Chapter 3

2.7K 31 1
                                    

DALI-DALING kumuha ng mababang upuan si Tecla, saka tinanggal ang balat na sapatos ni Cristobal, pagkatapos ay ang medyas. Hindi kailangang maging isang henyo upang mahulaan na mas mahal pa sa kanyang suweldo ang sapatos ng lalaki.

Nang tingnan niya ang mga paa nito ay nais niyang maakit. Ang linis-linis ng mga kuko nito, at ang bango-bango ng paa! Wala ni kaunting halimuyak ng panis na paa, kundi amoy-macho. Mayroon palang paa na amoy-macho! Parang nakakahiyang ipahid sa paa ng lalaki ang mumurahing lotion ng parlor kaya siya na ang nag-volunteer na powder ang gamitin doon.

Halos hindi makatingin si Tecla kay Cristobal habang panay ang hagod niya sa paa nito. Nakakahiya talaga ang naabutan nitong eksena. Kunsabagay, hindi siya pagkakaabalahan ng lalaki. Masyadong mataas si Cristobal, tulad ni Custodio. Kaya nga siya naging realistic. Namulat siya sa katotohanan na pangsosyal na babae ang magkapatid. Si Mark ay mayaman din pero kung babalik sa sariling bansa, hindi maituturing na grandiyoso ang lalaki.

Naitanong niya sa sarili kung kumusta na kaya ang love life ni Cristobal. Nang huli silang magkaroon ng palitan ng mga salita ay ikakasal na ang lalaki, isang kasal na hindi natuloy. Hindi niya alam kung bakit, basta nasagap lang niya ang tsismis na hindi raw naikasal ang lalaki. Nangyari iyon isang buwan makaraan niya itong makita sa Korean store. Kung sinoman ang babaeng pakakasalan nito ay ang laking tanga, sa kanyang opinyon. Nasa kama na, pumuwesto pa sa papag. Pero ano nga ba ang kanyang alam? Ano ang malay niya kung dakilang sadista pala si Cristobal? Pero parang imposible. Kunsabagay, hindi dapat pagbasehan ang hitsura ng isang tao sa personalidad nito.

Isa pa, ano ba ang kanyang pakialam? Ang dapat niyang isipin ngayon ay ang sariling problema. Kakayanin ba niyang ibigay ang sarili kay Mark alang-alang sa pangarap o kalilimutan ang pangarap dahil mahirap pumatol nang hindi handa?

Lihim na napabuntong-hininga si Tecla, pinagtuunan ng pansin ang guwapong mga paa ni Cristobal. Kung sana ay ganoon man lang kabango si Mark. Hindi naman sa mabaho ang nobyo, ngunit iba ang natural nitong amoy, siguro dahil na rin parating karne ang kinakain. Hindi ba at may mga nagsasabing ang mga Pilipino raw ay amoy isda o niyog? Puwes si Mark ay amoy karne ng baka. Mayroon itong ganoong halimuyak na mahirap ipaliwanag.

"Baka naman maupod na ang mga paa ni Sir diyan, Tecla."

Napatingin siya kay Stephanie, saka lamang naunawaan na higit pa sa normal na foot massage ang kanyang naibigay kay Cristobal. Tapos na ang gupit ng lalaki. Agad na niyang pinunasan ang mga paa nito. Akmang tutulungan niya ang lalaking magsuot ng medyas nang tumanggi ito at nagsuot na ng medyas at sapatos.

"How much?" tanongni Cristobal.

"Two-fifty lang, Sir." Ngiting-ngiti si Stephanie.

Naglabas ng wallet si Cristobal, kumuha ng dalawang lilibuhin at iniabot sa beki. "Here. Keep the change."

Tumayo na rin si Cristobal at lumabas ng parlor. Nanlalaki ang mga mata ni Stephanie. Ipinaypay nito sa sarili ang dalawang lilibuhin. "Share-share!"

Biglang napangiti si Tecla. Galante talaga kahit kailan si Cristobal. Naghati nga sila ni Stephanie sa tip. At least, mayroon siyang dagdag na pang-ipon. Nang humapon ay naging abala na siya sa ibang customer at alas-siyete ay sinusundo na ni Mark. Moment of truth na. Sumakay siya sa kotse ng nobyo. Dinala siya nito sa isang resort. Sosyal ang resort, tambayan ng mga ex-pat.

"We can apply for a fiancée visa next month, Lala," anang lalaki.

Dumagundong ang puso ni Tecla. Marahil ganoon ang madarama ng kahit na sinong tulad niyang makakarating sa Amerika. Pero may problema. Kung hihingin ni Mark ang isang bagay na hindi niya maibigay... paano na?

"I already have some of the requirements." Noon pa siya may passport at iba pang mga legal na dokumento.

"Great, honey." Mukhang ginanahan si Mark. Um-order na ito ng makakakain. Bukas ang kainan sa beach, halos puno ng mga ex-pat kahit ilang na araw. Mayamaya ay sinabi ng lalaki, "I would like to spend this night with you, honey."

Cardinal Bastards 4: Cristobal Cardinal (Soon To Be Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon