Ika-Unang Kabanata
“
Kailan mo ba tatapusin yang nobela mo?”
Paulit ulit na tanong sa ’kin ni Tina, ang kaibigan ko. Isang kwento nanaman kasi ang hindi ko natapos.
Mahilig ako magsulat ng mga nobela pero palagi ko ‘tong di natatapos. Nagkataon na lahat ng sinusulat ko ay sumisikat kaya pinipilit ko tapusin ang iba rito.
“Tyaka lang naman kasi ako nagsusulat kapag wala akong magawa, marami akong trabaho Tina minsan hindi ko na maharap magsulat” sagot ko rito
“Babaita ka edi ‘wag mong iu-uplod kung hindi mo tatapusin. Pinapaasa mo mga pans mo” ani nito habang nagpupunas ng lamesa.
Naging kaibigan ko si Tina nang magtrabaho ako dito sa cafe na pagmamay-ari ng tito ko. Tatlo ang trabaho ko sa isang araw, wala na akong mga magulang at ayaw ko naman umasa sa mga kamag-anak ko kahit alam kong wala silang balak tulungan ako. Wala rin naman akong mga kapatid kaya inuubos ko nalang ang oras ko sa paghahanap buhay.
Sa 19 years kong pamumuhay high school lang ang natapos ko sa pag-aaral. Top students rin ako pero sadyang mahirap talaga ang buhay, minamabuti ko nalang na magtrabaho muna bago ako pumasok
Marami talaga ang mababalewala kung wala kang pera. Maraming talino at kakayahan ang masasayang dahil lang wala silang kakayahan na suportahan ang sarili nila, lalo na ’t pati papel ay nagsisitaasan na ang presyo ngayon! Nakatira rin ako sa liblib na probinsya kaya mahirap makatungtong ng kolehiyo.
“Tina, sa tingin mo magandang ideya maging libro ang “Mia Amato?” tanong ko rito habang pinupunasan ang mga platito, 5 pm na kasi kaya magsasara na ang coffee shop. Pang huling trabaho ko narin ito ngayong araw.
Ang Mia Amato ay isa sa sinulat ko na ang ibigsabihin ay ‘My love’ sa Ingles. Ito ang pinakamatagal sa lahat ng mga naisulat kong nobela na hanggang ngayon ay hindi ko pa natatapos.
Pero kahit hindi ko pa ito tapos. Ang hindi ko lang maintindihan kung bakit ang isang kompanya sa Maynila ay interesadong gawing libro ito kahit hindi ko pa naman tapos.
Isinulat ko ang nobela ito, na ang pangunahing babaeng karakter ay sumasalamin sa akin. Isang dalaga na iniwan ng magulang sa isang mayaman na pamilya bago sila lumisan. Bagama’t mabuti ang puso ng pamilya na ito mas pinili ng dalaga na magtrabaho para sa gayon ay mabayaran rin nito ang pagpapatira sa kan’ya ng pamilya. Nang dumating ang araw na umuwi ang panganay na anak ng senyora na galing Italya, nabihag agad nito ang puso ng dalaga. Mahinhin at tahimik lamang ito ngunit ng dumating ang binata ay mas lalo itong naging tahimik at laging tutok sa trabaho. Mas lalong nagustuhan ng dalaga ang pagsisilbi sa pamilya nang dumating ang binata. Sa kasamaang palad, hindi man lamang tinatapunan ng tingin ng binata ang dalaga. Maganda naman ito kapansin pansin ang balat ngunit kahit isang segundong sulyap ay hindi man lamang nito magawa.
Ngunit sa pagdaan at pagdaan ng panahon maraming pagsubok na lilipas,at doon mabubuo ang pagmamahalan ng dalawa.
‘Yan ang nilalaman ng nobela ngunit ang natapos ko pa lamang naisulat ay ang pagpapansin ni Mila sa binata. Ika- 10 kabanata pa lamang ito kaya hindi ko maintindihan ang nais mag sponsor at gawing libro ito.
Tinapos na namin ni Tina ang paglilinis at sinarado na ang shop. Naglalakad ako habang bitbit ang mga can foods na bigay ng tito ko. Alam kong masama sa kalusugan ito pero sabi ni tito para daw makapagpahinga na ako agad.
Sa paglalakad ko ay tumunog ang aking telepono. Tumatawag nanaman ang kompanyang gustong mag sponsor sa nobela ko.
“Hello po?” sagot ko sa telepono. Binilisan ko ang paglalakad dahil sa palagay ko ay nagbabadya ang malakas na ulan.
[“Hehe hi? Nakapag desisyon ka na?”] sagot ng babae sa kabilang linya.
Noong nakaraang tawag niya kasi ay sinabi kong pagiisipan ko muna. Wala rin kasi akong oras para tapusin ang nobela.
“Hindi ko parin po kasi tapos ang nobela, wala rin po kasi akong oras para magsulat” sagot ko rito.
Sandaling tumahimik ang nasa linya at muling sumagot.
[“ A-ah it’s okay, you can take your time para tapusin ang nobela. I really love your works sayang rin kasi, pwede ka makakuha ng 100k o higit pa buwan buwan—“]
“1-100k?” mahinang pagputol ko sasabihin nito na sanhi ng pagkagulat.Grabe naman ata 'yon!
Napakalaking pera no’n. Sapat para makapasok ako sa kolehiyo. Gustong gusto ko na mag aral, pati rin kasi ako ay nasasayangan sa kung anong meron ako.
Wala naman masasayang kung susubukan diba? Tyaka pagsusulat lang naman ang gagawin ko nakaupo lang at kaya ko naman ito tapusin ng gabi.
[“ Omygad omygad pumapayag ka na ba?”] sambit nito nang may pagkasabik
“H-hanggang kailan po ba ito?, p-para po matapos ko at maibigay ang kopya ng nobela ko” sambit ko sa babae.
[“ Kahit kailan beh pero mas maganda kung masimulan mo na agad para mapadali hihi”] ganito ba talaga magsalita ang mga taga Manila?
Nagusap pa kami sandali bago niya tinapos ang tawag. 15 na minuto lamang ang paglalakad bago ako makarating sa bahay. Simple lang ang iniwan ng mga magulang ko sa akin. Isa itong cottage house na inihalintulad sa mga disenyo ng bahay sa England.
Pinapalibutan ito ng mga damo at ibat ibang halaman. Sa likod naman nito ay ang parang isang gubat na lakarin mo lang saglit ay makikita mo ang isang lawa.
Pumasok na ako sa loob ng bahay at inilapag sa lamesa ang mga bigay ni tito.
Naglinis muna ako saglit bago ako pumasok sa loob ng kwarto at doon nakasalubong ang lumang laptop ko kung saan ako nagsusulat ng nobela.
Bumuhos bigla ang napakalakas na ulan na ang hindi ko inaasahan ay sinabayan din ng malalakas ng kidlat.
Kumunot ang aking noo, wala namang binalita na magkakaroon ng ganitong kalakas ng ulan.