Chapter Nine

2.1K 58 1
                                    


TINANGGAP ni Aura ang alok na kasal ni Miguel. Ngunit hiniling niya sa binatang bigyan siya ng sapat na panahon bago sabihin sa kanilang mga partidos ang napagkasunduan. Ayaw niyang mabigla ang mga ito.

Naging masaya ang sumunod na mga araw para kay Aura. Maging si Inez ay pinansin ang kakaibang siglang nakikita sa lady boss.

Halos oras-oras na tumatawag si Miguel, araw-araw na nagpapahatid ng bulaklak.

Inakala ni Aura na wala nang magiging problema, at maging ang tungkol kay Vivian ay wala na sa isip niya nang isang araw ay maging bisita ito. Bagaman walang appointment ang dalaga'y kinausap na rin niya.

"Ikakasal na pala kayo ni Miguel," sarcastic ang tono ng pananalita ni Vivian. Hindi ito naupo nang alukin niya.

"May kailangan ka ba sa akin, Vivian?"

Pormal na hinarap ni Aura ang dalaga. "Marami akong trabaho at ayokong maabala."

"Hindi ako magtatagal, Miss Fortalejo. Gusto ko lang itanong kung gaano mo kakilala si Miguel at pumayag kang pakasal sa kanya."

Tumaas ang isang kilay niya sa tinuran nito. "What exactly do you mean by that?"

"So, wala ka palang alam." Nakakaloko ang ngiting sumilay sa mga labi nito.

Naalala ni Aura ang sinabi noon ni Laura, na conservative si Vivian sa kabila ng pagiging flirt nito. Hindi niya makita ang katotohanan sa kaanyuan at pananalita ng dalaga.

"Go straight to the point, Vivian. Huwag ka nang magpaligoy-ligoy pa."

"May ka-live-in si Miguel, at buntis na ang babae." Napailing itong kunwa'y naaawa kay Aura. "Hindi ko alam kung ano ang plano ni Miguel at pakakasalan ka niya. Maybe, it will boost his ego. Imagine, mapapangasawa niya ang panganay na anak ni Don Rafael Fortalejo? lilang lalaki lamang ang nagkakaroon ng opportunity na tulad nito."

Though it came to her as a shock, naisip ni Aura na baka sinisiraan lamang ni Vivian si Miguel dahil hindi ito ang pakakasalan ng binatang Redoblado.

"Sa palagay mo kaya'y maniniwala ako sa iyo, just like that?"

May iniabot na tarheta kay Aura si Vivian. Nakasulat doon ang pangalan, address at telepono sa opisina at pad ni Miguel.

"Kailan ko lang nalaman ang tungkol sa bagay na ito, Miss Fortalejo. Nakaharap ko ang babae ni Miguel nang dumalaw ako sa pad niya sa Ponte Romero."

"I don't believe you..."

"Inaasahan ko nang hindi mo ako panini-walaan. But why don't you see for yourself? Kung basta mo kokomprontahin si Miguel, sa palagay mo kaya'y sasabihin niya ang totoo?"

Walang masabing tinitigan niya ang tarheta.

"If I were you, huhulihin ko siya sa akto. Kung malalaman niyang alam mong may ibinabahay siyang babae sa Ponte Romero, bago mo pa mahuli'y maitatago na niya sa iyo."

"Bakit mo sinasabi sa akin ang mga ito?" sa huli'y tanong niya kay Vivian.

"Because I pity you."

Wala na si Vivian ay nakatitig pa rin si Aura sa tarhetang iniwan nito. Dapat ba niyang kaawaan ang dalaga, o siya nga ang dapat kaawaan nito?

Dinampot niya ang telepono at idinayal ang numero ng detective agency na siya rin niyang binayaran upang hanapin si Zandro; ang anak sa labas ni Don Leon Fortalejo. Matapos ibigay ang mahahalagang impormasyon tungkol kay Miguel ay ibinaba na niya ang telepono.

Kristine Series 06: Kapirasong PapelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon