Chapter 2

4K 35 1
                                    

"ANG DUGAS talaga niyang si Berta, ano?" komento ni Tecla sa kasamahan sa trabahong si Mapet.

"Sinabi mo pa! At kapag naglalaro ng tong-its, eh, bumubulong pa! Tumatawag pa ng mga engkanto para manalo!" sang-ayon ng babae.

Kapwa sila madalas madugas ni Berta, isang kasamahan sa trabaho, sa mga pustahan. Lahat sila ay namamasukan sa isang Korean grocery store. Isang Korean complex ang kinaroroonan ng grocery store, kung saan may mga restaurant, boutique, at kung ano-ano pa. Dahil sa Saint Sebastian, naging mayaman na rin ang kanilang bayan. Maraming negosyong itinayo roon mula pa noon, mga kainan at tindahan na pambanyaga. Beinte-uno anyos na si Tecla, dukha pa rin.

"May araw din ang babaeng 'yan sa akin. Naka-hits lang sa tong-its, umayaw na. Samantalang ilang ulit siyang nakiusap na umikot pa ang baraha kasi daw hindi siya makakabawi. Nang mabawi, siya na lang ang nagkamal ng pera," patuloy ni Tecla, masamang-masama ang loob. Paano, kailangan niya ng pera na nakuha ni Berta. Finals na kasi ni Sari sa susunod na buwan at maraming gastusin ang kaibigan. Nais niyang makatulong kahit makapag-abot ng ilang libong kanyang nakayanan. Kasalanan din niya na sumugal siya pero mahusay siya sa tong-its. Nagkataon lang na inalat siya sa kalaro.

"Isang daan ang nakawala sa akin," reklamo ni Mapet.

"Buti nga one hundred lang ang sa 'yo, sa akin five hundred!" bulalas ni Tecla. "Hindi ko matanggap! Ngayon lang ako tumaya nang ganoon kalaki 'tapos nadugas pa. Kung hindi ko pa alam, talagang nasilip niya ang baraha ko! Isa pa, kung simula pa lang hindi na natin siya pinagbigyan na makabawi, tigtatlong daang panalo na sana tayo. Aba, nang maka-hits, eh, lumayas na?"

Sang-ayon si Berta kay Tecla. Tong-its etiquette ang pinag-uusapan nila roon, lalo na kung maaga pa ay nagpaalam na si Berta nang makamal ang kanilang salapi. Maliit na bagay siguro para sa ibang tao ang limandaan, pero hindi para sa mga dukhang tulad nila ni Mapet.

"Isalansan mo na ang mga prutas sa chiller. Kapag nakita tayo ni Mister Park na naghuhuntahan, lagot na naman tayo." Sumimangot si Mapet, inis sa kanilang amo. Paano ay may kasungitan talaga ang matandang Koreano. "Doon ako sa noodles. Sampung kahon pa ang ipapatas ko."

Napabuntong-hininga na lang si Tecla, inisa-isa nang isalansan ang mga gulay sa chiller. Mismong amo niya ang kumukuha ng mga iyon sa Aranque market. Mula naglalakihang labanos o "daikon," hanggang sa mga Japanese cucumber, kumpleto sila. At kapag hindi naubos agad at nabulok, parang kasalanan nila kung makaasta si Mister Park.

"Balutin mo ng diyaryo ang ibang ilalagay mo sa likod ng chiller."

Napatingin si Tecla sa nagsalita, ang lintik na Berta. As usual, astang manager ang babae kahit magka-level sila. Hindi na niya iyon mapatawad, lalo pa siyang nagngitngit dahil sa five hundred pesos na nalustay.

"Kung tumutulong ka kaya? Pati sa trabaho, nandudugas ka." Hindi takot si Tecla kay Berta dahil mas matangkad siya sa babae.

"Masyado kang ampalaya sa limandaan mo?" Parang nang-iinis pa ang babae. "Sige, pustahan, ibabalik ko sa 'yo kung kaya mong isubo nang buo ang ganito." Dumampot ito ng isang pipino, saka humalakhak at tumalikod.

Napatitig si Tecla sa gulay. Japanese cucumber ang tawag doon, hindi kasintaba ng pipinong nakasanayan ng Pilipino pero mas mahaba, eksakto sa haba ng sushi. Agad niyang kinalkal ang kahon ng gulay ay nakahanap ng pinakamaiksing pipino. Hula niya ay five inches lang ang haba niyon. Alang-alang sa limandaang piso, natukso siyang subukan. Lumingon siya sa paligid at nang matiyak na walang nakatingin ay tinangka niyang ipasok sa bibig ang pipino. Humanap siya ng tamang anggulo kaya inilabas-pasok niya iyon sa bibig, sa gayon ay malaman niya kung ano ang tamang diskarte. Magkano lang naman ang pipino, kumpara sa limandaan.

Cardinal Bastards 4: Cristobal Cardinal (Soon To Be Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon