Tamawo 2-3

5.4K 172 5
                                    


Kabanata 3


Nabalot ng tensyon ang buong paligid dahil sa isang regalong natanggap ni Anida para sa kanyang anak. Agad na nilayo ni Heraldo ang kanyang mag-ina at umakyat sa isang entablado.


"Isang kalapastanganan sa aking anak at sa aking reyna ang pangyayaring ito!" matakas na wika ni Heraldo.


Natahimik ang lahat at biglang natigil ang kasiyahan. Ang ilan naman ay nagbulungan kung kanino ba galing ang regalo. Napayakap si Anida kay Heraldo at maaaninag sa mukha n'ya ang takot at pangamba para sa kaligtasan ng kanilang anak.


Agad na kinuha ng ilang kawal ang regalo na bungo ng isang hayop at agad na sinunog. May nakitang isang munting mensahe ang kawal sa loob ng kahon at inabot kay Heraldo.


Kitang-kita ang galit sa mukha ni Heraldo at kinuyumos n'ya ang maliit na papel. "Kung sino man sa inyo ang nagpadala ng ganitong handog sa aking anak, kamatayan lamang ang maaaring igawad sa sino man na napatunayang nagkasala!"


Agad na lumapit si Giordano sa kanyang kapatid. "Mahal na Hari, maaaring galing 'yan sa mga itim na engkanto upang tayo ay takutin."


"Mga kawal, bantayang mabuti ang mga tarangkahan. Halughugin n'yo ang buong kaharian at hanapin ang kahinahinalang nilalang na maaaring gumawa nito." 


Bumaling siya sa ibang mamamayan na Tamawo. "Tapos na ang pagdiriwang at maari na kayong magsibalik sa inyong mga tahanan."


Inalalayan ni Heraldo ang kanyang mag-ina sa pagpasok sa malaking kastilyo. Sinamahan sila ng dalawang kawal at agad na sumunod sa kanila si Giordano. Tahimik lamang at walang kamalay-malay ang sanggol na si Aldous sa nangyayari sa kanyang paligid at mahimbing pa rin ang tulog sa bisig ng kanyang ina.


Nang makapasok sila sa kanilang silid, agad na tinanong ni Anida si Heraldo tungkol sa mensahe na nabasa n'ya. "Heraldo, ano ang nakasulat sa mensahe?"


"Isang normal na pagbati lamang ang nakasaad sa mensahe aking mahal." Seryosong wika n'ya at maaaninag pa rin ang galit sa kanyang maamong mukha.


Agad na lumapit si Anida sa asawa at niyakap ito. "Huwag mo nang masyadong problemahin ang ganyang bagay mahal ko, malalaman din natin kung kanino galing 'yun." Malambing na wika n'ya.


Napamulagat si Heraldo sa sinabi ni Anida. "Tinawag mo akong mahal?" hindi makapaniwalang untag n'ya.


Ngumiti at tumango si Anida. "Mahal naman talaga kita, anong pinagtataka mo doon?"


Biglang napawi ang galit sa mukha ni Heraldo at masiglang niyakap ang kanyang reyna.


***


Habang abala ang mga kawal sa paghahalughog ng buong kaharian, may isang nilalang na nagkubli sa likod ng isang malaking halaman. "Hindi magtatagal at babagsak din si Heraldo at ang aking anak ang siyang magiging Hari sa darating na panahon." 

Nakangising sabi n'ya sa kanyang sarili bago tuluyang umalis sa lugar na 'yun.


Isa-isa nang nag-imis ng mga gamit at pagkain ang mga Tamawo kaya naging abala ang lahat. Bantay-sarado ng ilang kawal ang lahat ng pwedeng madaanan palabas at papasok ng kaharian. Isang Tamawo ang nagpupumilit na makapasok sa loob ng palasyo ang hinahadlangan ng mga kawal.


"Papasukin n'yo na ako pakiusap, meron lang akong nais ipabatid sa ating Hari."

Agad na dumating si Giordano at lumapit sa kanya. "Anong nangyayari dito?" Seryosong untag n'ya.


"Nais ko lang po na makausap ang mahal na Hari." Napayuko ang Tamawo na medyo may edad na ngunit hindi naman ito maaaninag sa kanyang matipunong anyo.


"Ano ang nais mong ipabatid sa Hari?" untag ni Giordano.


Napayuko ang Tamawo. "A-ako po angnagbigay ng regalo na bungo sa mahal na prinsipe."


Agad siyang hinawakan sa magkabilang braso ng mga kawal.


"Dalhin siya sa kapulungan upang litisin." Maotoridad na wika ni Giordano at agad na lumakad palayo sa kanila.


Nang malaman ito ni Heraldo, agad siyang nagpunta sa kapulungan upang harapin ang umaako sa kalapastanganang ginawa sa kanyang anak. Hindi makapaniwala si Heraldo na magagawa iyon ni Ponciano na isang pinagkakatiwalaang kawal ng kanyang ama noong nabubuhay pa ito.


"Paanong ikaw Ponciano ang may kagagawan nito?" Hindi makapaniwalang untag ni Heraldo.


Napatungo si Ponciano. "Ipagpaumanhin n'yo mahal na Hari, ngunit hindi ko po sinasadyang magkamali ng inilagay sa kahon na aking ihahandog sa mahal na prinsipe."


Tumayo si Heraldo sa kanyang kinauupuan. "Alam n'yo naman na isang kalapastanganan ito sa aking anak." Seryosong wika n'ya.


Napatingin sila sa pintuan ng silid nang may humahangos na Tamawo na dumating.

"Patawarin n'yo po sana ang aking ama sa kanyang nagawa mahal na Hari. Matanda na siya at hindi na ganoon kalinaw ang kanyang paningin."


Agad na lumuhod sa harapan ni Heraldo ang Tamawo at yumuko sa kanya.

"Tumayo ka Rodolfo." Wika ni Heraldo at muling naupo sa kanyang upuan.


"Nakahanda po ako sa anu mang kaparusahan n'yo sa akin mahal na Hari." Nakayukong wika ni Ponciano.


"Walang kaparusahan na mangyayari sa iyo Ponciano. Isa kang pinagkakatiwalaang kawal ng aking ama noong nabubuhay pa siya at batid ko rin ang nanlalabo mong paningin." Seryosong wika n'ya.


Napatayo si Ponciano at malugod na nagpasalamat kay Heraldo. Umiiyak na humahangos ang isang batang Tamawo patungo sa kay Rodolfo.

"Huwag ka nang umiyak Matteo, hindi paparusahan ng Hari ang iyong lolo." Kinarga ni Rodolfo ang bata.


"Makakaalis na kayo at ayaw ko nang maulit pa ito maliwanag ba? Rodolfo, bantayan mong mabuti ang iyong ama nang sa ganoon ay hindi siya mapahamak." Maotoridad na wika n'ya.


Tumango-tango si Rodolfo. "Masusunod po, mahal na Hari. Maraming salamat po sa kabutihan n'yo. Ipagpaumanhin n'yo po sana kung naantala ang pagdiriwang para sa mahal na prinsipe."


Tumayo na si Heraldo at lumakad palabas sa malaking silid. Nagsipagtayuan na rin ang ibang mga Tamawo sa loob at ang ilan naman ay panay ang bulungan habang naglalakad palabas. Nakahinga nang maluwag sina Rodolfo at inalalayan na nakalabas ang kanyang ama.


ITUTULOY...

Tamawo 2 (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon