Kabanata 8

10 0 0
                                    

Kabanata 8| Kapatid

"Ano bang pinaggagawa mo sa school at nagkakasugat ka, Aries?"

Pagkauwi namin sa bahay, kaagad na umulan ang nag-aalalang sermon sa akin ni Mama. Tahimik lang siya kanina sa grocery store nang ihatid ako ni Arco at sabihin sa kanyang nadapa ako habang pauwi. Nagpasalamat pa siya rito bago ito tuluyang umuwi. Napasimangot na lang ako dahil may kaunting kirot pa akong naramdaman sa parteng nasugatan.

"Mag-iingat ka sa susunod. Saka, huwag kang tatakbo-takbo kung hindi ka naman dapat nagmamadali. Pinag-aalala mo ako!" Napabuga siya ng hangin sabay lapag ng kanyang bag sa mesa.

Tumayo ako mula sa pagkakaupo at tinungo ang kwarto.

"Bibihis muna ako, Ma."

"Ang sinasabi ko sa 'yo, Aries ha? Tandaan mo. Mag-iingat ka."

"Opo, Ma!" Sabi ko, bahagyang nilakasan ng boses dahil nasa kwarto na ako.

Nakatingin lang ako sa kawalan habang isa-isang binubuksan ang butones ng aking blouse. Hindi ko maintindihan ang nangyari kanina. Parang may "something."

Iba si Arco kung makatingin. O siguro naman, guni-guni ko lang iyon? Para siyang si Mama kung mag-alala. Halos mataranta pa.

Siguro, takot iyon na siya ang sisihin ko. Siguro, kinakabahan siya dahil akala niya kasalanan niya kung bakit ako nadapa.

Halos mapatalon ako sa gulat nang biglang may nagpatugtog ng party music ng sobrang lakas. Nagva-vibrate pa ang buong kwarto ko at ang mga gamit ko ay gumalaw-galaw na tila lumilindol.

Si Lilith! Paniguradong sa kanila galing iyon!

Sinabi ko sa kanyang maghintay sa akin sa store pero nakalimutan ko siya. Ngayon ko lang napagtanto na hindi kami sabay umuwi. Dali-dali kong tinapos ang pagbibihis at patakbong tinungo si Mama sa kusina. Subalit, wala na siya roon.

Napansin kong bukas ang pinto ng bahay. Ang cellphone niya rin ay nakabukas at nakapatong sa mesa. Nagvi-video call sila ni Papa.

Mas inunan ko muna ang lumabas ng bahay para i-check kung naroon nga ba si Mama.

"Ay, naku naman, Aries!" Napahawak si Mama sa gulat nang magkasalubong kami sa pintuan.

Kumunot ang noo ko.

"San kayo galing, Ma?"

Sinulyapan niya muna ang direksyon ng bahay nina Lilith.

"Wala ba si Lilia?" Tanong niya at saka na pumasok ng bahay.

"Bakit ho?"

Hindi nakasagot si Mama. Mukhang nag-isip siya nang malalim bago umiling.

"Ma, hindi ba dumaan si Lily sa store kanina?" Tanong ko naman sa kanya. Lalong nag-iba ang timpla ng kanyang mukha nang banggitin ko ang pangalan ng kaibigan.

Dali-dali siyang tumungo sa kusina at pinulot ang cellphone.

"Phil, sandali lang ha. May tatawagan muna ako." Anito kay Papa at kaagad na pinatay ang tawag.

Nakita kong numero ng isang barangay tanod ang kanyang tinawagan.

Naramdaman kong namumuo na ang pawis sa aking noo. Lumalakas na rin ang kalabog ng aking dibdib.

Ano bang nangyayari? Saan ba galing si Mama kanina?

"Huwag mong sabihing ako ang tumawag ha. Magpanggap ka lang na nadaanan niyo habang nagroronda." Iyon ang huling sinabi ni Mama sa kausap sa cellphone bago pinatay ang tawag.

"Aries." Ako naman ngayon ang nilingon niya.

"P-po?"

"Check mo nga kung online si Lily."

Redefining Fate (Amor Fati Series 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon