Huli ko nang napagtanto na isang malawak na canopy bed pala ang aking hinihigaan. Mayroon itong velvet-red drapes na bumabagay sa lalaking nasa harapan ko. Nakatitig lamang ito sa akin habang ako'y naguguluhan pa rin sa mga nangyayari.
Muli kong inalala kung pano ako napunta sa ganitong sitwasyon.
Dalawang taon mula noong makaramdam ako ng kakaibang presensya sa treehouse namin. Inakala kong ito'y dala lamang ng pagiging paranoid, ngunit nag tuloy tuloy ito.
Laging kinukwento ng lola ko sa akin na mag ingat at 'wag papaabot ng ala sais ng gabi sa treehouse.
Naikwuento niya rin ang mga tungkol sa tinatawag niyang faeries, na siyang pinagtawanan ko dahil hindi ako naniniwala.
"Lola hindi na po ako bata. Hindi niyo na ako madadala sa mga ganiyang kwento," natatawa at naiiling kong sabi.
"Aba Atarah, hindi ito basta basta kwento. Nag aalala lang ako para sa'yo. Sa pagkakataon man na ika'y magkasala, mahihirapan kang makawala sa kanila," ani lola sa mahinang boses.
Natatawa man ay hindi ko magawang ignorahin ang aking lola. Kaming dalawa nalang ang magkasangga sa buhay. Namatay ang aking mga magulang noong ako'y dalawang taong gulang pa lamang.
Ang huli at natitirang alaala ko mula sa mga magulang ko ay ang treehouse namin rito sa aming bakuran. Itinayo ito ng papa ko para sa akin, kaya naman madalas ako ritong mamalagi.
Lagi rin akong may nararamdamang kakaiba tuwing tumatambay ako sa treehouse. Minsan para bang may kasama ako.
"Sige na sige na. Maniniwala na ako basta't mag-iingat ka sa biyahe mo bukas papuntang Maynila," pag suko ko sa usapan.
Kasalukuyan kaming nag aayos ng kaniyang mga gamit dahil dadalo si Lola sa kasal ng isa kong pinsan sa Maynila. Halos lahat ng kmag-anak namin ay nagsialisan na rito sa probinsya namin.
Naisin ko man mag aral at lumuwas sa Maynila ay hindi ko magawa dahil alam kong mahalaga kay lola ang buhay namin dito sa probinsya.
"Ayaw mo ba talagang sumama?" huling hirit ni lola bago ko isara ang kaniyang maleta.
"Gusto ko naman, la. Hindi nga lang pwede at may pasok ako. Saka mahirap nang mahuli sa mga lessons."
"Oh siya sige. Hayaan mo, ibibili nalang kita ng mga pasalubong," nasasabik nitong ani.
Matapos ang saglit pang kulitan sa silid ni lola ay dumiretso na rin ako sa silid ko.
Nakakalungkot na sa laki ng bahay ni lola ay wala kaming ibang kasama rito. Hindi rin ayon ang aking lola sa pagkuha ng mga serbidora o kahit mga tagapag linis man lang. Kaya naman napilitan kaming isara nalang ang ibang mga silid o kaya naman ginawa itong mga tambakan ng mga lumang gamit.
Okupado ang aking isipan nang pumasok ako sa aking silid. Bumalik lang ako sa ulirat nang mahagip ng aking mga mata ang mumunting liwang na nang gagaling sa treehouse.
Nakakunot noo akong lumapit sa malaking bintana sa aking kwarto. Tanaw ko mula rito ang treehouse namin.
"Naiwan ko bang bukas ang ilaw?"
Matagal akong tumitig sa treehouse, nag aabang ng milagrong mamatay ang ilaw dahil tinatamad na akong pumunta roon.
Pinag-iisipan ko pa ang pag punta sa treehouse nang biglang nawala ang liwanag mula sa loob ng treehouse.
"Hala gago!" mabilisan kong isinara ang bintana. Tumakbo ako papunta sa kama at agad kong tinakpan ng kumot ang aking sarili.
Ramdam ko ang bilis ng tibok ng puso ko. Sino nag off ng ilaw??