Malapit nang magtakip-silim. Malapit na namang sumapit ang gabi at mapalibutan ang buong Roxas City ng kadiliman. Nakapokus ang mga mata ni Detective Bobby sa kalsada habang nagmamaneho ng police car. Nakahawak ang dalawang kamay nito sa manibela. Paminsan-minsan ay kinakausap nito ang kasamang pulis sa katabing pasenger seat.
"Wala ang mga junkies kanina..."
"Sa tingin ko po ay pagdating natin ay umalis na sila."
"Saan naman kaya nagpunta ang mga batang iyon?"
"Concern ba kayo, sir?" Nakangiti si Paxton. Para sa kaniya kahit madalas magbangayan ang grupo ay may lihim na pagmamalasakit si Detective Bobby para sa mga kabataan. Hindi lang nito alam kung paano magpakita ng tunay na damdamin.
"Bakit ako magiging concern? Puro sakit sa ulo ang binibigay sa akin ng dalawang iyon!"
Bahagyang natawa si Paxton. Kung magsalita ang kausap ay parang istriktong tatay ito nina Chubs at Joriz.
"May nakakaalam ba kung saan nagpunta ang dalawang junkies?"
Tumingin si Paxton sa hawak na smartphone. "Ayon sa text message ng isang kasamahan natin, nakita niya raw silang papunta sa The Edge." Nang basahin ang mensahe ay muli itong bumaling sa katrabaho. "Ba't mo ba sila tinatawag na junkies? Hindi naman mga addict ang mga batang 'yon. Sa totoo lang ay napakabait nila at handa silang tumulong sa kapwa."
Hindi nagsalita ang detective. Nakikinig lamang ito sa mga sinasabi niya.
"Noong una ay hindi rin ako sang-ayon sa ganitong pamamalakad. Karamihan ng paranormal investigators na pinapadala ng HEAP ay mga minors. Nakakabahala dahil napakabata pa nila para isuong ang mga buhay nila sa panganib. Tutol din ako. Hindi dahil ayaw ko sa kanila kundi dahil nag-aalala ako para sa kanila.""Walang age limit sa HEAP. Basta nagustuhan ka ng HR Staff ay pasok ka sa kanila. Kalokohan na organisasyon. Dapat buwagin dahil walang kwenta!" patutsada pa rin ni Detective Bobby.
"Hanggang ngayon ba naman hindi ka pa rin naniniwala sa paranormal?"
"Hindi pa ako nababaliw para magpa-uto sa mga ganyan. Bakit naniniwala ka rin ba?"
"Kung totoo ang Diyos ibig-sabihin ay totoo rin ang mga kaluluwa at espirito. Naniniwala ako na nag-e-exist ang mga ibang nilalang sa ating mundo."
"Pare-pareho lang kayo!" wika ng imbestigador at ipinaling ang manibela sa kanan.
Hindi inaasahan ni Paxton na liliko sila. "Hindi tayo didiretso sa police station? Saan tayo pupunta?"
"Saan pa ba? Wala akong tiwala sa mga junkies na 'yon."
Napagtanto niyang determinado itong sundan ang dalawang kabataan kahit saan lupalop pa ang mga ito napadpad. Napatingin si Paxton sa ilabas ng bintana.
Nagunita niya ang mga bali-balita ukol sa kaibigang detective. Noon daw ay hindi ito seryoso sa propesyon, pulis patola at napakasiga. Isang beses na raw itong nasuspende sa trabaho. May koneksyon pa raw ito sa trade and drug transaction sa Manila, ngunit wala pa namang nakakapagpatotoo sa mga tsismis.
Ngunit isang nakakagimbal na pangyayari ang dumating sa buhay nito. Sinasabi ng karamihan— nakarma ang batugan. Ang dalawa nitong anak na lalaki ay sunod-sunod na namatay dahil sa sakit. At dahil hindi nakayanan ng asawang babae ang hinagpis ng pagkawala ng mga anak, nakipaghiwalay ito sa binata. Simula noon ay nagbago na ang lalaki. Dahil wala na ang pamilya ay nagsimula itong magseryoso at ilaan ang buong buhay sa trabaho. Wala na itong takot mamatay. Lahat ay sinusugod kahit sino pa ang kalaban sapagkat wala na itong natitira sa buhay.
At naisip ni Paxton, hindi kaya nakikita ni Detective Bobby sa dalawang batang imbestigador, ang mga anak nitong yumao? Kahit pa, palagi itong nang-aasar at nagpapanggap na walang pakialam sa dalawa?
BINABASA MO ANG
𝘼𝙙𝙧𝙚𝙣𝙖𝙡𝙞𝙣𝙚 𝙅𝙪𝙣𝙠𝙞𝙚𝙨 : 𝙈𝙖𝙩𝙧𝙪𝙘𝙪𝙡𝙖𝙣
AdventureHORROR-COMEDY-MYSTERY-ADVENTURE Series 01 @2024 Isang aksidente ang naging dahilan ng pinsala sa kaniyang Amygdala, isang bahagi ng utak na responsable sa fear stimuli ng isang tao. At dahil sa pinsalang iyon kaya kahit kailan ay hindi pa niya narar...