TATLONG buwan na ang nakalipas. Masasabi kong kinalimutan ko na ang lahat ng nangyari. Ako lang at si Drake ang nakakaalam ng namagitan sa amin. Inilihim ko sa aking pamilya ang naganap sa aking buhay. Ilang beses nang nag-krus ang landas namin ni Drake. Ilang beses na rin siyang lumapit sa akin para magpaliwanag. Sarado ang aking mga tenga.
Graduation day namin. Masaya ang lahat. Ako? Aaminin kong lungkot ang nararamdaman ko. Nasa loob ako ng Comport Room para palitan ang togang suot ko. Katatapos lamang ng seremonya at nanaisin ko pang umuwi kaysa makihalubilo sa aking mga kaklase.
"B-bro." Napalingon ako sa boses na aking narinig. Si Drake na suot pa ang toga sa katawan. "Congrats!" dugtong niya.
Lalabas sana ako ng Comport Room pero pinigilan niya ako. Nagtama ang aming mga paningin. "Ano ba ang gusto mo?" asik ko sa kanya.
"Patawarin mo ako. Hindi ko ginusto ang lahat."
Pumalag ako hanggang sa mabitiwan niya ako. "Matagal na kitang pinatawad. Kinalimutan ko na ang lahat. Wala akong magagawa kung hindi ka naging mabuting kaibigan sa akin."
"Kung galit ka sa akin saktan mo ko." Kinuha niya ang mga kamay ko at pilit na inihampas sa kanyang mukha. Nagmatigas ako hanggang sa naitulak ko siya. Lumapit siya sa akin at pinilit na yakapin ako hanggang sa naglapat na ang aming mga katawan. Pumalag ko ngunit hindi siya pumayag hanggang sa nabihag niya ako. Hinuli niya ang aking labi at wala na akong nagawa pa kundi ang tanggapin ang maiinit niyang halik.
Napalunok ako. At bigla akong natauhan sa aking sarili. Alam kong hindi dapat. At maling mali ang nagaganap sa amin. "Tama na!" Kumalas ako sa pagkakayakap niya. "Tigilan na natin ito. Hindi pa huli ang lahat. Drake, ayusin natin ang buhay natin. Hanapin natin ang tunay na sarili natin." Hindi ko napigilan ang maiyak sa aking sinabi. "Hin-hinding hindi kita makakalimutan," dugtong ko saka tumakbo palabas.
Labis ang pagkamangha ng aking Mama nang makitang umiiyak ako sa loob ng sasakyan. At alam kong hindi siya nakatiis kaya kinausap niya ako pagdating sa bahay.
"Anak, bakit?" Niyakap niya ako. At doon ako nakahinga nang maluwag. "Anak, sabihin mo kung ano man ang nasa loob mo."
"Nay, magagalit ba kayo kung malalaman n'yo na bakla ako?" Hindi ako makatingin sa kanya. Nahihiya ako.
Napaiyak ang Mama na parang natatawa saka hinimas ang buhok ko. Hindi man siya kumibo ay alam kong tanggap niya ako. Niyakap niya ako nang mahigpit. "Ana-k, pwede mo pang ayusin ang buhay mo. Alam kong hindi ka bakla. Siguro nasanay ka lang na mga babae ang kasama mo rito sa bahay. Alisin mo sa isip mo na bakla ka. Isipin mo lagi na lalaki ka..... isang tunay na lalaki." Napatawa ako sa sinabi ng Mama. Pakiramdam ko nabunutan ako ng tinik sa dibdib. Salamat Mama, nasabi ng aking isipan.
LULUWAS kami ng Manila. At doon ko tatapusin ang kurso ko. Hindi ko akalain na pupuntahan ako ni Drake sa bahay. Alam kong nakarating sa kanya ang balita. Nasa mukha niya ang labis na kalungkutan.
"A-alis ka pala? Sana bago ka umalis maayos natin ang lahat," wika niya sa akin.
Inilibot ko ang aking paningin sa buong paligid saka tumingin sa kanya. "B-ro, napatawad na kita. Sa Manila na kasi ako mag-a-aral. Doon aayusin ko ang buhay ko. Baka libog lang ang umiral sa akin." Napatawa ako sa aking nasabi pero sa likod ng bawat ngiti alam kong luha ang nakakubli.
Tatalikod na sana ako ngunit pinigilan ako ni Drake. "Bro, salamat. Sana tapusin mo ang kwento mo. Alam ko mababasa ko 'yan pagdating ng panahon." Niyakap niya ako. At ilang saglit bumitaw siya sa akin. "Sana maniwala ka. Minahal rin kita," sabi niya saka tumalikod palayo sa akin. Gusto ko siyang habulin pero hindi ko na nagawa. Nakita ko ang Mama na lihim na nagmamasid sa amin. Pumasok ako ng bahay at agad na nag-impake ng gamit. Sa aking paglisan kakalimutan ko ang naganap sa aking buhay.
LIMANG taon na ang nakakaraan. Marami na ang nangyari sa aking buhay. Graduate na ako. At isa na akong Civil Engineer. Wala na akong hahanapin pa sa aking buhay. Nagkaroon ako ng bagong buhay. Maraming nakilalang bagong kaibigan. At higit sa lahat marami akong naka-sex na mga babae. Pilit kong nilabanan ang aking sarili na mahulog sa isang lalaki. Tama na ang isang pagkakamali. Si Drake na lamang ang una at huling lalaking naging bahagi ng aking buhay. At doon ko natuklasan na lalaki rin pala ako. Isang lalaking may nakatagong nakaraan, isang lalaking nabiktima ng karahasan at isang lalaking nagmahal sa isang kapwa lalaki.
