[PANG-APAT NA PAGLANGOY] ANG KAMBAL NA SIRENA AT ANG BATANG LALAKI

535 9 6
                                    

[PANG-APAT NA PAGLANGOY] ANG KAMBAL NA SIRENA AT ANG BATANG LALAKI

    

Ang Isla Azul Del Cielo ay ang mahiwagang pulo na siyang tirahan ng mga sirena at siyokoy. Ang pulo rin ang nagsisilbing lagusan papunta sa isang mahiwagang kaharian na pinamumunuan ni Haring Arkido-O. Kasalukuyang nagsasagawa ng isang ritwal ang mga sirena, sireno at siyokoy.  Buwan iyon ng Agosto at bilog na bilog ang buwan sa kalangitan. Nagkalat ang mga hindi mabilang na bituin sa kalangitan na tila nakikiisa sa nangyayaring pagdiriwang.. Isang seremonya ang nagaganap bilang pagpapalakas sa kapangyarihan ng pinuno ng mga siyokoy at sirena. Inilulubog si Haring Arkido-O sa isang lawa ng bukal na tubig habang dinadasalan ng mga matatandang pantas ng kaharian na pinangungunahan ni Alimasag, ang tumatayong adviser ng hari.

Hindi mailarawan ang pagkainip sa mukha ni Amara kahit nagkakaroon ng kasiyahan ang mga sirena at siyokoy. Isa pa’y kanina pa siya naiinis sa pagbabantay sa kanya ni Coco. Si Coco ay ang kababata niyang siyokoy na nagsasanay na maging isang mandirigma ng kaharian. Nang sumapit siya ng ika-labing anim na kaarawan ay naging opisyal na tagapagbantay niya ang siyokoy.

“Napapansin kong tila balisa ka, Mahal na prinsesa?” tanong ni Coco sa kanya.

“Puwede ba, Coco, huwag mo na akong tawaging mahal na prinsesa. Naaasiwa ako! Hindi ako sanay na tawagin mo nang ganyan.” Asik ni Amara sa kababatang siyokoy.

“Pero utos iyon ng mahal na hari nang magsimula akong maging tagapagbantay mo.” “Sabi ni Coco sa kanya.

“’Yun pa nga ang nakakainis eh. Sunod ka nang sunod sa akin kahit saan ako magpunta.” Ani Amara. “Kaya naman ni Divina ang ginagawa mo.”

“Pero hindi kaya ni Divina na protektahan ka.” Ang wika pa ng siyokoy.

“Ay naku! Nakakainis ka, Coco!” Mula sa kinaroroonang upuang bato ay gumapang siya palayo sa ceremonial hall. “Huwag mo akong susundan! Diyan ka lang!”

“Pero mahal na prinsesa.” Walang nagawa ang kaawa-awang siyokoy.

“Ako nang bahala sa kanya, Coco!” pigil ni Samara sa siyokoy. Humabol siya sa bunsong kapatid. “Saan ka pupunta? Hindi pa tapos ang pagdiriwang.”  Pareho silang pangunahing pandangal sa seremonyang iyon.

“Gusto kong pumunta sa katihan. Sa lupa ng mga tao! Gusto kong makita ang itaas.” mahinang wika ni Amara na ang tinutukoy ay ang ibabaw ng tubig.

Ilang araw na siyang naiinip sa Isla Azul Del Cielo. Nababagot na siya sa pang-araw-araw na pamumuhay sa kaharian. Gusto niya ng isang pakikipagsapalaran. Kung kaya naisipan niyang mas magandang maglagalag sa labas ng kaharian. Suyang-suya na rin siya sa ginagawang pagbabantay ng siyokoy na si Coco.

“Ilang araw ko nang hindi napagkikita si Alena. Ang huling sinabi niya sa akin ay hahanapin niya ang engkanto ng karagatan.”

“Ang bibig mo!” ang saway ni Samara sa kapatid. “Alam mong sagrado ang pangalan ng engkantong iyon. Paano kung marinig ka ni Ama?” ang mahinang sabi nito na tumingin sa pinagdadausan ng seremonya.

“Inip na inip na ako rito, Ate Samara! Suyang-suya na ako sa pagiging sirena ko. Gusto kong maranasan ang magkaroon ng mga paa. Marahil ay nagtagumpay si Alena na makita ang … ang nilalang na iyon.” Mahinang pagkakasabi ni Amara.

“Nahihibang ka na ba, Amara? Huwag mong gagawin ‘yun kung ayaw mong mapahamak.” Ang saway ni Samara sa bunsong kapatid.

“Hindi mo ba napapansin, Ate Samara? Ilang araw nang wala si Alena. Marahil ay natagpuan niya si…” hindi na naituloy ni Amara ang sasabihin nang putulin ito ni Samara.

MY GIRLFRIEND IS A MERMAID (for revising and on hold)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon