Magdalena's point of view
Nasa sementeryo kami nila Adonis, kasama ang mga magulang nito upang bigyan ng maayos na libing si Lola Tessa.
Halata ang puyat sa mga mata Adonis dahil sa walang tigil na paghahanap kay Sophia. Hindi rin ako nito pinapatulog dahil sa walang tigil na pagtatanong kung nakita ko na o may balita na ako sa bestfriend ko.
Hindi ko masabi na nag-aaksaya na lamang ito ng oras dahil hinding hindi na nito makikita pang muli ang pinakamamahal. Nasa malayong lugar na si Sophia at nakakulong habang pinagpepyestahan ng mga manyak na matatandang lalake.
"Nasaan ka na Sophia? Bakit hindi ka nagpaparamdam sa akin?" bulong ni Adonis.
"Anak, wag ka mawalan ng pag-asa, makikita mo din si Sophia. Siguro ay nabigla lamang siya sa pagpopropose mo at kinailangan niya lamang ng oras para sa sarili niya. Hayaan mo siyang makapag isip." ani ng nanay nito.
"Oo anak, babalik at babalik din siya sayo. Mag-antay ka lang. Mahal na mahal ka ni Sophia, hindi hindi ka niya magagawang iwanan" dagdag naman ng tatay nito.
Napangisi ako dahil imposible ang sinasabi nilang magpapakita pa si Sophia. At mukhang hindi pa nasasabi ni Adonis sa kanyang mga magulang ang tungkol sa ikinwento ko na iniwan na siya ni Sophia para sa ibang lalake.
Gusto ko man na sabihin sa mga magulang ni Adonis ang kwentong ito pero pinipigilan ko dahil baka mag ugat pa ito sa paghihinala nila sa akin. Hahayaan ko na lamang na maging palaisipan para sa kanila kung nasaan si Sophia.
"Oo nga Adonis, nandito naman din ako at tumutulong sa paghahanap sa kanya. Sasabihan kita agad kung sakaling may balita na ako sa bestfriend ko. Tsaka malay mo bumalik na siya dahil sa nangyari kay Lola Tessa, mapag isip isip niya na maling desisyon ang pag-alis niya at muling kayong magkasama" ani ko na kunwari nakikiramay.
Tumango lang si Adonis pero halatang nanghihina.
"Magdalena, aalis na kami ng Pilipinas bukas kaya ikaw na muna ang bahala kay Adonis. Gustuhin man namin na samahan siya pero kailangan naming asikasuhin ang mga negosyo namin abroad. Maraming mga business partners ang nag-aantay sa amin kaya kailangan na naming makalipad agad" bilin ng kanyang ina.
"Opo Tita. Hindi ko po pababayaan si Adonis at babantayan ko po siya para sa inyo" ani ko. "Lagi ko po kayong iupdate sa kalagayan ng anak ninyo" dagdag ko.
"Salamat iha. Balitaan mo din ako agad kung may marinig ka na sa kinaroroonan ni Sophia, o kung sakaling magpakita na siya uli. Nag-aalala din ako sa batang iyon. Sana ay walang nangyari masama sa kanya." dagdag nito at tumango ako.
Pagkalibing kay Lola Tessa ay sabay sabay na kaming umalis. Pinasama ako ng mga magulang ni Adonis sa kanilang bahay upang doon na mag miryenda at para din maipakilala nila ako sa kanilang mga katulong. Nang makarating sa kanilang bahay ay dumeretso agad si Adonis sa kanyang kwarto at nagkulong.
Hinayaan ko muna itong mapag isa at nagtungo na lang ako sa kusina upang kumain at tulungan ang mga kasambahay na magluto ng hapunan. Pero nag alala ako ng makitang nag-aakyat ng alak ang mga katulong papunta sa kwarto ni Adonis.
Pinuntahan ko ito at kinatok ang pintuan pero hindi ako nito pinagbubuksan. Inilapat ko ang aking tainga sa pintuan upang pakinggang ang nangyayari sa loob at halos madurog ang puso ko dahil puro sigaw at iyak ang naririnig ko.
Dahil sa pag-aalala na baka may mangyaring hindi maganda kay Adonis ay hindi ako tumigil sa kakakatok, pero ng pagbuksan ako nito ng pinto ay puro sigaw at pagdadabog lang ang inabot ko.
Masakit man pero inaasahan ko ng mangyayari ito. Inaasahan ko ng mahihirapan at matatagalan akong tanggalin si Sophia sa buhay ni Adonis pero gagawin ko ang lahat upang makalimutan niya ang bestfriend ko at ako ang pumalit sa espasyong iniwan nito.