Buwan ng Desyembre ay hindi ko makakalimutan. Isang babae ang nasa harapan ko. Ang kanyang maamong mukha ay hindi ko makakalimutan. Isang babaeng pansamantalang naging bahagi ng aking buhay.
"A-ana?" Hindi ako makapaniwalang makikita ko pa siyang muli. Natuklasan kong nakita niya ako habang namimili ng regalo sa isang mall. Sinundan niya ako hanggang sa maabutan niya ako sa isang coffee shop.
"Ikaw ba si Renato?" wika niya habang kinikilala niya ako. "Ikaw nga!" Hinawakan niya ang aking kanang kamay.
Nagulat ako sa aking natuklasan. Ipinagtapat niya sa akin na pakana niya ang lahat. Siya ang nag-utos sa kanyang mga kaibigang lalaki na bugbugin ako. Ipinagtapat sa kanya ni Drake ang namagitan sa amin. Sa tindi ng galit niya kaya nagawa niya ang mga bagay na iyon.
Nalaman ni Drake kaya pinuntahan niya ako. Wala siyang nagawa dahil tinakot siya na kapag tumutol siya ipagkakalat niya ang namagitan sa amin. Kinausap niya ang isang lalaki para tigilan na pero huli na ang lahat.
"Gusto kong maayos ang lahat. Puntahan mo siya. Hinihintay ka niya," wika sa akin ni Ana.
HINDI ko alam kung bakit ganito ang nararamdaman ko. Gusto kong makita si Drake. Umuwi ako ng Iloilo. At kahit pagod na pagod ako sa byahe ay pinuntahan ko si Drake. Wala siya sa Pototan. At natuklasan kong nasa bahay-kubo siya. Ang lugar na hindi ko makakalimutan.
Napahinto ako nang madaanan ko ang damuhan. Bumalik sa aking alaala ang naganap sa aking buhay. Kailangan ko pa bang balikan ang nakaraan?
Natanaw ko ang bahay-kubo. Lumang-luma na ito. Sira na rin ang bubungan nito. At sa tingin ko masisira na ito ng isang mahinang bagyo. Bumukas ang pintuan nito. At nahagip ng mga mata ko ang isang matipunong lalaki. Mahaba ang buhok na bumagay sa kanyang bagong ahit na bigote. Napatingin ito sa akin. Nagkaroon ng kurba ang labi nito. At masayang lumapit sa akin.
"Bro," Sabik na niyakap ako ni Drake. Hinampas-hampas niya ang aking katawan. Ginulo ang maayos kong buhok. "Puta, pare ang gwapo mo pa rin," dugtong niya.
Niyaya niya ako na maupo sa nakatumbang puno ng Mangga.
"Kumusta ka?" tanging sambit ko. Nag-init ang aking mga mata. Pakiramdam ko hindi ko napipigilan ang nararamdaman ko. At kahit anong gawin ko alam kong masaya ang puso ko.
"Bro, tagal kitang hinintay. Akala ko nakalimutan mo na ako." Humugot siya ng isang malalim na hininga. "Sana napata__."
Hiniwakan ko siya sa kanang kamay. "Bro, kalimutan natin ang naganap. Alam mo naayos ko na rin ang buhay ko. Ikaw nga lang ang....."
Tumayo siya. Pinagmasdan ako. "Ako rin bro, inaayos ko rin ang buhay ko. Tama ka hindi pa huli ang lahat," sabi niya sa akin na may lungkot sa kanyang mga mata.
Tumayo rin ako. Nagkaharap kami. At nakiramdam sa bawat isa. Naririnig ko ang pagtibok ng kanyang puso. At hindi ko napigilan ang aking sarili na yakapin siya. Iniangat ko ang aking mukha at kusang lumapit ang kanyang labi sa labi ko. Mainit, nakakapaso ang kanyang hininga at dulot nito ang kahinaan ng aking pagkatao.
Bahagya niya akong itinulak. "Tama na! Sabi mo hindi dapat, diba?" Nakita ko ang pagpatak ng kanyang mga luha. "Ika-kasal na ako kay Ana."
Nakagat ko ang aking labi. At kahit nasaktan ako ay itinago ko. Hinanap ba ako ni Ana para humingi sa akin ng tawad o ipaalam sa akin na ikakasal na siya sa lalaking naging bahagi ng aking buhay?
"Dr-drake, m-masaya ako para sa'yo." Pumatak na ang mga luha ko. At hinayaan ko itong dumaloy sa aking pisngi. "Hinding-hindi kita makakalimutan," wika ko bago ako tumalikod palayo sa kanya.
Mabigat ang mga hakbang ko. At kailangan kong tanggapin sa aking sarili na hindi tama ang umiibig sa isang lalaki. Kailangan kong labanan ang nararamdaman ko. Pero alam kong talo ako. Isa akong tao na marunong magmahal. Isang taong nadadarang at natutukso. Hiram lamang ang pag-ibig ko kay Drake. Isang hiram na kailanman ay hindi magiging akin.
BINABASA MO ANG
Hiram Lamang (boyxboy)
Teen FictionAng buhay ay hindi fairytale na laging happy ending..