KURDAPIA: Pangatlo
NAGUGULUMIHANAN si Malya kung bakit parang nanlalamig ang kanyang pakiramdam. Kahit saan siya lumingon, hindi niya pa rin makita ang mga kapatid at si Inang.
"Nasaan na po ba kayo..." Naiiyak na sambit ni Malya habang iniikot-ikot ang kanyang ulo. Kulang na lang ay mapilipit ito dahil sa kalilingon. Subalit, hindi pa rin niya makita ang kanyang pamilya.
Kinalabit ni Malya ang isang babaeng napadaan, "Ale, maaari po ba akong magta-" napaatras siya nang biglang tumingin ang babaeng walang mukha. Blanko ang mukha ng babae at pulang-pula. Animo'y tinalupan ng buhay ang babae. Tumagal din ng isang minuto ang titigan nila. Hanggang sa may umagos na dugo sa mukha ng babae.
Napasigaw siya at napapikit, "Ano ba ang nangyayari! Bakit ganito ang nararamdaman at nakikita ko! Ako na nga lang ba talaga ang narito? Iniwan na nga ba nila ako? Kinuha ko lang naman ang banig na nalag-" tinanggal ni Malya ang kamay sa kanyang mukha at naalala ang nakitang paa na nakalutang.
"Tama... iyong paa." Aniya at sinadya niyang nilaglag ang banig.
Yumuko si Malya para kuhanin ang banig na nilaglag, nang biglang may bumisina at napatumba siya sa bitak-bitak na lupa.
Nagpagpag siya ng damit, nang biglang bumukas ang pintuan sa likurang bahagi ng sasakyan. Nagsisisigaw si Malya - hanggang sa masuka siya dahil sa nakita. Isang batang babae na walang buhay, nakatali ang kamay, butas ang dibdib, walang saplot at higit pa roon, inaagnas na ang katawan nito.
"Malya! Hoy! Malya!" Pilit na ginigising ni Popolo ang isa sa kambal niyang kapatid. Subalit hindi pa rin ito nagigising.
"Inang..." ani Leya, ngunit hindi siya pinansin nito.
"I-inang, si Ditse, binabangungot po yata siya." Ani Ishike na medyo mahinahon pa sa kabila ng nakakatakot na nangyayari ng mga sandaling iyon. Ngunit, hindi rin siya pinansin nito.
Sumunod na nagsalita ang kambal ni Malya, "Inang! Wala po ba kayong gagawin? Hahayaan ninyo po bang mamatay ang kakambal ko?! Hindi ninyo po ba nakikita na-" napatingin si Dalya sa kakambal at nakita nito ang unti-unting paglabas ng likido sa bunganga ni Malya. Subalit, hindi nagpatinag ang kanilang Inang.
Tumingala ang kanilang Inang, "Hindi pa tayo nakararating sa ating paroroonan. Kung anu-ano nang kababalaghan ang nangyayari sa ating pamilya. Hindi ba kayo nagtataka? Parang hindi tayo magiging maligaya sa lugar na ito." Aniya at humarap sa mga anak.
"Kung gayon Inang. Bakit pa po natin kailangan tumuloy? Kung sa inyong palagay ay hindi pala tayo magiging maligaya sa lugar na ito?" Inusisa ni Ishike ang sinabing iyon ng kanilang Inang.
"Oo nga po Inang! Bakit pa tayo nagpapatuloy sa paglalakad, gayong hindi rin naman po pala tayo matatahimik sa lugar na ito!" Naiinis na ani Dalya.
Humakbang ang kanilang Inang palapit kay Malya na animo'y kinukumbulsyon dahil sa mataas na lagnat.
BINABASA MO ANG
KURDAPIA
HorrorLILINLANGIN NG KUWENTONG ITO ANG INYONG KAISIPAN! Ang mga taong mahilig mangutya ng kapwa. May kaakibat na kapahamakan. Huwag manghamak, kung ayaw mapahamak! Huwag gawan ng kuwento ang mga taong walang kibo. Hindi ninyo alam ang istorya nila, hindi...