Nagbalik

130 19 7
                                    


Nagbalik

Pinangako niyang babalik sya. Pinangako nyang magiging matagumpay sya. Pinangako nyang sa pagbalik niya, magiging masaya na siya.

"Naghihintay ka na naman," bungad ng mas nakakatanda kong kapatid.

"Nung nakaraang buwan pa dapat ang dating niya," sagot ko.

Narinig ko siyang nagpakawala ng isang malalim na hininga.

"Fiya, tama na."

Umiling ako bilang pahiwatig na hindi ako sang-ayon.

"Nangako siya," pagmamatigas ko.

Naramdaman ko ang pag-upo niya sa katabi kong silya ngunit hindi ko ito binigyan ng pansin at ipinako lang ang aking tingin sa labas ng bintana.

"Pagkatapos ano? Aakyat ka na naman sa kwarto mo mamaya na bigo? Iiyak ka na naman buong gabi kasi walang Jake na dumating? Habang buhay ka na lang ba tititig sa bahay na 'yan?" sunod-sunod nitong tanong habang itinuturo ang katapat naming bahay.

Gusto kong maiyak dahil sa totoo lang ay pinanghihinaan na ako ng loob, dahil sa totoo lang ay may punto ang kapatid ko. Ngunit naisip ko rin na hindi ito ang tamang panahon para sumuko, nagawa kong tiisin ang dalawang taon na wala siya, kaya't kakayanin ko ring maghintay ng kahit ilan pang buwan kasi alam kong babalik na siya.

Nangako siya. Babalik siya.

Tatlumpo't limang araw na akong nakadungaw sa bintana'ng ito, naghihintay sa muli niyang pagbalik.

Hindi ko namalayang nakaidlip pala ako.

Halos lumuwa ang mata ko nang makita ang isang van na nakaparada sa tapat ng kanilang bahay.

Dali-dali akong lumabas at eksaktong paglabas ko ng aming bahay ay sya namang pagbukas ng kanilang pintuan.

Pamilyar na pares ng mata ang sumalubong sa akin. Hindi ko mapigilang mapangiti.

Nandito na siya!

Lalapit na sana ako ngunit naunahan ako ng  grupo ng mga babae na bigla na lang sumulpot kung saan. Malamang ay mga tagahanga ng lalakeng higit dalawang taon ko ring hinintay.

Pilit siyang inaalalayan ng mga hindi ko kilalang tao patungon sa kanilang van. Pilit iniiwasan ang mga taong gustong makalapit sa kanya.

Hindi ako makasingit sa mga nagkukumpulang babae kaya't naisipan kong isagaw ang pangalan nito. Hinahangad na sana ay marinig nito ang boses ko.

"Jake!" tawag ko dito.

Nakita kong napahinto ito sandali at napatingin sa direksyon ko.

Ngunit blanko, blanko ang mga mata nito. Walang bakas ng rekognasyon.

"Jake, tara na!" rinig kong sigaw ng isang babae na sa pagkakaalam ko ay kanilang manager.

Masakit, masakit palang malaman na tinupad niya rin ang isa sa mga pangako niya noon, na kakalimutan na niya ako.

-

"Kahapon lang hindi kita mahila palayo sa binatang yun, ngayon naman sa harap ng TV? Seryoso, Fiya, ano bang ginagawa mo sa buhay mo?!"

"Susupurtahan ko si Jake, lalabas sila sa show na 'to. Kakanta ang banda nila," tanging sagot ko at ni hindi man lang pinansin ang iritasyon sa boses ng kapatid ko.

"Bahala ka nga," tugon nito at iniwan na ako sa salas.

"I wrote this song for a very special girl..." dinig kong boses nya mula sa TV.

Nagsimula na silang tumugtog habang ako nakatulala lang at pinakikinggan ang kanyang napakagandang boses.

Namiss ko siya, sobra.

"...I love you," ani nito matapos ang kanta.

Panigurado ay ramdam ng bawat audience sa studio kung gaano ka gustong iparating ni Jake ang nararamdaman niya para sa babae. Alam ko, ramdam ko dahil minsan niya ng nagawa 'yan sa akin.

Sinundan siya ng camera habang naglalakad patungo sa isang nakangiting dilag. At kitang kita ng bawat manunuod kung paano niya ito hinalikan sa pisngi. Kung paano niya ito tignan, kung paano niya ito ningitian.

Mga bagay na dati ay para sa akin lang.

Wala na, wala na talaga.

Hindi ko maiwasang maiyak sa napanuod. At kasabay ng pagtulo ng mga luhang ito ay ang pag-alala ko sa gabing iyon.

"Ito naman ang gusto mo diba? Sige aalis ako," ani nito.

Hindi nakaligtas sa akin ang likidong tumulo mula sa kanyang mga mata. Noon ay naramdaman kong unti-unti akong namamatay sa bawat patak ng kanyang luha.

"Aalis ako, tutuparin ko ang mga pangarap ko, magtatagumpay ako, Sophia."

"Jake..."

"Sabi mo kalimutan kita? Sige, kakalimutan kita. Pero babalik ako, Fiya, babalik ako. At sa pagbalik kong yun, masaya na ako at wala ng Jake na iiyak sa harap mo at magmamakaawang balikan mo," matigas nitong tugon at tumalikod.

Huminto siya matapos ang ilang hakbang at muli akong nilingon.

Kitang kita ko, kitang kita ko ang sakit at lungkot sa kanyang mga mata.

"Mahal kita."

Yun ang huling salitang binitawan niya na sya namang pinanghawakan ko sa loob ng dalawang taon.

Kasalanan ko ba? Kasalanan ko bang iwan siya para sa mga pangarap niya? Kasalanan ko ba kung hanggang ngayon mahal ko pa rin siya?

Nagbalik siya, naging matagumpay siya. Tinupad niya ang pangako nyang magiging masaya na siya sa pagbalik niya.

At kahit masakit, kahit tuluyan na akong burado sa buhay niya, kahit hanggang tingin nalang ako ngayon ako sa kanya, titiisin ko.

Magiging masaya ako dahil nagbalik siya.

Every Heart's Point of View✔️Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon