Chapter 1

15 0 0
                                    

Chapter 1

Sa mga sandaling iyon ay pasidhi ng pasidhi ang nararamdaman niyang kaba. Sobra sa paglagabog ang dibdib niya. Tila may bolang paulit-ulit na tumatalbog sa loob nito.

Hindi naman siya tanga para hindi malaman kung anong ibig sabihin niyon. Iyong malakas na pagpintig ng puso niya. Iyong paghuhumerantado ng dibdib niya masilayan niya pa lamang ang mga ngiti nito. Sa tuwing nakikita niya kung gaano kasaya ito sa ginagawa nitong pag-awit, sumasaya na rin siya. Dahil, ang lalaking ito ang tinitibok ng kanyang puso. Ang itinatangi niya. Ang nag-iisang lalaking bumihag sa pihikang damdamin niya. Ang lalaking---

"Pwede ba ate, itigil mo na nga iyang kakatili mo."

Sabi ng nakababata niyang kapatid na si Carlo. Binato niya ito ng unan na nasa gilid niya at agad naman itong tumakbo papalabas. Dinig niya pa ang isinigaw nito habang tumatawa.

"Wala ka ng pag-asa, Ate Shine! Tatanda ka ng dalaga!"

Umamba siyang hahabulin ito ngunit tila ito nasilihan sa puwit sa bilis ng pagtakbo. Naiinis na bumalik na lamang siya sa pagkakaupo at muling tinitigan ang lalaking buong buhay niya, mula nang napanuod niya ito sa isang programa, ay itinatangi na ng puso niya.

"Hayyyy, Niall James Horan, kailan mo ba mapapansin ang kagandahan ko?", wala sa isip na sinabi niya habang yakap-yakap ang unan na may marka ng mukha ng pamosong lalaki sa telebisyon.

Siya si Precious Sunshine Magno. Dalawamput-anim na taong gulang na. At sa edad na ito ay isa pa rin siyang dakilang dalaga. Kung tutuusin ay bata pa naman siya sa edad niya, ngunit para sa mga kapitbahay, katrabaho, at lalung-lalo na sa kapatid niya ay matanda na siya. Hindi na siya magtataka kung abutin man sa liyebo tres ang edad niya o kung lumagpas man siya sa bilang sa kalendaryo ay hindi pa siya nakakapag-asawa. Sapat na sa kanya na araw-araw na mapanuod ang lalaking itinatangi ng puso niya. Ang nag-iisang lalaking bumubuhay sa katawang lupa niya ika nga ng mga kapitbahay nila. Ni hindi niya kailangan ng ibang lalaki sa buhay niya. Tama na ang tatay Manuel niya, at si Carlo na nag-iisang kapatid niya na ubod ng palaasar. Hindi naman sa man-hater siya pero namulat na kasi siya sa realidad ng buhay. Nakita na mismo ng dalawa niyang singkit na mata kung paanong magpalit ang iba't ibang lalaking nakakasalamuha niya ng mga babae. Parang nagpapalit lang ang mga ito ng brief. At sa kaso ng trabaho niya bilang isang journalist, hindi malabong makasalamuha siya ng mga gigolo sa tabitabi. Naroong matsansingan siya habang nasa kalagitnaan ng pagko-cover niya sa isang crime scene. At nito nga lang huling coverage niya ay nakasagutan niya pa ang isang lalaking pulis sa pagpupumilit na maicover ang isang nanakawang boutique. Kung hindi ba naman mga bastos ang mga iyon. May karapatan naman siya lalo na at suot niya ang press ID niya. Kaya kung siya ang tatanungin, di bale ng di na siya makapag-asawa, atleast makakaiwas pa siya sa mga hayok na lalaki na walang magawa sa buhay kundi ang magpalit ng babae.

Sapat na sa kanya ang lalaking minamahal niya. Ang lalaking ni buong buhay niya ay hindi niya pa nakikita sa personal. Tanging sa telebisyon, twitter, tumblr, facebook, at kung anu-anong social sites niya pa lamang ito nakikita. Ngunit parang kilalang-kilala na ito ng puso niya. Naroong pumintig ng mabilis ang puso niya sa tuwing napapanuod niya ito sa telebisyon. Hindi magkamayaw ang mga lamang-loob sa tiyan niya kapag naririnig niya ang napakagandang boses nito. Miyembro ng isang boyband ang lalaki, si Niall James Horan ng One Direction na sikat na sikat ngayon.

Sabihin man ng ilan na nababaliw na siya dahil ni kahit katiting na sulyap ay hindi siya bibigyan nito, wala siyang pakialam. Alam niyang hindi nito alam na nag-eexist siya sa mundo, na may isang Precious Sunshine Magno ang lihim na nagmamahal dito. Pero, hindi magawang hindi umasa ng puso niya. Na sana, isa sa mga araw na lilipas ay makakadaupang-palad niya ito. Na sa hindi sinasadyang pagkakataon ay magkakaharap sila at magagawa niya nang maipagtapat dito ang nilalaman ng damdamin niya. At kapag nangyari iyon, hinding hindi siya mag-aaksaya ng panahon.

Storming SunshineTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon