Chapter 1

15.1K 128 19
                                    

"CRUSH mo si Eloy, 'no? Aminin mo sa akin, Sari!" Pinagmasdan lang ni Tecla ang kaibigan at mukhang hindi natinag ang babae, sige pa rin sa paggagantsilyo. Napaismid si Tecla, sabay upo sa bangkong kinauupuan din ng kaibigan. "Hmp! Ayaw mo pang aminin, Sari."

"Ano ba naman ang aaminin ko sa 'yo, Tecla?"

"Puwede ba, 'wag mo 'kong tawaging Tecla? Call me Lala." Kung bakit kasi Tecla ang ipinangalan sa kanya ng magulang, sa dinami-dami ng pangalan sa mundo. Pangalang Kastila iyon na ang ibig sabihin ay "dakilang karangalan ng Diyos," ayon sa kanyang ama. Pero sa tinagal-tagal ng panahon, ni minsan ay hindi niya nagustuhan ang sariling pangalan. Hindi rin naman niya mapintasan dahil baka tamaan siya ng kidlat gayong dakila na nga, karangalan pa, higit sa lahat, konektado pa sa Maykapal.

"Alam mo, Tecla, ang isipin mo ay hindi ang crush-crush o ang pangalan mo. Ang isipin mo ay kung makakapag-aral pa tayo. Mapapakain ka ba ng crush-crush na 'yan? Sakali bang magpalit ka ng pangalan, aasenso ka?"

Napaismid si Tecla, kahit hindi nakapalag. Nakakainis kung minsan si Sari dahil parang gurang kung mangaral. Sa totoo lang, kung minsan ay hindi niya maunawaan kung paano sila naging matalik na magkaibigan gayong magkaibang-magkaiba sila ng personalidad. Kung si Sari ay mahilig sa pag-aaral, siya ay hindi. Kung si Sari ay masipag sa pag-aaral at mga gawaing-bahay, siya ay hindi. Mababaw ang kanyang kaligayahan at tanggap na sa buhay ay hindi masyadong mahalaga ang pag-aaral. Mas mahalaga ang makahanap ng mayamang asawa!

"Baka kumuha ako ng vocational diyan sa bayan. Iyon na ang usapan namin ni Tatay. Ikaw ba?" ani Tecla sa kaibigan.

Bumuntong-hininga ang babae. "Pumasa naman ako sa Saint Sebastian."

Nanlaki ang mata ni Tecla. "Pumasa ka?! Nag-apply ka?! Hindi mo man lang sinabi sa akin?! Masasakal kita, Sari! Alam mong nandoon ang love of my life!"

Ang Saint Sebastian ay pribado at international school sa kanilang lugar, pamoso sa kaliwa't kanang natatanggap na karangalan ng mga mag-aaral doong dayuhan. Napakalawak ng Saint Sebastian na apat na barangay ang sakop niyon at nasa pagitan ng dalawang bayan. Malayo ang lokasyon ng eskuwelahan sa bayan, tila nagkukubli sa matataas niyong pader. Kapag mayroong lahing puti, itim, o dilaw sa kanilang bayan, halos tiyak nang isang estudyante, magulang ng estudyante, o guro sa Saint Sebastian ang taong iyon. Balitang milyon ang tuition fee ng isang batang elementarya sa Saint Sebastian. Parang hindi naniniwala si Tecla sa tsismis, hindi makayang sakupin ng kanyang imahinasyon na ganoon karami ang mayayaman sa mundo. Baka tsismis lang iyon, mula sa mga kababayan nilang ni hindi nakakatapak sa loob ng eskuwelahan.

"Love of your life ka diyan. Disisiete ka pa lang, love of your life ka na diyan."

"Ang corny mo! Sabunutan kita diyan, eh." Napaismid si Tecla. "Itaga mo sa bato, isang araw magpapakasal kami ni Custodio," tukoy niya sa numero-unong crush, ang isa sa dalawang anak ni Doña Carmencita na may-ari ng hacienda sa tabi ng kanilang pinapasukang lupain. Si Doña Carmencita rin ang may-ari ng Saint Sebastian. Ang lolo ng donya ay isang prayle na Kastila at siyang nagtaguyod ng paaralan. May kapatid ang prayle, na siyang lolo ng doña. Nag-iisang anak si Doña Carmencita kaya naman nang makipagrelasyon sa isang lalaking hindi maituturing na binata at hindi mapakasalan, anong laking eskandalo diumano noong mga panahong iyon. Mahigit dalawang dekada na ang nakalilipas. At ang bunga ng hindi kanais-nais na relasyon ng donya—na noon ay isa pa lamang señorita at heredera—ay ang magkapatid na Cristobal at Custodio.

"Hay, bakit hindi mo sinabing nag-apply ka roon? Ano, magiging scholar ka? Kasi aminin mo na, Sari, wala kayong datung para magbayad doon."

"Oo, scholar. Alam kong wala kaming pera para makapasok ako doon. Hindi kita isinama sa application dahil ang tamad mong mag-review, bukod pa sa sinabi mo na noon sa akin na ang gusto mong kurso ay cosmetology."

Cardinal Bastards 4: Cristobal Cardinal (Soon To Be Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon