HO 2

29 0 0
                                    


Marathon and Failures

Mabilis lang pala talagang lumipas ang mga araw. Minsan hindi mo na namamalayan na malayo na pala ang tinatahak ng iyong mga paa. Mistulang paligsahan din pala ang buhay. May mga oras na masaya, may mga oras na malungkot, may pagkakataon na malakas ka at may positibong pananaw sa buhay, at mayroon din na mga pagkakataon na napapagod ka at nawawalan ng pag-asa. Hindi mo alam kung may patutunguhan ba ang pagod mo pag natapos na ang lahat. Mapapaisip na lamang tayo kung ang bawat ginagawa natin ay may kabuluhan pa ba.

Nahilig ako sa track and field noong elementarya pa lamang ako. Nagkataon na malapit lang ang oval at nasa bandang likod lamang ng classroom namin ito at tanaw na tanaw sa aming bintana ang lawak na lupain na sakop ng oval na sakto para sa 400 meter run. May mga mumunting damo pa na nakatubo sa pinakagitnang bakanteng espasyo ngunit hindi naman masukal na tignan. Doon naman ang pinagdadausan ng mga larong High Jump, Long jump, at Javelin throw. Sa School din namin palaging ginaganap ang kompetisyon sa palarong pang Distrito at dumadayo pa ang ibang mga atleta na kalahok galing sa ibat ibang eskwelahan.

Grade 3 pala lang ako noon nang niyaya ako ng aking kaibigan at kaklase na lumahok para sa 100 meter at 200 meter dash run. Noong una ay katuwaan lamang ang aming pagsali hanggang sa naramdaman ko ang pagiging competitive. Nasundan ito ng sumunod na taon at sumubok ako para sa try-out. Gusto kong maging atleta dahil noon,ang pananaw ko- ang pagkapanalo ay sukatan ng lakas.

Paulit-ulit akong nabigo ngunit hindi ako sumuko.

Baon ko ang mga aral na natutunan ko sa Coach namin hanggang sa ako ay mag High Scool. Katabi ng school lang ito na pinasukan ko ng Elementary. Malapit na ang Intramurals noong pinag-isipan ko kung mag tatry-out akong muli o maghahanap ako ng ibang laro. Inisip ko kung saan ako nagkulang. Hindi pa siguro sapat ang inilaan ko na oras sa training o hindi naman talaga ako totoong malakas at magaling. Maraming pumapasok sa isipan ko noon kaya naman, sumubok ako mag try-out sa ibang sport.

Sumubok akong mag -volleyball subalit palpak. Hindi ko mapalo ang bola at sa tuwing ibinabalik ng kalaban ang bola sa akin ay palagi itong tumatama sa ibat-ibang parte ng aking katawan, minsan sa mukha, sa balikat, masakit at pulang pula ang aking kamay at palapulsuhan. Dahil doon ay iniiwasan ko na lang ang bola kapag tiyak ko na ako ang puntirya dahil takot na akong matamaan nito. Hindi bagong sport ang nahanap ko kundi trauma sa bola. Simula noon at ayaw ko nang manood ng volleyball sa malapitan, at ayaw ko na din sa kahit anong uri ng ball games.

Nagtry din ako sa Badminton. Hindi ko alam kung paano ang kalakaran sa larong ito. Palagi ko lang nakikita sa mga manlalaro na kailangang tamaan ang shuttlecock at huwag itong hahayaan na malaglag sa lupa o sahig. Iyon ang unang beses na masubukan ko iyon. Hindi pa ako mahiyain noon dahil sa kagustuhan ko din na matuto at palagi ko na lang iniisip na lahat ng mga magagaling ay nagsisimula sa pagiging baguhan.

Pinag seserve ako. Akala ko madali lang subalit sa pagpupumilit ko na hampasin at abutin ang shuttlecock ay sumamang lumipad pati ang raketa. Hindi pa din ako nahiya kahit na ang ibang nakakita ay natawa sa nangyare. Hindi pa din ako nagpatinag at nagpatuloy pa din ako. Hindi man ako natanggap sa tryouts pero ayos lang, at least natuto ako na mag serve. Sabi nga nila, small step counts.

Madami pa akong sinubukan gaya ng Javelin Throw, Discus Throw at Shot Put na nangangailangan ng ibayong lakas at tyempo sa paghagis. Kahit anong hagis ko sa Javelin ay hindi talaga tumutusok at bumabaon sa lupa ang matilos na bahagi nito sa unahan. Hirap din akong ihagis ang Shot Put dahil sa bigat at hindi ko ito maihagis ng malayo, ganun din sa Discus Throw. Payat pa ako ng noong panahon na iyon at mistulang tingting. Takot din ako na mahulugan ng Shot Put dahil pihadong durog ang mga daliri ko sa paa kapag nabagsakan ka nito.

Long jump at High Jump ay pinatos ko na din sa kagustuhan ko na magkaroon ng bagong masasalihan, kaya nga lamang ay natapakan ko sa gitna ang patpat na hindi ko dapat malaglag at ito ay nabali. Hanggang bewang ang dapat kong talunin sa High Jump at maging sa Long Jump ay palpak pa din dahil hindi malayo ang aking tinalon.

Nanlalambot ang aking pakiramdam dahil wala akong napala sa mga try-outs kundi kabiguan at sakit sa katawan. Kinabukasan ay pinilit ko na lang na mag try out sa track and field ulet, pero sa 400 meter dash at 800 meter dash na ako sumali.

Doon ko lamang napagtanto na kailangan ko lang palang hanapin kung saan ako mas akma, at kapag desidido ka sa isang bagay, walang madaming dahilan kung bakit hindi mo ito makukuha.

Hello Overcomer (A Battle to Depression)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon