Koleksyon

3 0 0
                                    

2018. High school ako noon nang magkaroon ako ng adiksyon sa pangongolekta ng mga patay na daga. Nagsimula lang ang lahat noong mayroon akong madag-anan na mabait. Isang buong araw kong hinagilap sa kuwarto kung saan ang masangsang na amoy nanggagaling. Sinundan kong maigi kung saan dadapo ang mga langaw at nang pagpagin ko nga ang kumot ay naroon ang nayuping mabait na tila papel nalang sa nipis ang katawan. Ilang beses akong sumuka. Bumabaliktad ang sikmura ko at hindi ko kayang huminga.

Hindi ko alam kung saang parte ng situwasyon na 'yon ako nagkaroon ng interes sa pangongolekta ng daga pero 'yun lang ang pinaka malapit na ala-alang maibabahagi ko.

Kapag naglalakad ako pauwi galing eskwela, tumitingin ako sa mga kasingit-singitan ng mga bahay at basurahan. Inilalagay ko ito sa isang plastik at itatabi sa ilalim ng kama. Nasusuka ako sa amoy, nahihilo ako dahil pumapasok sa ilong at dibdib ko ang hangin galing sa mga nabubulok na daga. Nanunuot ang mga molekula nito sa buong sistema ko. pero mayroong bagay na nagpapatibay sa'kin para makayanan ang ganoong pangyayari. Kapag naka higa ako ng patag sa higaan na 'yon, panatag lang ang isip ko. Hindi siya lumalayo 'di tulad noon na hindi ko mapigilan ang rumaragasang mga ala-ala na humihila sa'kin sa pinaka malalim na karagatan ng nihilismo. Kung saan, walang ibang makikita kundi kadiliman at mabigat na tubig ang nakapalibot sa buo mong katawan.

Ang amoy ng bulok na daga ang nagpapanatili sa diwa ko na bukas kahit na nakatulala ako sa kawalan.

Tatlong araw lang ang adiksyon na 'yon. Nang mapagtanto ni nanay ang gawain ko ay agad nila akong dinala sa doktor ng mga baliw.

Kinumbinsi nila ako na magiging maayos akong muli at huwag akong mag alala. Hindi ko maramdaman na dumudugtong ang bukambibig nila sa sinasabi ng mata nila. Lalo na ang ama-amahan ko. Hindi ko masabi kung ano ang pakay niya sa pamilya namin pero malaki ang tiwala ko dahil hindi naman ako binigo ni nanay sa mga pangako niya. Naisip ko na rin na baka may problema ako sa pag iisip at tinutulungan nila ako sa abot ng makakaya nila.

Dalawang linggo ang lumipas nang malaman ko na buntis si nanay. Masaya ako para sa kaniya pero hindi sa buong pamilya. Masaya ako na magkakaroon ako ng kapatid pero nasanay na ako na ako lang ang inaalagaan niya. Masaya silang dalawa na may nabuo. Ginagawa ko din ang lahat para maiparamdam na hindi ako kailanman magiging pabigat. Gagawin ko ang lahat para hindi ako masumbatan kalaunan. Pati ang adiksyon ko, tinago ko rin at umakto na parang normal na nga ang lahat at wala na silang kailangang problemahin sa'kin.

Pero hindi ganoon kadali.

Nakita ko ang sarili ko na kinukuskos ang sipilyo ng ama-amahan ko sa inidoro at ilalagay ito sa lagayan na parang walang nangyari.

Ilang araw akong hindi nakatulog kaka-isip sa bagay na 'yon. Na kapag hindi ako umalis ay mapapahamak pati ang magiging kapatid ko.

Napagdesisyunan kong sumama sa tiyahin ko, tutal ay bakasyon naman at pahinga na sa eskwela. Pinayagan na rin ako ni nanay kahit na parang ayaw niya akong bitawan dahil alam ko rin.. Ramdam ko rin na ayaw niya akong nawawalay sa tabi niya.

Probinsya ang lugar nina tiya pero hindi ganoon ka-luma. May kuryente at mga gadget panlibangan. Pero kahit na kumpleto ang mga gamit at mababait ang kamag anak ko, hindi maalis sa isipan ko ang pag aalaga ni nanay. Ang pag punas niya ng pawis ko, ang pag halik niya sa noo ko bago ako matulog, ang pag laba niya sa mga damit ko at pag tulong sa pag sagot ko ng asignatura. Gusto ko na agad umuwi. Pero alam kong mawawalan na ng oras sa'kin si nanay dahil mayroon na siyang tungkulin bilang asawa at obligasyon bilang ina sa pinagbubuntis nito.

Sa gitna ng buwan ng bakasyon ko sa probinsya, nagkaroon ako ng nobyo. Akala ko mapupunan ng ka-relasyon ko ang pagkukulang na nadarama ko pero hindi pala. Gusto niya lang akong ipagyabang sa mga kasama niya. Masyado rin siyang desperado sa kantutan. Umaalis siya sa tuwing tumatanggi ako. Sinisiraan niya rin ako sa mga kaibigan niya sa harap ko mismo. Nawalan ako ng gana at nakipag hiwalay dahil hindi ko naramdaman ang pagiging nobya o babae o kaibigan o kahit indibidwal man lang na makikita ko ang sarili kong respetado.

Bumalik ako sa adiksyon ko. Napaka tigas ng dibdib ko. Hindi ko maatim na nagkakaganito ako dahil lang sa hindi ko matanggap na may bago na akong pamilya.
Hindi ako naging komportable kahit saan. Kahit pa sa sarili kong balat.

Bumalik ako sa amin at kinuwento kay nanay ang pagkakaroon ko ng nobyo pero imbis na makinig siya at alamin ang buong storya ay tumaas ang boses nito at nagalit dahil pumasok ako sa isang relasyon kahit na wala pa ako sa tamang edad. Tinanggap ko ang lahat ng sinabi nito pero nang durugin ako ng insulto nitong bumaon sa dibdib ko, hindi nalang ako kumibo pero alam ko sa sarili ko na babalik nanaman ako sa adiksyon ko na 'yon.

At tama nga ang prediksyon ko. Nakita ko nanaman ang sarili ko na nangongolekta, pero hindi na tulad noon na patay ang kinukuha ko.

Pumapatay na'ko ngayon.

'Di tulad noon na maliit lang na plastik ang gamit ko,

Ngayon ay malaking sako na.

Minsan ay bumabalik ako sa reyalidad at naiisip na mali ang ginagawa ko pero hangga't hindi ako nahuhuli ay hindi ko makakayanang tumigil.

Sumpa ako sa akin.

HAMOGTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon