Freddy's Back, Alright(?)

6 1 0
                                    

"Freddy!" bulalas ni Jazz nang mapagbuksan ng pinto ang pinsan isang umaga. Nag-aalmusal ito sa mga oras na iyon kaya kitang-kita ni Freddy ang half-chewed pan de sal sa nakaawang nitong bibig.

"Cousin! Good morning!" dinaluhong ito ng yakap ni Freddy kahit di magkandaugaga sa dala-dalahan. Kasamang yumakap kay Jazz ang isang Beabi tote bag na transparent, isang imitation na Longchamp market bag at isang supot na may tatak ng isang Korean food chain.

"Ano'ng ginagawa mo rito?" manghang tanong ni Jazz na bahagya lang naibuka ang bibig dahil halos masakal ito sa yakap ni Freddy. Sa likod nito, sa makipot na terasa ng apartment, naka-park ang dalawang suitcases at isang bag.

Nang pakawalan ni Freddy ang pinsan ay isinalpak naman nito ang dalang supot at tote bag sa huli. "Kunin mo, pasalubong ko yan sa'yo at sa tita. Andiyan ba siya? Tita Mercy!!! Yohoo!" nagpatiuna na itong pumasok sa kabahayan.

Isa iyong unit ng apartment na pinatayo ng yumaong ama ni Jazz, na siyang kapatid ng kanyang ina. Si tita Mercy ay bestfriend naman ng ina ni Freddy kung kaya nagkakilala ito at ng Tiyuhin niya noon. Parang titang buo na rin niya si Tita Mercy. Noong bata pa siya ay tumitira siya sa mga ito tuwing summer vacation ng mga isang buwan at nang mag kolehiyo ay doon siya pumisan. Patay na noon ang Uncle Bobby niya at dalawa na lamang sina Tita Mercy at Jazz sa tinitirhan nitong apartment complex sa San Juan. May anim na pinto ang complex na iyon, at sa unang pinto nakatira ang mag-ina. Iyon ang katas ng pagsa-Saudi ng Uncle Bobby ni Freddy—isang inhinyero ito na sa kasamaang palad ay maagang dinale ng sakit sa puso. Tigok ito after only the second stroke and he was only 55 then. Nasa lahi nila ang hypertension at sakit sa puso kung kaya ingat na ingat si Freddy sa kinakain.

Ang unang pinto ay maluwang kesa sa ibang mga units dahil iyon na nga ang nagsilbing residential home ng kanyang tita at pinsan. May tatlong kwarto—ang isa ay nasa baba na siyang Master's bedroom, at ang dalawang mas maliit ay nasa second floor. Pagkapasok mula sa munting terasa ay sala ang bubungad, may makipot na pasilyong papunta sa dining room at sa likod ng dining room ay kusina, at ang laundry area. Ang CR ay katabi ng Master's bedroom. May isang banyo din sa taas. May mga bintana kahit papaano dahil ang unit ay nakapwesto sa pinakagilid ng complex. Doon niya inilagi ang apat na taon ng kanyang buhay noong college siya, kasama ang pinsan na halos kaedad niya (mas bata lang ito ng anim na buwan) at Tita Mercy.

"Freddy?!" Katulad ni Jazz ay laglag-panga rin ang reaksyon nito nang makita siya.

"Tita!" nilapag niya sa mesa ang mga dala at niyakap ang tiyahin.

"My goodness, ano ba'ng ginagawa mo rito? Akala ko sa pasko pa ang balik mo galing Korea? Ano'ng nangyari??" anito nang makabawi sa kabiglaanan.

"Miss ko na po kasi dito, tita," aniya rito.

Naningkit ang mga mata ni tita Mercy habang minamasdan ang pamangkin.

"Nasesante ka ba?" agad na tanong ni Tita Mercy.

"O napeke ng illegal recruiter? Six months ka pa lang sa Seoul," sabad ni Jazz na nakarating nang kusina at inusyuso ang mga dala ni Freddy.

"Kayo naman, tita, Jazz. Parang hindi kayo natutuwa na nandito na ulit ako sa atin," animo nagtatampong sabi ni Freddy.

Nagkatinginan ang mag-ina.

"Kumain ka na ba? Mag-breakfast ka muna o," sinandukan siya ng tiyahin ng sinangag na umuusok pa. "Alam ba ng mga nanay mo na nandito ka na?"

"O, hotdog. Baka gusto mo'ng hubarin yang sweater mo, hindi winter dito sa Pinas," nakangising wika ni Jazz.

Nagkatawanan silang lahat. Walang anu-ano ay umiyak si Freddy.

"Aba," muling nagkatinginan ang mag-inang Mercy at Jazz.

"Ano ba, cousin? Ano ba talagang problema?" si Jazz. Nagsalin ito ng tubig mula sa pitsel para ibigay sa pinsan. Patuloy sa pagluha at pagsinok ang huli. Wala itong sinabi.

"Frederica, buntis ka ba? Binuntis ka ba ng boyfriend mo'ng tukmol?" madiin ang tono ni Tita Mercy. Nakapamewang ito. Lalo lang sumige sa pag atungal si Freddy.

"T-tinakbuhan ako ni Ton-Ton!" anito.

"Buntis ka nga!" horrified na konklusyon ni Tita Mercy. Napahawak ito sa braso ni Jazz.

"Tita hindi! Itinakbo niya ang pera ko. Lahat. Ang ipon ko, ang kinita ko. At wala palang agency na lumakad sa employment namin. Wala ako'ng employer. Wala ako'ng trabaho. Yung sinabi niyang magsi-sponsor sa amin, ni hindi nila ako kilala at di daw sila affiliate yung agency na kumuha sa amin."

"Huh? Paano nangyari iyon?" naguguluhang tanong ni Jazz.

"Mukha palang ng kumag na iyon, di na mapagkakatiwalaan!" himutok naman ni Tita Mercy. "Pero pasalamat tayo sa diyos at walang mas masamang nangyari sa iyon doon, Freddy. Nagkamali ka lang ng pinagkatiwalaang tao. Ang mahalaga, safe ka at nakabalik rito nang maayos. Nasabihan mo na ba ang mga magulang mo na nakauwi ka na?"

Pinahid ni Freddy ang mga luha. "Tita, please, huwag po muna nating sabihing nakauwi na ako. Ayoko hong malaman sa amin na...na niloko ako ni Ton-Ton."

"Pinsan, hindi yata posible yan," dudang sabi ni Jazz.

"No, ayoko'ng malaman nina mama na umuwi ako dahil pinagnakawan at niloko ako ng boyfriend ko. Kailangan ko lang tulungan niyo ako tita, pansamantala lang habang naghahanap ako ng trabaho. Saka ko na ipapaalam sa kanila kapag stable na ako. May natititra pa naman akong pera, Pinautang ako ng mga Pinoy na nakilala ko roon," pakiusap ni Freddy sa mga ito.

Nagkatinginan naman ang mag-ina.

Nang makakain ay hinayaan nilang makapagpahinga sa dating kwarto nito si Freddy, bagay na ipinagpasalamat ng dalaga. Habang nakahiga sa kama,sinikap niyang kalimutan ang mga nangyari nitong huling buwan.

Halos pinagsakluban siya ng langit at lupa nang madiskubre ang betrayal ni Ton-Ton sa kanya. May iniwan lang itong note sa kanya. Isang malaking emergency daw sa pamilya nito sa Pilipinas ang nagbunsod rito para kunin ang lahat ng perang ipinagkatiwala nito sa kanya. Bukod kasi sa lahat ng mga expenses sa paglipad noon, pati daw six months living expenses ay kailangan nilang i-advance na irereimburse naman ng sponsor nilang company. Ang sponsor company na ni hindi sila kilala. Nagoyo siya ng isang master conman. Dahil mula sa pagtatanong niya sa mga kasamahan doon, hindi lang pala siya ang naloko nito kundi may dalawa pa'ng iba na umuwi sa Pilipinas at hinabla si Ton-Ton. Ang siste, iba-ibang pangalan ang ginagamit nito. Ni hindi niya alam kung Ton-Ton nga ba ang totoo nitong pangalan. Minsan sinisisi rin niya ang sarili sa katangahang nagawa. Ang dali niyang nagpaloko sa isang swindler, b-in-oyfriend pa niya! Pero matibay ang loob niya, at hindi ang ganitong klase ng tao ang makapagpapatumba sa kanya. Gagawin niya ang lahat upang hindi na muling humingi ng tulong sa pamilyang tutol na tutol naman talaga sa kanyang pangingibang bansa.

Freddy, The NannyWhere stories live. Discover now