"Si Eliza"

29 3 2
                                    

ONE SHOT STORY #1

~~~~

Bakasyon ng mga eskuwela ngayon kaya matumal ang pasada. Ang init ng tag-araw ay nararamdaman ng marami maliban lamang sa loob ng Shopping Mall sa Davao na maraming umaaligid at nagwiwindow shopping. Kahit bihira ang bumibili, ay halos walang tao ang mga kalsada na dati'y marami ang naglalakad.

"Hays, maliit na naman ang kikitain ko sa araw na ito" naibulong ko na lang sa aking sarili.

Tumaas na muli ang litro ng gasolina at sa iilang pasaherong maisasakay ko ay kakaunti na lamang ang malalabi sa akin. Kailangan ko pang pumasada ngayong gabi.

Pinili kong sa Shopping Mall ako mamaya maghahanap ng pasahero dahil marami doon ang mga nagtatrabaho at alas diyes na nang gabi kung magsara, at naroon parin ang mga fly-by-night birds na galing sa mga night club. May mga hatinggabi na rin kung umuwi na, ang karamihan ay mga nag-oovertime.

ANDITO na ako sa Shopping Mall at kahit na may kakontrata nang sasakyan ang marami ay nakakuha pa rin ako ng mga pasahero. Matapos ko silang ihatid ay bumalik na naman ako sa mall para maghanap na naman ng pasahero.

Sakto mag aalas diyes na ng gabi nang may pumara sa aking isang babae na may dalang malaking maleta. Aaminin kong maganda ito kaya hindi ko maiwasang hindi mapatitig sa kanya.

"Kuya. Kokontratahin na kita. Ihatid mo ako sa District Five" sabi niya sa akin at may inabot sa aking pera. Parang galing sa malalim na balon ang boses niya.

Hindi kalayuan ang District Five at malaki ang iniaalok na pera ng babae sa akin. Malaki pa iyon sa kikitain ko sa buong maghapong pasada.

"Masyadong malaki iyan, miss. Ayaw kong gulangan ka dahil malalaman mo rin iyon. Hindi mapapanatag ang kalooban ko sa gayong trato sa iyo" nahihiya at napakamot ako sa batok ko habang nakatingin sa kanya. Mahina siyang napatawa.

"Samantalahin mo na ang iniaalok ko sa iyo, baka iurong kopa 'to sige ka talaga. Tyaka balik-bayan ako. Sa akin ay maliit lamang itong ibinibigay ko sa iyo. Hindi mo ako ginugulangan" sabi niya at mas lalong inabot sa akin ang pera.

Wala akong nagawa kundi tanggapin iyon. Nahihiya ko itong kinuha sa kanya at inilagay sa bulsa ko.

Tutulungan kona sana siyang ipasok ang maleta niya ngunit parang iglap lamang ay nakasakay na siya.

Kahit nagtataka ay pumasok nalang ako sa sasakyan ko at agad itong pinaandar.

Pangilan-ngilan lamang ang mga naiilawang bahagi ng kalsada na aming binabaybay. Palihim akong sumusulyap sa rearview mirror ko para makita siya. Nakakapagtaka dahil napapansin kong tila anag-ag lamang ang kanyang puting damit sa karimlan.

Habang nagmamaneho ay napapaisip ako sa kahiwagaan niya at kahit nakarating na kami sa lugar na sinabi niya ay naiisip ko pa din ang kahiwagaang nangyayari.

Tutulungan ko na sana siyang ibaba ang maleta at iilang supot na dala niya ngunit nasa ibaba na ito bago pa ako makababa sa sasakyan ko.

Madilim ang buong paligid at kahit na ang bahay na itinuro niya ay walang ilaw.

"Hindi ba nila alam na darating ka?" Hindi ko mapigilang hindi magtanong sa kanya. Tumingin siya sa akin at ngumiti ng kaunti.

"Sorpresa 'tong dating ko"

"Ihahatid kita sa bahay niyo" agad kong pagrepresenta sa kanya pero umiling lang siya.

"Huwag na. Ayaw kong makita nilang may kasama ako" saad niya.

"Nang asawa mo?" Agad siyang tumingin sa akin at mahinang napatawa sa tanong ko.

"Dalaga ako" sabi niya dahilan para mapangiti ako.

"Sige na, mauna na ako. Maraming salamat, masaya akong nakilala ka" pagpapaalam niya na agad kong kinatango.

Nakasunod ako ng tingin sa bawat galaw niya.

Bitbit ang maleta niya ng umalis siya. Tatanungin ko pa nga sana ang pangalan niya pero sa isang iglap lamang ay naglaho na ito sa karimlan.

MALAYO na ako ay iniisip ko pa rin ang kahiwagaang nangyari kanina. Hindi ko mawari kung bakit ang bilis ng pag-akyat at pagbaba nito sa sasakyan ko at ang tila aninong paglalaho nito sa karimlan. Hindi ko alam kung makakatulog ba ako sa dami ng katanungan ang pumapasok sa isip ko.

Kinabukasan, binalikan ko ang lugar kung saan pinaghatiran ko ang babae. Gusto kong makahanap ng kasagutan dahil hindi mapapanatag ang isip ko kung hindi nasasagot ang mga katanungan ko.

Malayo pa lang ay natanaw ko na ang maraming taong nagtitipon sa isang bahay. May mga dumarating at may papaalis. Dahil sa kuryusidad ay hindi ko mapigilang hindi magtanong sa isang lalaking kakalabas pa lamang ng tarangkahan.

"Anong nangyayari? Bakit maraming tao?" Tumingin ito sa akin at bakas sa mukha nito ang kalungkutan.

"Kakarating pa lamang ng bangkay ni Eliza na anak ni Pareng Elnoy. Namatay ito sa aksidente. Binangga ng isang trak ng graba ang kanyang minamanehong kotse dahilan upang ito ang kumitil sa kanyang buhay. Sa Italy ito nangyari dahil sa Italy nagtatrabaho si Eliza" ang sagot ng lalaki.

Bigla akong napamaang sa sinabi niya at doon ko napagtanto ang lahat ng mga nangyayari.

~~~

A ONE SHOT STORY by
Mizz H

ONE SHOT STORIES [ALL GENRES]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon