Tamawo 2-2

5.9K 183 5
                                    

Kabanata 2


Gumaan na ang pakiramdam ni Anida nang maibalik na sa kanya ang kanyang anak. Ilang oras din siyang nagmumuni-muni at nag-iisip ng ipapangalan n'ya sa kanyang munting anghel. Umaliwalas ang mukha n'ya nang sa wakas ay nakaisip na siya.


"Tama, Aldous ang ipapangalan ko sa kanya." Sabi n'ya sa sarili habang hinaplos n'ya ang pisngi ng natutulog na sanggol.


Kumatok at pumasok si Giordano sa kanyang silid na hindi magkamayaw sa dala-dalang mga gamit. Nilapag n'ya ang mga gamit sa isang lamesa.


"Anida, kinuha ko ito sa inyong tahanan. Mga munting regalo para kay Aldous."


Napamulagat si Anida sa sinabi ni Giordano. "Paano mo nalaman na Aldous ang ipapangalan ko sa kanya?"


Ngumiti si Giordano. "Nakasaad na sa propesiya na Aldous ang magiging pangalan n'ya, kaya huwag ka nang magtaka pa."


Napatango-tango na lang siya at lumapit sa mga gamit na dala ni Giordano. "Kanino galing ang mga 'yan?"


Isa-isang tinignan ni Giordano ang mga kahon. "Ito galing kay Moneth. Ito naman, galing sa mga magulang mo. Meron ding galing sa ilan n'yong kapitbahay."

"Nasabi mo na ba sa kanila na matatagalan pa ang pagbalik namin ng aking anak sa mundo ng mga tao?"


Tumango-tango siya. "Oo Anida, nasabi ko na sa kanila ang lahat."


Lumapit siya sa mga regalo at isa-isang tinignan. Merong mga maliit na unan, damit, sapatos at mittens. Napatingin si Anida sa labas ng silid nang may nakita siya na nakakasilaw na liwanag. Agad na lumabas si Giordano at sumunod siya.

Nakita nila na umilaw ang malaking libro na nakapatong sa malaking lamesa na yari sa purong ginto. Agad na lumapit si Giordano at binuklat ang libro. Inalis n'ya ang kanyang pulseras at nakita ni Anida ang pagkabigo sa mukha ni Giordano.

Lumapit si Anida sa kanya. "Ano 'yan George?"

Lumingon si Giordano sa kanya. "Ito ang libro ng propesiya, ito ang nagsasaad ng mangyayari sa hinaharap at nagbibigay babala sa amin."

"Bakit tila nalungkot ka nang inalis mo ang iyong pulseras?" nagtatakang untag ni Anida.

Agad na binalik ni Giordano ang kanyang pulseras. "Wala naman Anida."

Napatingin sila sa kanilang likuran at nakita nila ang isang Tamawo na humahangos patungo sa kanila. Nakita ni Anida na umiilaw ang galanggalangan ng Tamawo na dumating at abot tainga ang ngiti.

"Sa wakas, makikilala ko na siya." Masiglang bungad ng bagong dating.

"Pablo, maaari mo nang tignan ang propesiya." Wika ni Giordano.

Binuklat ni Pablo ang malaking libro at titig na titig si Anida sa kanila ni Giordano. Nang makaalis si Pablo, lumapit si Anida sa kanya.

"Para saan 'yun? Bakit nagliliwanag ang kanyang galanggalangan?" untag ni Anida.

"Huwag mo nang alamin pa 'yun Anida, hindi naman mahalaga na malaman mo pa." Seryosong wika n'ya at walang lingon-lingon na lumakad palayo kay Anida.

Natulala na lang si Anida sa inasta ni Giordano sa kanya. Nanibago siya sa pagsusungit na pinakita ng binata. Bumalik na lang siyang muli sa kanyang silid upang bantayan ang anak.

***

Ipinagdiwang sa buong kaharian ng Tamawo ang kapanganakan ni Aldous. Bumaha ng masasarap na putahe at inumin sa buong paligid. Marami ang tumutugtog ng iba't-ibang uri ng instrumentong pangmusiko at masiglang-masigla ang lahat.

Isa-isang bumati sa munting prinsipe ang lahat ng Tamawo at bumabaha na ng mga regalo para kay Aldous. Masiglang nagkakainan ang lahat at tila araw ng kapistahan ang nagaganap.

"Tanggapin n'yo po ang aming munting handog para kay Prinsipe Aldous." Inabot ng isang Tamawo ang kanyang regalo.

Masiglang tinanggap ni Anida ang mga regalo at nilapag sa isang lamesa. "Maraming salamat po sa inyong lahat." Nakangiting tugon n'ya.

Masiglang pinanuod ni Anida ang ilang kababaihan na masayang sumasayaw sa saliw ng musika. Natutuwa siya dahil kahit na lahat ng kababaihan sa mundo ng Tamawo ay galing sa mundo ng mga tao, natutunan na rin nilang yakapin ang tinatamasa nilang buhay.

Napag-alaman n'ya na kahit kailan, tanging lalaki lang ang magiging anak ng isang Tamawo kaya kailangan nilang kumuha ng mapapangasawang babae sa mundo ng mga tao.

Napalingon si Anida kay Heraldo na masiglang nanunuod sa kanyang mga nasasakupan. "Heraldo, bakit nga pala hindi nag-kakaanak ng babae ang mga Tamawo?" untag n'ya.

Ngumiti si Heraldo sa kanya. "Tanging ang poong lumikha lamang ang makakasagot sa iyong katanungan mahal ko. Nakatadhana na talaga na kami ay mag-kakaroon lamang ng supling sa isang tao."

Napatango-tango na lamang si Anida sa sinabi ng asawa. Habang nagkakasayahan ang lahat, naisipan ni Anida na sulatan ang kanyang mga magulang upang hindi sila mag-alala sa kanya at sa kanilang apo na si Aldous.

Pagkatapos n'yang sumulat, ibinigay n'ya ang sulat sa nakatayong si Giordano. "George, pakibigay naman ito kina Inay at Itay kapag bumalik sa sa aming tahanan, para hindi naman sila mag-alala nang husto sa amin ni Aldous."

Bahagyang tumango si Giordano at kinuha ang liham. Nilagay n'ya 'yun saa loob ng kanyang mahabang kasuotan at muling tumingin sa malayo. Napapansin ni Anida na kakaiba ang kinikilos ni Giordano nitong mga nakaraang araw ngunit hindi naman siya sinasagot ng binata sa tuwing nagtatanong siya.

Nagkibit balikat na lamang siya at naupo nang maayos sa kinauupuan. Maya-maya pa ay napag-isipan n'yang tignan ang mga munting handog para sa munting Prisipe. Natuwa siya sa mga nakita at isa-isang inayos ang mga iyon. Karamihan sa mga gamit ay mga ginto, alahas at sandata na maaring magamit n'ya kapag siya ay lumaki na.

Napamulagat na lamang siya at napatili nang mabuksan n'ya ang isang malaking kahon. Naibagsak n'ya 'yun sa lupa at agad na lumapit si Heraldo sa kanya.

ITUTULOY...

Tamawo 2 (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon