4.B. Backseat

19.4K 414 15
                                    

Chapter Four: Backseat

Natagpuan namin ni Andrew ang Room 202 sa ikalawang palapag, katabi ng faculty room. Huminto ako sa labas ng pintuan.

"Salamat, Andrew, sinamahan mo 'ko."

"Wala 'yon. Tara." Hinawakan niya ako sa braso at inakay patungo sa loob ng silid.

"Huh?" Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko, pero hindi ako pumalag.

Nginitian ako ni Andrew at napatuloy sa paglalakad.

Marami nang tao sa loob ng silid, hindi siguro bababa sa tatlumpo, kaya sa bandang likuran kami nagtungo. Tila nakuha namin ang atensyon ng mga tao nang pumasok kami, siguro dahil kasama ko ang isang sikat na tao sa campus. Umupo si Andrew sa silya. Ibig sabihin, sasamahan niya ako hanggang sa matapos ang meeting? Biglang nag-New Year sa loob ng aking dibdib.

"Good afternoon everybody!" bati ng isang ginang.

Hindi ko siya napansin kanina nang dumating kami ni Andrew. Sa tantya ko, nasa fifties ang kanyang edad.

"Ako nga pala si Ms."—single?—"Adelaida Mendez. Isang Psychology professor at tumatayo bilang adviser ng Campus Ministries sa loob eighteen years."

Mahinahon siya kung magsalita at maamo rin ang mukha. May katabaan ang kanyang pangangatawan. Suot niya ang mga bilugang salamin sa mata. Hindi lalagpas sa kanyang balikat ang kanyang buhok na may mga hibla na ng puti. Naaalala ko sa kanya ang aking lola, si Lola Pasencia, ang ina ni Papa.

"Maraming salamat sa inyong pagdalo," sabi ni Ms. Mendez, "kumpleto ang ating attendance ngayon maliban sa isa. Hindi ako sigurado kung darating siya. Marahil ay nagtataka kayo kung sino ang taong tinutukoy ko. We have a good news, may bagong member ang Campus Ministries."

Sumigaw at pumalakpak sina Ate Debby, Ate Niña at ang mga karatig nilang estudyante. Nakaupo sila sa unang hanay ng mga silya. Sa tingin ko, silang lahat ay mga datihang miyembro ng Campus Ministries. Tila ba nagbubunyi sila, na para sa akin ay masyadong OA ang dating. Nakipalakpak na rin ako.

"Para sa kaalaman ng mga bagong members," sabi ni Ms. Mendez, "malaki ang problemang kinakaharap ng Campus Ministries. Nanganganib itong mapasara sa susunod na taon dahil laging mababa sa tatlumpu't lima ang bilang ng mga miyembro sa loob ng magkakasunod na apat na taon, kabilang na ang taong ito. Tatlumpu't lima ang bilang na kumakatawan sa 0.05% ng 7, 124 college student population ng unibersidad, na mahalagang requirement para manatili ang isang legitimate organization. Kung maaabot ng samahan ang sapat na bilang ngayong academic year 2015 to 2016 ay maaari pa tayong magpatuloy sa mga susunod na pasukan."

Ganoon pala ang sitwasyon kaya sobrang saya nila dahil sa isang estudyante na nadagdag sa Campus Ministries. Natuwa na rin ako at nagpapasalamat sa kung sino man ang taong iyon. Pero maganda man ang naging balita ni Ms. Mendez, nangangahulugan pa rin na kulang ng isang miyembro ang organisasyon. Kung kumpleto ang lahat ng kasapi ngayon, tatlumpu't apat ang kabuuang bilang kasama na ang bagong sali na sinasabi ni Ms. Mendez.

Nagsasalita si Ms. Mendez nang biglang sumulpot sa labas ng pintuan ang isang lalaki na hindi ko inaasahan sa lahat. Si Jayden. Hindi kaagad ako nakakibo. Posible kaya na siya ang tinutukoy ni Ms. Mendez? O baka naman naliligaw lang siya. Pero sana nga naliligaw lang siya.

Huminto si Jayden sa labas, tila hindi alam ang gagawain. (Naliligaw nga siguro.) Lahat kami, sa kanya nakatingin. Nang sulyapan siya ni Ms. Mendez, saka lang siya pumasok sa loob ng silid.

"Heto na pala ang tinutukoy ko. Everyone, please welcome Jayden Peralta."

Nagulat ang karamihan, tanaw na tanaw ko mula sa likuran ang reaksyon ng mga miyembro. Marahil ay nagtataka sila – kami – kung ano nga ba ang ginagawa ng isang Jayden Peralta sa organisasyon na dati niyang inagawan ng lugar. Nalaman ko ito mula kay Ate Niña nang tumawag siya upang ipaalam ang tungkol sa first general meeting ng organisasyon.

Jayden UniversityTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon