Red Envelope

182 19 6
                                    


Red Envelope

"Ayos ka lang, Mitch?" dinig kong tanong ni kuya.

Tumango ako bilang sagot.

"Tara na, baka maiwan tayo ng eroplano."

Sa huling pagkakataon ay muli kong pinagmasdan ang bahay namin. Paniguradong mamimiss ko 'to, labing pitong taon rin kasi kaming nanirahan dito.

"Mitch, tara na!" tawag ni kuya mula sa sasakyan.

Agad akong sumunod at umupo katabi ng driver's seat.

Sa kalagitnaan ng byahe ay muling nagsalita ang kapatid ko.

"Kanina mo pa hawak ang envelope na yan. Basahin mo nalang kaya," payo nito.

Napatingin ako sa direksyon n'ya at napatango. Kagabi ko pa sana bubuksan ang sulat na 'to kaso sa hindi malamang dahilan ay natatakot ako.

Gaya ng sabi ng kapatid ko ay binuksan ko ang pulang sobre at binasa ang sulat doon.

March 02, 2015

Matagal na rin pala 'tong sulat na 'to. 2 months ago pa ang date.

Pinagpatuloy ko ang pagbabasa.

Mitch,

Hi!

Uhm... sa totoo lang hindi ko alam kung saan ako magsisimula. In the first place bakit nga ba ako gumawa ng sulat para sa'yo? Siguro dahil ang dami kong gustong sabihin sa'yo.

Isa akong duwag. Isang dakilang torpe. Hindi ko 'to kayang sabihin sa'yo ng harapan kaya idadaan ko nalang lahat sa sulat na'to.

Malamang habang binabasa mo 'to ay nakapag-impake ka na o kaya nama'y on the way ka na sa airport. Pwede ring nasa eroplano ka na or worse nasa Germany na. Ibinilin ko kasi kay ate itong sulat na 'to. Sinabi ko sa kanya na ibigay lang 'to kapag paalis ka na.

Mitch, mahal kita. Mahal na mahal kita. Pasensya na kung nagulat man kita. Matagal ko rin 'tong itinago sa'yo kasi gaya ng sabi ko, isa akong dakilang torpe.

Ewan ko, nagsimula lang naman 'to sa simpleng crush. Ang cliché no? Do'n naman ata lahat nagsisimula, diba? Sa totoo lang elementary palang tayo nagagandahan na'ko sayo. No'ng naghighschool tayo, do'n ko pa naamin sa sarili ko na may gusto nga ako sa'yo.

Naaalala ko pa yung mga panahon na kapag enrollment na ay kailangan ko pang humingi ng pabor sa mga teacher na ilagay tayo sa parehong section. Mabuti  nalang talaga at lagi silang pumapayag, pero kapalit naman no'n ang paglilinis sa buong faculty room tuwing summer.

Ang saya-saya ko sa tuwing nakikita kitang pumapasok ng classroom. Lagi kitang tinitignan sa malayo, parang naging hobby ko na yung ganun. Ang daya lang kasi di mo man lang ako magawang tapunan ng tingin.

Naisip ko lang rin, ayaw mo kaya sa mga jocks? Pansin ko lang rin lagi mo kasing nakakasagutan ang mga teammates ko na kaklase din natin. Pero sa isang banda nakakainggit sila. Sila nakakausap mo, pinapansin mo, binibigyan mo ng atensyon. Ni hindi na nga ako makatulog kakaisip kung anong problema sakin at hindi mo man lang ako magawang tignan.

Hindi ko rin alam kung bakit ako nagkakaganito sa'yo.

Sobrang laki ng pasasalamat ko kay sir Kerwin at tayo ang ipinares n'ya sa tagisan ng talino no'ng Foundation Day. Naisip ko no'n baka ito na yung chance na hinihingi ko. At tama nga ako, naging magkaibigan tayo dahil dun.

Sa wakas, nagawa mo rin akong tignan.

