25.A. Spotlight

8.9K 232 5
                                    

Chapter Twenty-Five: Spotlight

"Ladies and gentlemen, may I present to you, Jayden Peralta and Maria Ella Marquez for their modern interpretive dance number."

Nabuhayan ako ng loob nang banggitin ni Ms. Mendez ang pangalan ni Jayden. Kahit ang mga manonood, hindi magkamayaw sa pagpalakpak. Sumisigaw pa ang iba ng "Jayden, Jayden!"

Hinanap ko siya sa aking tabi pero wala akong maaninag. Tinawag ko rin siya sa mahinang boses pero wala akong tinanggap na tugon. Hinintay ko na lang na muling sindihan ang mga ilaw.

Pero lumipas na ang isang minuto, wala pa ring nagaganap. Walang liwanag, walang musika. Ang mga manonood, huminto na sa pagpalakpak at pagsigaw. Naging tahimik, maliban sa panakanakang ingay ng mga ubo at mga siyap.

Isang minuto pa ang nagdaan. Ang kapayapaan, unti-unting napalitan ng ingay ng mga tao. Pero hindi dahil sa pananabik, kundi huni ng pagkabagot at pagtataka. Tumingin ako sa bahaging kinaroroonan nina Ate Debby, gusto kong malaman kung ano ang nangyayari. Pero hindi ko sila mahagilap dahil sa nakatakip na kurtina. Hanggang sa lumiwanag sa aking pwesto, dumiklap ang isang spotlight, tutok na tutok sa akin. Nagsimula ring tumunog ang musikang sasayawin namin.

Iginala ko ang aking paningin, pero walang palantandaan ni Jayden. Hinintay ko siyang lumabas sa alinman sa dalawang pintuan – ng entablado na animo'y silid tulugan – na inilaan upang maging labasan at pasukan ng mga magtatanghal. Pero natapos na ang intro ng tugtog hindi pa rin siya nagpapakita. Hindi ko maunawaan kung bakit binanggit pa ni Ms. Mendez ang pangalan ni Jayden sa pagpapakilala gayong wala naman siya.

# I was left to my own devices. #

Matamlay akong pumihit upang humarap sa mga tao. Sinimulan ko ang pagsasayaw kahit na walang kapareha sa gitna ng malawak na entablado. Nagkaingay ang mga tagasuporta ni Jayden, nang mapansin na nag-iisa ako. "We want Jayden! We want Jayden!" sigaw nila.

# Many days fell away with nothing to show. #

Bumaba nang husto ang aking moral dahil sa mga sigaw nila na may halong pagrereklamo. Napakahirap palang sumayaw mag-isa lalo na't alam mong walang natutuwa sa ginagawa mo. Pero halip na maapektuhan, lalo kong pinagbuti ang aking mga galaw. Dahil baka sakali ay pag-ukulan nila ng pansin ang aking pagpapakapagod.

# And the walls kept tumbling down in the city that we love. #

Pero mas lalong naging magulo ang mga tagahanga ni Jayden. May isa sa kanila na sumigaw ng "boo!" Para bang binuhusan ako ng malamig na tubig habang nakatayo sa gitna ng makakapal na nyebe. Nagising ako sa realidad. Napagtanto ko ang aking tunay na kalagayan: kaawa-awa, kahabag-habag.

# Great clouds roll over the hills, bringing darkness from above. #

Idinako ko na lang ang aking mga mata sa aking pamilya at mga kaibigan upang humugot ng lakas. Nasa bandang gitna sila, pang-apat na hanay ng mga silya mula sa unahan. Sinulyapan ko si Papa. Bakas ang lungkot at awa sa kanyang mukha. Mas lalo akong nahabag sa aking sarili. Nangilid ang luha sa aking mga mata.

# But if you close your eyes, does it almost feel like nothing changed at all? #

Dumako sa koro ang tugtog. Ito ang parte kung saan bubuhatin ako ni Jayden. Pero wala siya kaya tumayo na lang ako nang tuwid at dumipa na animo'y papalipad na agila. Bahagya akong tumingala, pumikit upang pigilin ang pagpatak ng aking mga luha.

Muli kong narinig ang sigawan at palakpakan ng mga manonood. Sa isip-isip ko, sa wakas ay nalugod din sila sa aking ginagawa. Kahit na may luha sa aking mga mata, hindi ko napigilan ang mapangiti. Dumilat ako upang saksihan ang kaunting tagumpay na bunga ng isang buwang pagsasakripisyo.

Jayden UniversityTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon