Chapter 4

5.7K 95 61
                                    

"MAY BALITA na ba, Steph?" Malalaki ang hakbang ni Tecla habang naglalakad patungo sa bahay. Bitbit niya ang isang bag na naglalaman ng mga damit ng ama. "Nakapasok ka ba?"

"Wala pang balita, girl. Hindi ko rin alam kung tanggap ako. Bukas pa daw malalaman. Sana matanggap ako. Kapag hindi, mapipilitan akong lumuwas sa Maynila. Ikaw ba?"

Napabuntong-hininga siya. Malaking problema ang hatid ng pagpanaw ng may-ari ng parlor. Sa halip na magpatuloy ang parlor ay nagpasya ang kapatid ng may-ari na ibenta na lamang iyon. Ang masaklap, dalawang buwan lang tumagal ang parlor sa bagong may-ari dahil na rin sa paghina nila. Nagtaas kasi ng presyo at ayaw makinig sa tatak ng mga gamot na iminungkahi ni Stephanie. Nagkataong may nagtayong sosyal na Korean salon at natalo ang kanilang dating pinagtatrabahuhan. Nag-a-apply sila ngayon ni Stephanie sa Korean salon. Ang problema, Korean ang may-ari at nagdala rin ng mga Korean na hairstylist.

"Kulang pa raw ba sila?" tanong ni Tecla. Hindi niya matanggap na walang ibang mapasukan, kung mayroon man ay napakaliit ng suweldo. Kaya ngayon, habang wala pa siyang mapasukang salon ay ume-extra uli siyasa hacienda. Kinuha niya ang damit ng ama mula sa taniman para labhan. Siya ngayon ang dakilang tagalaba dahil bakante siya tuwing hapon.

"Ang alam ko aalis iyong dalawang tao nila, eh. Mabuti nga tinawagan pa ako," sabi ni Stephanie.

"Eh, bakit ako hindi tinawagan? Nakakainis naman!" himutok niya. "Bakit ikaw pinabalik, ako hindi? Mahusay naman akong humawak ng buhok, Steph."

"Alam ko. Tatawagan ka rin naman siguro doon. Ako nga waiting pa ng resulta. Hindi pa masabi kung tanggap ako, ang daming arte. So, paano?"

Nagpasalamat si Tecla sa kaibigan at inilagay ang cellphone sa dalang bag, napapabuntong-hininga. Tumatanda na ang kanyang ama, madalas na naiiwan ang mga pamalit na damit sa bahay kaya ngayon ay dadalhan niya. Mahina na ang pulmon ng matanda, kapag pinagpawisan ang likod ay iniihit ng ubo sa madaling-araw. Sa edad nitong iyon, hindi na dapat namamasukan.

Nakakalungkot isiping sa edad ng kanyang ama ay hindi man lamang niya ito nabigyan ng kaunting ginhawa sa buhay. Kahit ang kanyang lola ay ganoon din. At ngayon, wala pa siyang trabaho. Buhay nga naman.

Ang kanyang naipon noon sa pamamasukan sa parlor ay kinulang pa nang maoperahan sa appedicitis ang kanyang lola, pati ang operasyon nito sa luslos. Kung minsan, parang hindi na siya makaahon sa buhay na ibinigay sa kanya ng tadhana. Ang sabi ni Sari, kapag daw nakaipon ito ay pahihiramin siya ng pambukas ng sarili niyang salon, sosyo sila. Maganda sana ang plano ng kaibigan, ngunit batid ni Tecla na matatagalan iyon dahil natural na kailangan nitong unahin ang sariling pamilya.

Ano ba namang klaseng buhay ang naibigay niya sa ama at lola? Mula nang mamulatan niya ay namamasukan na ang dalawa at hanggang sa mamatay, hindi nakatikim ng araw kung kailan maalwan ang buhay. Kapag hindi kumayod, walang makakakin. Ang kaunting mga naiipon, madalas na nauubos din sa mga gamot at mga bagay na kailangang bilhin, kadalasan ay wala sa plano at bigla na lang darating. Ganoon yata talaga ang buhay, kung kailan parang nakakaahon na ay saka biglang may darating na problema at bayarin.

Hindi ako dapat mawalan ng pag-asa. Bata pa ako. Twenty-eight pa lang. Ngunit kahit ang motto na iyon ni Tecla ay parang nais nang kumupas. Ilang taon na ba niyang sinasabi sa sarili ang ganoon? Nagsimula siya noong seventeen, mahigit isang dekada na ang lumipas, iyon at iyon pa rin ang kanyang sinasabi sa sarili kahit wala namang nangyayari.

Napatili siyang nang may basa na biglang dumikit sa kanyang binti. Paglingon ay nakita niya ang aso ni Cristobal. Kilala pa niya ang aso kahit isang dekada na ang nakalilipas. Kinagat ng aso ang dala niyang bag at pilit hinihila.

"Hoy, hoy!" aniya. "Bad dog, bad dog!" Dumaan sa kanyang isip ang tanong kung nasaan kaya ang guwapong amo ng aso, ngunit natabunan agad iyon ng pagiging pilyo ng aso. Nabitiwan niya ang bag at kumalat ang laman niyon. Isang pulang damit ang kinagat ng aso, saka tumakbo. "Hoy!"

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: May 26, 2015 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Cardinal Bastards 4: Cristobal Cardinal (Soon To Be Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon