Prologo: Ang Matruculan

104 10 6
                                    

Nanginginig ang kaniyang mga kalamnan, ni hindi niya maihakbang ang kaniyang mga paa dahil sa nanghihinang mga tuhod. Basa ang kaniyang likod at namamasa rin ang mga palad kahit hindi naman siya naiinitan. Malamig ang panahon dala ng malakas na pagbuhos ng ulan sapagkat dumadaan ang mata ng bagyo. Ngunit hindi pa rin mapigil ang pagtulo ng kaniyang pawis sa noo na dumadausdos pababa sa pisngi at baba.

Ang mabilis na tibok ng kaniyang puso ay hindi dala ng mabagsik na panahon. Kahit pa, pakiwari niya'y matatanggal na ng malakas na hangin ang bubong ng kanilang dalawang palapag na bahay. Hindi siya natatakot sa kalikasan. Ang kinakatakutan niya ngayon ay ang mga kalabog at sigaw na narinig niya sa ikalawang palapag ng tahanan.

Humigpit ang hawak ni Nigel sa gasera habang paunti-unting umaakyat sa kahoy na hagdan. Napakislot pa siya nang biglang bumulaga ang malakas na kulog. Mabuti na lamang ay hindi niya nabitawan ang dagitab dahil sa gulat. Saglit siyang napahinto at tumawag sa ama habang nasa gitna ng mga baitang.

"Pa, biglang nag-brown out!" pagsusumigaw niya ngunit ang tumugon lamang sa kaniya ay ang katahimikan at ingay ng patak ng ulan. "Papa! Nasaan ka ba?" muli niyang pagtawag subalit wala pa ring sumagot.

Sa ganitong punto ay parang nawalan na siya ng pag-asa. Napalibutan na ng pangamba ang kaniyang dibdib. Sunod-sunod ang kaniyang paghinga dahil sa pagkabahala.Inilibot niya ang paningin sa paligid subalit puro kadiliman lamang ang natatanaw ng kaniyang balitataw.

"Ma'am Janelle?" Naisip niyang tawagin ang pangalan ng babaeng kasintahan ng kaniyang ama. Kanina lamang ay narinig niyang sunod-sunod itong tumili. "Ma'am Janelle, nandyan ka ba? Anong nangyari? Kasama mo ba si Papa?" Nagpatuloy siya sa pag-akyat sa hagdan habang nagtatanong sa mga taong hindi niya alam kung naririnig siya.

Ngunit kanina pa siya nagtataka. Bakit pakiwari niya'y mag-isa lamang siya sa loob ng tahanan? Bakit walang sumasagot sa pagtatawag at pagtatanong niya? Ano bang nangyayari?

"Baka wala sila rito sa bahay? Pero saan naman sila nagpunta?" tanong ni Nigel sa sarili, "Tama, saan naman sila pupunta sa ganitong klaseng panahon?"

Nang makaapak siya sa sahig ng ikalawang palapag, napatingin siya sa pinto ng kwartong pagmamay-ari ng kaniyang ama. Nanumbalik ang takot sa kaniyang puso. Hindi niya alam kung bakit siya kinakabahan. Nais niyang malaman kung anong nangyari sa loob ngunit baka hindi niya makayanan kung ano man ang masaksihan doon.

Baka naman wala ang kaniyang ama at ang kasintahan nito? Ngunit kung lumisan ang dalawa ay bakit may narinig siyang ingay at mga kalabog mula rito? Baka naman may pribado silang ginagawa kaya naman may narinig siyang kakaiba kanina?

Napaisip siya nang malalim. Hindi mapapawi ng kaniyang paghihinuha ang lahat ng pagdududa. Nais niyang malaman kung ano talaga ang nangyayari. Itinaas niya ang kamay upang kumatok sa pinto. Sa una ay marahan lamang ang kaniyang pagkatok pero katulad ng dati ay wala pa ring sumagot.

Inulit niya ang pagkatok kasabay ng pagsigaw sa tapat ng pinto. "Papa! Ma'am Janelle!"

Wala pa ring tumugon kaya hinawakan na niya ang busol at pinihit iyon. Napahinto siya nang marinig na mag-click iyon sa loob, ibig-sabihin ay hindi nakakandado ang pintuan.

Wala nang pasubali na unti-unti niyang binuksan ang pinto. Nang lumaki ang awang, dumungaw siya at tinitigan ang loob. Itinapat niya ang gaserang hawak sa harap upang makita nang mabuti ang madilim na silid.

Sa lamesang katabi ng bukas na bintana ay may gasera ding nakasindi. Kumunot ang noo niya sa pagtataka, sapagkat pinabayaan lamang na nakabukas ang bintana ng kuwarto. Nabasa tuloy ang lamesa, mabuti na lamang ay hindi namatay ang ilaw.

Itinuon niya ang gaserang hawak sa kanan na bahagi upang masuri ang kama. Halos lumuwa ang dalawang mata niya dahil sa gulat. Kung natatanggal lamang ang mga paningin ay kanina pa itong nahulog at gumulong sa sahig. Napigil niya ang paghinga at naestatwa lamang sa pagkakatayo dahil sa tumambad sa kaniyang harap. Tuluyan siyang pumasok sa loob, nilakihan ang awang ng bukas na pinto upang makita maigi ang madugong eksena.

Si Janelle ay nakadilat ang mga mata habang nakapaling ang mukha sa kaliwang haligi ng kwarto. Walang reaksyon ang kaniyang namumutlang mukha at nakaawang nang bahagya ang bibig. Kitang-kita niya na may sariwang dugong umaagos sa ilong at bibig ng babae. Ang puting kama ay tuluyang nabahiran ng pulang likido.

Ngunit ang mas nakalulunos ay ang nakabuyangyang na laman nito sa tiyan. Mula sa puson hanggang sa sikmura ay may malaki itong hiwa na sadyang binuka upang mailabas ang bituka nito at iba pang organo.

Napatuptop ang kamay niya sa bibig dahil sa masangsang na amoy at kusang bumaliktad ang kaniyang sikmura. Sinubukan niyang pigilan ang lalamunan ngunit hindi rin niya nalabanan ang reaksyon ng katawan. Yumuko siya upang isuka sa sahig ang laway at hapunang kinain. Pinunasan niya ang bibig nang mailabas iyon. Hinihingal at pinagpapawisan siya nang ibalik ang paningin sa senaryo.

"Papa!" sigaw niya nang makita ang bulto ng ama sa terrace. Bukas ang pinto ng terasa at nandoon nga ang ama, nakatayo at hindi alintana ang malakas na pagbagsak ng ulan. Salamat sa liwanag na dala ng kulog at kidlat, naaninag niya ang lalaki.

"Papa!" sigaw niya muli. Binitawan niya ang gasera at tumakbo upang pigilan ang ama sa kung ano mang balak nito. Wala na siyang paki kung mabasa rin siya ng ulan. "Papa!" Nang makalapit ay hinawakan niya nang maigi ang lalaki. "Papa! A-Anong nangyari dito?" garalgal ang kaniyang tinig. "Si Janelle..." Hindi niya masabi nang maayos ang nakita.

Ngunit walang reaksyon lamang ang nasa mukha ng ama. Nakatingin ito sa ibaba na para bang nais nitong tumalon doon.

"Papa!" malakas niyang sigaw. Bahagya niyang inalog ang balikat ng ama. "Papa, anong nangyari?" At hindi na niya napigilan pa ang pagpatak ng mga luha. Napahikbi siya bago sinabi ang hinuha sa puso. "Ikaw ba ang gumawa nito kay Janelle?" Humihiling siya sa isip na sana'y mali siya ng akala. "Papa!"

Tumingin sa kaniya ang lalaki at sa wakas, nagsalita na rin, "Anak, hindi ako ang gumawa nito." Hinintay niya ang sasabihin pa nito. "Ang Matruculan! Ang Matruculan ang pumatay kay Janelle!" malamig na tugon.

Napabuka ang kaniyang bibig at natigilan sa pag-iyak. Hindi niya mabasa ang ekspresyon sa mukha ng ama. "Anong Matruculan?"

𝘼𝙙𝙧𝙚𝙣𝙖𝙡𝙞𝙣𝙚 𝙅𝙪𝙣𝙠𝙞𝙚𝙨 : 𝙈𝙖𝙩𝙧𝙪𝙘𝙪𝙡𝙖𝙣Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon