IKAW LABAN SA TREN

15 0 0
                                    

Kahit ano'ng iwas mo sa isang bagay na alam mong buburo sa'yo sa libingan ng kahibangan ay hindi mo ito mapipigilan dumaan sa iyong harap na parang tren. Ang ingay nito mula sa malayo at ang ugong ng lupa na yumayanig sa iyong pagkatao; hanggang sa silaw ng liwanag na bubulag sa iyong harap at daan patungo sa kinabukasan. Walang makakapag paliwanag kung bakit naroon ka—nakatayo sa riles. Ang alam mo lang ay sa bawat panganib na kakaharapin ay may oportunidad na kalakip.

Pag gising mo, Naroon ka na sa edad na iyong pinakahihintay. Pero, wala namang nangyari. Wala namang nagbago. Makalat parin ang mundo mo. Dumagdag ang mga obligasyon at responsibilidad pero.. Nasaan ang iyong mga nakamit bilang tropeyo na maaari mong ikonsidera bilang hakbang na ikaw ay sumubok?

Bakit ka nga ba naroon sa harap ng tren? Dahil ba, naantig ka sa ibang kwento na kesyo may sumagip sa buhay nila sa lugar na 'yon na nagbigay ng layunin sa buhay niya para magpatuloy (kasama ang tagapag ligtas niya) sa mundong wala naman palang kulay at hiwaga?

Bakit nga ba, naroon ka sa riles? Dahil ba, sumusubok ka ng mga kakayanan mo kung hanggang saan ka aabot? Gusto mo ng kakaiba at sorpresa sa mala-disyerto mong perspektibo?

O dahil ba.. May pumilit lang sa'yo dahil napagdaanan na raw niya 'yon kaya kung makikinig ka sa kaniya ay magiging buo ka na ulit 'pag titingin ka sa salamin?

Bakit gano'n? Handa ka naman noong nangyayari ang pagbulusok ng mga gulong nito palapit sa'yo. Kahit wala kang kasama ay nagawa mo itong harapin. Wala kang ibang pagpipilian kundi ang tumakbo o tumayo pero pinili mong tumayo—'di dahil iyon ang kailangan kundi dahil iyon ang sa tingin mo ang nararapat.

Teka.

'Di kaya, nagawang patigilin ang tren ng nagmamaneho nang makita ka sa daan? Madiin ang pagpikit mo noon kaya't hindi mo talaga matukoy ang naganap. Hindi kaya.. Hindi ikaw ang dapat na naroon sa riles noong mga panahon na 'yon kaya't walang nangyari? Pumipili ba sila ng sasagasaan? Masyado ka bang mahina kaya nadismaya ang madla at hindi na nag mukhang interesante ang sitwasyon sa puntong iyon kaya't ipinatigil nalang muna ang lahat? May naghihintay pa ba sa'yo kung ikaw ay muli roong pu-pwesto? O baka naman naaaliw na sila sa bago at mas matapang na taong kayang dumilat sa pagragasa ng tren?

May iba pa bang riles sa muli mong paglalakbay? O ang mas u-ukol na tanong ay, maglalakbay ka pa ba?






HAMOGTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon