang nalalaman.
"Pero nararamdaman ko ring naguguluhan ka dahil sa pagpasok ng isang lalaki sa buhay mo." Napangiti si Madam Zarina. "Hmn, palagay ko'y kilala ko siya..."
Binawi ni Aura ang mga kamay mula sa pagkakahawak nito. Pinamulahan siya ng pisngi sa isiping alam nitong si Miguel ang lalaki.
"Wala kang dapat ikatakot sa pag-ibig, Aura. Love is the radiance which brightens the world of human life with the sunshine of happiness"
"At maaari ring maghatid ng dullness sa buhay ng tao," napapabuntong-hiningang sabi ng dalaga.
"It's a case to case basis. So, give yourself a chance. Give the other person a chance."
"Madam Zarina... nagpunta ako sa Paso de Blas hindi para maghanap ng mapa-pangasawa. Naparito ako para hanapin ang sarili ko."
Napailing ito. "May mga pagkakataong naipagkakamali natin ang totoo sa nais nating mangyari."
Hindi nakasagot ang dalaga.
"You love him?"
"Who?" naguguluhang tanong niya.
BINABASA MO ANG
Kristine Series 06: Kapirasong Papel
RomanceAnuman ang gawin ni Aura ay hindi niya mapaglabanan ang damdamin na naramdaman kay Miguel. Unti-unting nabubuwag ang moog na kinakukulungan niya. At habang inilalayo niya ang sarili'y lalo itong lumalapit, nanunukso. Ano ba talaga ang gusto sa kany...