35.B. Banana Pancake

8.4K 191 7
                                    

Chapter Thirty-Five: Banana Pancake

Sa ikatlong palapag ng gusali matatagpuan ang ICU kung saan inoobserbahan si Jayden. Hindi tulad ng normal na kwarto sa mga ospital na tila ba silid-tulugan ang kawangis, puro aparato na nakapatong sa isang estante ang makikita sa loob. Ang bawat dingding at bawat sulok at bawat bagay sa loob ng silid ay para bang mga tagpo sa isang abandunadong bahay - walang buhay. Siguro dahil si Jayden ang nakahiga sa kama. O siguro dahil tahimik sa buong silid maliban sa ingay ng mga makina na nakakabit sa kanyang katawan, halinhinan ang huni ng beep, na nagpapahiwatig na gumagana ang puso ni Jayden, at tunog ng animo'y mainit na hininga sa tag-ulan, na nagmumula sa isang makina na hindi ko alam kung para saan.

Kaagad nagpaalam ang mga kaibigan ni Jayden, pati si Nicole, maliban kay Grae, nang masilip nila ang kalagayan nito. Hindi rin kasi pwedeng magtagal ang maraming bisita sa loob ng ICU.

"Sige po, Aunty Lily," sabi ni Joem. "Pakisabi na lang kay Mr. Peralta na umuwi na kami."

Samantala, nanatili si Andrew sa waiting room.

Nakaupo ako sa kama ni Jayden, katabi ni Aunty Lily. Malinis na ang kanyang hitsura suut-suot ang light blue hospital gown. Pero lalong naging kapansin-pansin ang kanyang mga sugat at pasa sa mukha pati na rin sa kanyang magkabilang braso.

Dumating ang isang babaeng nurse na mabintog ang katawan, nasa early thirties ang edad sa aking palagay. Lumapit siya kay Jayden, sinuri at nagtala sa dala niyang kwaderno.

"Nurse," sabi ni Aunty Lily. "Bakit hindi pa rin gumigising si Puroy ko?"

"H'wag po kayong mag-alala, Ma'am. Bigyan lang natin siya ng sapat na panahon para makapagpahinga. Magigising din siya kapag nanumbalik na ang kanyang lakas."

Tumango-tango si Aunty Lily. Nagpaalam ang nurse at saka lumabas sa ICU.

"Ella . . ." sabi ni Aunty Lily, matapos ang mahabang katahimikan. Nakatunghay lang kaming tatlo nina Grae kay Jayden. Hinagod ni Aunty Lily ang aking likod. "Huwag ka nang mag-alala. Gagaling din si Puroy."

Nginitian ko si Aunty Lily.

"Pasenya ka na nga pala kay Jaime. Natatakot ka ba sa kanya?"

Hindi ako sumagot.

"Unawain mo sana siya, pakiusap. Ganito rin ang mga ikinilos niya noong kritikal si Edna, ang ina ni Puroy. Ang pakiwari ko, natatakot siya. Tatlong beses na siyang nawalan ng kapamilya. Una ang panganay nilang anak, ikalawa ang kanyang asawa, at panghuli nga ang ina ni Puroy."

Sa kabila ng mga paliwanag ni Aunty Lily, hindi pa rin maalis sa akin ang matakot kay Mr. Peralta. Pero naisip ko na siguro, normal lang ang ganito, ang matakot o mailang. Lihim akong ngumiti nang maalala ko si Jayden noong unang beses na nakilala niya si Papa.

Sunod naming pinag-usapan ang mga pinagdaanan namin ni Jayden ngayong araw. Ayoko na sanang sariwain pa ang mga eksena, ito na ang ikatlong pagkakataon na isinalaysay ko ang tungkol dito. Pero sa tingin ko, kailangan kong magpaliwanag kay Aunty Lily, bilang (itinuturing na) kapamilya ni Jayden.

"Hija, wala kang kasalanan. H'wag mong sisihin ang iyong sarili, ikaw lang din ang mahihirapan."

Magaan sa kalooban ang mga sinabi ni Aunty Lily. Pero kahit anong magandang salita ang marinig ko, hindi ko pa rin magawang hindi sisihin ang aking sarili – hangga't nakikita ko si Jayden na walang malay.

Naputol lang ang aming kwentuhan nang tumunog ang aking cellphone. Lumabas ako sa silid, tumatawag si Aia.

"Ella, what happened? Ibinalita sa amin ni Andrew ang nangyari. Nasa hospital daw si Jayden."

Jayden UniversityTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon