Kabanata 1
Kabuwanan na si Anida sa kanyang pinagbubuntis na sanggol at kailangan na muna n'yang manatili sa mundo ng mga Tamawo hanggang sa makapanganak siya. Aligagang-aligaga ang kanyang mga magulang sa pag-aasikaso ng mga gagamitin n'ya sa panganganak.
"Anak, madadala mo ba ang mga ito sa mundo ng mga Tamawo?" Sabi ni Guada habang isa-isang tinutupi ang mga punting lampin.
"Pakikiusapan ko na lang po si George na kunin ang mga hinanda n'yo Inay. Hindi ko po kasi magagawang dalhin ang mga 'yan sa kanilang mundo." Tugon n'ya.
Lumapit si Guada sa anak at niyakap si Anida. "Mag-iingat ka doon anak." Hinaplos n'ya ang mabaha at makintad na buhok ni Anida.
"Opo Inay, hindi po nila ako pababayaan doon. Mas mainam na din po talaga na doon muna ako mamalagi dahil ang sabi nila, mabangong-mabango ang aking halimuyak sa mga itim na engkanto, tik-tik at aswang."
Kumalas sa pagkakayakap si Guada sa kanyang anak. "Gusto ko sana na nasa tabi mo ako sa iyong panganganak ngunit hindi ko magagawa." Malungkot na pahayag n'ya.
Pinatong ni Anida ang kanyang kanang kamay sa balikat ng ina. "Inay, huwag na po kayong malungkot. Kapag nakapanganak na ako at maayos na kami ng aking anak, babalik kagad kami para makita n'yo ang apo n'yo."
Napatingin sila sa pintuan ng silid ni Anida nang dumating si Tonyo.
"Anida anak, nandito na ang tagapagbantay mo na si George."
Inayos na ni Guada ang kama ni Anida. "Sige na anak, matulog kana. Kami na ng iyong Itay ang magbibigay nitong bag kay George. Titiyakin ko rin na laging malinis ang iyong katawan habang nananatili ka sa mundo ng mga Tamawo."
Tumango si Anida at nahiga na sa kanyang kama. Inayos ni Guada ang kanyang kumot at tinakip sa umbok na n'yang tiyan.
"Salamat po Inat at Itay, mag-iingat po kayo dito. Meron pong Tamawo na magbabantay sa inyo dito para na rin sa inyong kaligtasan."
Ipinikit na n'ya ang kanyang mga mata at hinaplos ni Guada ang kanyang noo.
Nang imulat ni Anida ang kanyang mga mata, naaninag n'ya agad ang mukha ni Heraldo na nakangiti sa kanya habang hinahaplos ang kanyang buhok.
"Mabuti naman at nagising kana aking mahal. Nagugutom ka ba? Marami akong hinandang pagkain para sa'yo at sa anak natin."
Napangiti si Anida sa pagiging maaalalahanin ng kanyang asawa.
"Prutas lang ang nais kong kainin Gerald."
"Heraldo na lang ang itawag mo sa akin, mahal ko." Tumayo si Heraldo at kumuha ng prutas. "Anong gusto mo sa mga ito mahal ko?"
"Ang mapintog na mabolo ang nais kong kainin Heraldo." Tila natatakam na tugon n'ya.
"Masusunod aking Reyna." Nakangiting wika ni Heraldo.
Sinumulan na n'yang balatan ang mapintog na bunga ng mabolo at nilagay sa isang platito. Naupo si Anida sa gilid ng kanyang kama at inalalayan siya ni Heraldo. Sinubuan pa siya ni Heraldo at titig na titig sa kanya habang kumakain.
***
Kinabukasan, nagising si Anida dahil sa sakit ng likod at tiyan. Napangiwi siya sa sakit at napasigaw. Agad namang lumapit sa kanya si Heraldo na kasunod ng isang Tamawo na manggagamot.
"Manganganak na siya." Bulalas ng manggagamot at agad na lumapit na namimilipit na si Anida.
Agad na inasikaso ng manggagamot si Anida at hinawakan ni Heraldo ang kanyang kamay. Nakabantay naman sa labas ng silid si Giordano at pinagbigay alam n'ya sa mga kawal na bantayang mabuti ang paligid ng palasyo.
Pinalibutan nila ang palasyo at hindi nagpapasok ng kahit na sino sa loob para na rin sa kaligtasan ng mag-ina. Abala ang lahat at bantay-sarado ang lahat ng lagusan na maaaring pasukan ng mga masasamang elemento.
Ilang ulit na napasigaw si Anida sa sobrang sakit na nararamdaman n'ya. Napahigpit ang kapit n'ya sa kamay ni Heraldo na nakahawak sa kanya. Ilang sandali pa ay umalingawngaw sa buong silid ang isang malakas na iyak ng sanggol na inuluwal ni Anida.
Masiglang binuhat ng manggagamot ang sanggol. "Isang napakalusog at makisig na sanggol." Pinunasan n'ya ang sanggol bago itinabi sa kanyang ina.
Hinang-hina ang pakiramdam ni Anida pagkatapos n'yang manganak. Hinimas-himas n'ya ang ulo ng anak n'ya habang nahihimbing na ito sa kanyang tabi. Panay naman ang haplos ni Heraldo sa kanyang mag-ina. Maya-maya lang ay biglang bumigat ang talukap ng kanyang mga mata at tuluyan nang napapikit.
***
Nang magising si Anida sa mahabang pagkakatulog, napaigtad siya nang hindi niya makita ang kanyang anak sa kanyang tabi. Nataranta siya at sinubukang tumayo ngunit bigla siyang nahilo at napaupo sa kama. Agad na dumating si Heraldo at inalalayan siyang muling mahiga sa kama.
"N-nasaan ang anak natin Heraldo?" maluha-luhang sabi n'ya.
"Huwag kang mag-alala aking mahal, nasa mabuti siyang kalagayan. Kailangan n'yang sumailalim sa isang ritwal para na rin sa kanyang kaligtasan." Paliwanag n'ya.
Nakahinga nang maluwag si Anida sa sinabi ng asawa. "Kailan kami pwedeng dumalaw kina Inay at Itay Heraldo?"
"Mahal ko, hindi pa siya pwedeng lumabas ng kaharian hangga't hindi siya natututong lumakad."
Napamulagat siya sa sinabi ni Heraldo. "Ano? Bakit naman hindi?"
"Madali siyang makukuha ng masasamang elemento dahil wala siyang kalaban-laban, mahal ko. Mas mainam na hintayin muna natin na makapaglakad siya, para na rin sa kanyang kaligtasan." Paliwanag pa n'ya.
Nanlumo si Anida at wala na siyang nagawa pa. Hindi naman n'ya pwedeng iwan ang anak sa mundo ng mga Tamawo, at mas lalong ayaw n'yang malagay sa paligro ang buhay ng kanyang munting sanggol.
ITUTULOY...
BINABASA MO ANG
Tamawo 2 (Completed)
FantasiTamawo 2 Si Giordano ay kapatid ng hari ng mga Tamawo. Siya ang naging tagapagbantay ni Anida na naging asawa ng kanyang kapatid na hari. Isang matapang na tagapagtangol ng kaharian ng mga Tamawo at kanang kamay ng hari. Isusuko niya ba ang katungku...