"Anna Layia."
Nanigas ang likod niya nang marinig ang kaniyang pangalan na binibigkas nito.
Paano nito nalaman ang kaniyang tunay na pangalan?
Dahan-dahan siyang humarap sa lalaki. Blanko ang kaniyang mukha at walang kangiti-ngiti. "Shannon."
"Y-you're Anna Layia..." Nakikita niya sa mga mata nito ang gulat at takot. Ngunit bukod doon, may isang emosyon ang nangingibabaw sa luhaang mga mata nito at hindi niya mawari kung ano iyon.
"Anna Layia!" ulit nito sa kaniyang pangalan.
Inaasahan niyang magagalit ito sa natuklasang katotohanan at aatakihin siya ngunit kabaligtaran ang nangyari. Bigla na lamang itong umiyak at sumugod sa kaniya nang mahigpit na yakap!
"Ikaw nga! You're alive! You're alive!" hindi makapaniwala na sambit nito habang umiiyak.
Ang pilyong si Shannon na ni minsan ay hindi niya nakitaan ng kalungkutan ay umiiyak ngayon sa kaniyang harapan.
Ano ang ibig sabihin ng ikinikilos nito? Bakit ito natutuwa na malamang siya si Anna Layia gayung kalaban sila ng pamilya nito?
Naramdaman niya ang unti-unting pagkabasa ng suot niyang damit dahil sa luha ng lalaki. Hindi pa rin siya binibitiwan at mukhang wala itong balak na bitiwan siya.
Gusto na rin niyang suklian ang yakap nito. Parang tinutunaw ng mainit nitong luha ang malamig niyang puso. Pero nang makita niya sa pintuan ang kaniyang tiyuhin at mariing nakatingin sa kaniya ay biglang nagbago ang kaniyang damdamin.
Nababasa niya ang galit sa mga mata ng lalaki, pinapaalala sa kaniya ang totoong dahilan kung bakit naroon si Shannon ngayon kasama nila.
Itinaas nito ang kanang kamay at ipinakita sa kaniya ang larawan ng kanilang buong pamilya.
Muling binalot ng yelo ang kaniyang puso at binuhay ang poot doon nang manumbalik sa kaniya ang alaala ng nakaraan na kinasasangkutan ng pamilya ni Shannon.
Nanghihina siyang ibinaba ang kaniyang kaliwang kamay na yayakap na sana sa likod ng lalaki. Dahan-dahan niyang dinala iyon sa likod niya para bunutin ang kutsilyong nakaipit doon. Hinawakan niya iyon nang mahigpit habang nanginginig.
Kailangan niya ng sapat na lakas para gawin ang nakaatas sa kanya. Kailangan niyang gawin ito!
Pumikit siya at pagdilat niya ay buong tapang niyang ibinaon ang patalim sa tagiliran ng walang kamalay-malay na si Shannon.
Napasinghap ang lalaki. Ramdam niya ang paghigit ng hininga nito at ang paghigpit lalo ng yakap nito sa kaniya habang dumadaing sa sakit.
"L-Lea..." usal nito sa kaniya bago ito tuluyang nanghina at bumagsak sa kaniyang harapan.
Diretso lang sa malayo ang kaniyang tingin. Hindi niya makuhang igalaw ang mga mata niya. Hindi niya makuhang tingnan si Shannon.
Sinadya niyang iwasan na makita ang itsura nito dahil alam niyang hindi niya kakayanin. Sa miserableng paghinga pa lang nito at sa paulit-ulit na pagbigkas ng pangalan niya ay pinupunit na ang kaniyang puso.
"B-bakit?" pabulong nitong tanong na halos hindi na makahinga. "Ba-k-kit... L-Lea..."
Hindi na niya nagawa pang pigilan ang sarili at binalingan ito ng blankong tingin.
Nakakalat na sa sahig ang sariwang pulang likido mula sa sugat nito. Hirap at sakit ang mababakas sa gwapong mukha ng binata. Ang dating mapupulang mga labi nito ay tinanggalan ng kulay at ginuhitan ng mapait na ngiti.
Halos mabaklas ang dibdib niya sa nakikita.
"Patawad..." usal niya rito sabay bagsak ng isang butil ng luha na hindi niya namamalayang namuo na pala sa mata niya.
BINABASA MO ANG
The Masked Truth
حركة (أكشن)Hindi patas ang batas. Ang hustisya ay umiikot lamang sa palad ng mayayaman at makapangyarihan. Sa masaker na nangyari sa pamilya ni Anna Layia, ang mga Del Griego ang itinuturing na salarin. Gayunpaman, ang kalaban ay masyadong maimpluwensya at ito...