Prologue

8.6K 282 52
                                    

Rhiannon



Humigpit ang yakap ko sa aking sarili habang halos mahilo ako sa kakasunod sa bawat galaw ni Nanay. Alas tres pa lang ng madaling araw pero ginising na niya ako para panuorin siya sa ginagawa niya.

"Wag kang magpapapasok ng ibang tao..." paulit-ulit niyang bilin sa akin.

Marahan akong tumango bilang sagot. Hanggang ngayon ay lutang pa din ang isip ko dahil sa biglaang pag gising niya sa akin.

Mula sa pagiging abala sa ginagawa ay naglaan talaga siya ng sandali para lingonin ako.

"Wala kang dadalhing kaibigan dito," banta niya sa akin na may kasama pang panduduro.

Napa-ayos tuloy ako ng upo. Ayaw na ayaw ni Mama na tango lang ang isasagot ko sa kanya.

"Opo, Ma..." sagot ko, paos pa dahil kahit tubig ay hindi pa nadadampian ang labi at lalamunan ko.

"Opo ma..." mapanuyang panggagaya niya sa isinagot ko.

"Subukan mong magdala ng mga kaibigan dito, tatamaan ka sa akin..." pahabol pa niya.

Bahagyang tumulis ang nguso ko, bumagsak ang tingin ko sa sahig.

"Wala naman po akong mga kaibigan," sagot ko.

Imbes na pansinin niya 'yon ay hindi na lamang. May kung ano pa siyang mga binulong na hindi naman naging klaro sa aking pandinig.

Tahimik kong pinanuod ang pag-e-empake ni Mama. Ilang beses din akong humikab, pilit kong nilalabanan ang antok.

May out of town siya kasama ang bago niyang nobyo. Hindi ko alam kung sino, marami kasi siyang nobyo.

"Mga tatlong araw akong mawawala...ito ang pera," sabi ni Mama at inabot ang nakatuping pera sa akin.

Bumaba ang tingin ko doon. Pagkabuklat ko ay kaagad na napaawang ang labi ko. Mula sa pera ay tumingin ako sa kabinet sa may kusina, pati na din sa lamesa.

"Pang tatlong araw po?" tanong ko.

Nagtaas siya ng kilay sa akin. Ginawa din niya ang ginawa ko kanina, inilibot din niya ang tingin niya sa may kusina na para bang tinitingnan niya kung anong hinahanap ko doon.

"May bigas naman diyan..." tamad na sagot ni Mama sa akin.

Hindi na ako naka-imik pa. Muling bumaba ang tingin ko one fifty pesos na iniwan niya sa akin para sa tatlong araw na ako lang mag-isa dito sa bahay.

Hindi na muli pang nagsalita si Mama tungkol doon dahil tumunog na ang cellphone niya dahil sa isang tawag. Alam ko na kaagad kung sino 'yon. Yung boyfriend niya na susundo sa kanya.

Isasama daw siya nito sa out of town. Hindi ko naman 'yon kilala dahil pa-iba iba naman ng boyfriend si Mama.

Matapos niyang umalis ay ilang sandali pa akong napatitig sa aming pintuan. Kung kanina ay nakakaramdam pa ako ng antok, ngayon ay hindi na. Bigla akong nagising, mabilis na gumana ang utak ko sa kung paano ko pagkakasyahin ang one hundred fifty pesos para sa tatlong araw na ako lang mag-isa.

Tumayo ako at kaagad na dumiretso sa may kusina, tama nga si Mama. May bigas nga sa lagayan namin pero halos hindi na nga 'yon sapat para sa isang kilo.

Napabuntong hininga na lamang ako at lumayo doon. Imbes na bumalik sa aking kwarto ay nanatili na lamang ako sa may sala. Binuksan ko ang telebisyon at nakinig ng balita.

Mabuti na lamang at bakasyon ngayon sa eskwela, hindi ko aalalahanin ang babaunin ko. Ilang minuto akong nakatitig lang sa binabalita sa telebisyon, hanggang sa lumabas ang balita tungkol sa malaking oil company sa buong Pilipinas.

How to make a Villain (Stand Alone #3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon