KURDAPIA: Pangsiyam
WALANG saplot at wala nang buhay si Isayda nang matagpuan ng kanyang kapatid na si Hilda.
"Ano ang nangyari!" Sumalampak sa putik na may mga maliliit na bato ang matanda. "O... Isayda! Anak ko! Sino ang gumawa sa iyo nito!" Aniya na labis-labis ang paghihinagpis sa sinapit ng panganay na anak.
"Mamang..." Pambibiting ani Hilda.
Lumapit si Tandang Genova sa kapatid ni Isayda, "Sabihin mo, Hilda. Nakita mo ba kung sino ang salarin sa pagpatay sa iyong kapatid?" Animo imbestigador siya sa ginagawang pag-uusisa.
Halos hindi makapagsalita ang kapatid ni Isayda – hanggang sa maglabas siya ng nakakadiring likido sa bunganga. Sumakto ang kanyang pagsuka sa matandang babae na nasa harapan niya.
Napamura ang matanda sa pangyayaring iyon. Ngunit, hindi siya umalis at nagpatuloy siya sa pag-uusisa kung sino ang tunay na may salarin sa nangyaring pagpatay.
"Hilda!" Inuga-uga ni Tandang Genova ang nanlalambot na katawan ng babae. "Ano ba Hilda! Hindi ka ba magsasalita diyan? Hahayaan mo na lang bang makaligtas ang pumaslang sa iyong kapatid? Tignan mo, Hilda!" Hinawakan ng matanda ang mukha ng babae at ipinamukha sa anak ni Tandang Bela ang sinapit ng kapatid niya.
"Tandang Genova, tama na iyan." Pag-aawat ng isang babaeng may kargang sanggol.
"Huwag natin biglain si Hilda. Baka hindi pa niya kayang magkuwento." Wika ng isa pang babae.
Dinuro ng matanda ang dalawa, "Hoy kayo! Kung wala kayong magandang sasabihin – manahimik kayo!" Aniya at umalis si Tandang Genova.
Lumapit ang dalawang babae kay Hilda at pinagaan ang loob ng dalaga. Inalalayan ng isa na paupuin ang anak ni Tandang Bela sa may upuan na sanga. At doon nagsimula itong magkuwento sa nangyari.
"Bago mawala sa katinuan ang kapatid ko..." Inalala ni Hilda ang pangyayari kanina habang pinagmamasdan ang dalawang bata na naiwan ng pamilya.
Noong makarinig si Hilda ng kakaibang boses, sinabi niya iyon sa dalawang kasama na sina Isayda at Semara.
Pinagsuspetsahan pa nila iyong dalawang bata raw ang narinig niya, ngunit nagkamali siya.
"Nang makarinig ako ng kakaibang boses, nanindig ang balahibo ko ng sandaling iyon. Hanggang sa makakita ako ng matandang lalaki na nakaakbay sa kapatid ko..." Napahawak sa kani-kanilang mga braso ang mga taong nakikinig sa ikinukuwento ni Hilda.
"Tinapik ko iyong kamay ng matanda na nasa balikat ni Isayda. Pagkatapos niyon, nagsimula ng magbago ang ugali niya. Sa aking palagay, sumanib sa kanya iyong matanda na nakita ko." Nang magpatuloy sa kuwento ang anak ni Tandang Bela, may iilan na gusto ng umalis at umuwi sa kanilang bahay. Ngunit, natigilan sila sa mga sumunod na kuwento.
"Habang humihingi ako ng paumanhin sa kapatid ko. Nagbago ang kanyang itsura – naging matandang lalaki siya. Alam kong hindi ninyo iyon napansin, pero ako nakita ng dalawang mata ko iyon. Kaya labis ang takot na aking naramdaman ng mga sandaling iyon." Yumuko ang dalaga at pinaglaruan ang nanginginig na mga kamay.
"Noong lumapit si Kapitan..." Napahinto sa pagkuwento si Hilda nang dumating si Semara na kasama niya kanina.
"Hil—" Nandilat ang mata ni Semara nang makita ang nakagapos na katawan ng kaibigan na si Isayda. "S-Sino ang gumawa niyan?" Nauutal niyang tanong.
Tumingin siya sa mga tao na nasa paligid. Lahat sila ay iniwas ang tingin.
Umupo ang dalaga, "Tandang Bela, ano ang nangyari kay Isayda?" Paulit-ulit niyang tanong sa matanda. Subalit, wala siyang sagot na nakuha.
BINABASA MO ANG
KURDAPIA
HorrorLILINLANGIN NG KUWENTONG ITO ANG INYONG KAISIPAN! Ang mga taong mahilig mangutya ng kapwa. May kaakibat na kapahamakan. Huwag manghamak, kung ayaw mapahamak! Huwag gawan ng kuwento ang mga taong walang kibo. Hindi ninyo alam ang istorya nila, hindi...