Masaya ako kasi isinali mo ako sa circle of friends mo. Sinabi mo pa nga sa mga kaibigan mo na mali ang pagkakakilala nila sa mga jock. Na conceited, playboy at bullies sila, kasi hindi naman ako ganun. Sa buong buhay ko, ngayon ko lang naramdaman ang pakiramdam ng may nagtatanggol sa'yo. Sa totoo lang kasi sobrang lungkot ng childhood ko.

Hay, ang sarap sa feeling sa tuwing nakikita kitang tumatawa dahil sa mga joke ko. Kahit magmukha akong clown ayos lang, basta't makita ko lang 'yang mga ngiti mo.

No'ng Prom natin noong seniors na tayo, buti nalang at naisayaw kita. Pinalagpas ko kasi ang pagkakataong isayaw ka sa Prom noong Juniors tayo kasi dinaga ako. Pero naisip ko, hindi na ata pwede kung pati ang pangalawang pagkakataon sayangin ko pa.

Eto pa, Senior's Ball yun. Alam mo bang halos himatayin ako no'ng umamin ka sakin na gusto mo ako habang isinasayaw kita? Hindi ako makapaniwala, hindi agad ako nakapagreact kasi hindi ko pa nadigest na sa wakas ang babaeng matagal ko ng gusto ay nagustuhan na rin ako.

Sa sobrang gulat ko ay hindi ko man lang naisigaw na gusto rin kita, na mahal na ata kita. Isa na namang pagkakataon ang sinayang ko.

Linggo na ang lumipas pero hindi pa rin ako nakakaamin sa'yo. Akala mo siguro hindi kita gusto kasi wala akong naisagot sa'yo nung umamin ka. Pasensya ka na talaga.

 Mas pinagsisihan ko ang mga pagkakataong pinalipas ko no'ng iniiwasan mo na ako at nakita pa kitang umiyak. Ang sarap suntukin ng sarili ko. Galit na galit ako sa sarili ko.

Nag-isip ako kung ano ang dapat gawin. Doon ko narealize na hindi lang ako torpe, tanga pa. Ang dami kong oras na sinayang.

No'ng sa wakas ay nagkalakas na ako ng loob na umamin, saka naman dumating ang mga problema.

Ang tanga ko, kung sana inamin ko rin kaagad. Masaya sana tayo ngayon.

 Nabalitaan ko pa na sa Germany ka na raw magkokolehiyo sa susunod na pasukan.

Tadhana na ata talaga ang naglalayo sa'tin.

 

Mitch, mahal kita. Kahit sa huling pagakakataon ay masabi ko lang ito sa'yo.

Pasensya na kung nasaktan man kita.

Gusto ko, gusto kong magkatuluyan tayo hanggang huli. Kaso huli na ang lahat, Mitch.

Sana sa muli nating pagkikita ay nakangiti ka na, kahit hindi ako ang dahilan.

Hanggang dito nalang siguro. Paalam.

 

And I love you, Mitch Andres.

Hindi ko na nagawang tignan ang pangalan sa sulat dahil alam ko na rin naman kung kanino ito galing.

"Kuya..." tawag ko sa kapatid ko habang umiiyak.

Nakita ko ang pag-aalala sa mukha ni kuya habang nagmamaneho.

"Gusto mo ba s'yang puntahan?" tanong n'ya.

Dahan-dahan akong tumango.

"Sige," at iniliko n'ya ang kotse.

Hindi ko na kailangang sabihin kung saan dahil alam kong alam ni kuya kung nasaan ang lalakeng mahal ko.

Pagkarating ay agad akong lumabas ng kotse at tumakbo papalapit sakanya.

"Edward..." tawag ko dito habang umiiyak.

Naupo ako sa damuhan habang hawak-hawak parin ang sulat sa pulang sobre. Napahigpit ang hawak ko dito.

Edward Reyes

October 25, 1997 - April 25, 2015

"I love you too..." sambit ko at lalong naiyak.


Every Heart's Point of View✔️Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon