CASE 04:
Tales from the Crypt
02:41, Klab Maharlika - Manila ChapterTAMA NGA SI SIMM. It was big deal.
Hindi naman talaga madalas makipag-usap ang mga anito sa mga tao, ngunit sa kanilang mga Maginoo ay kahit papaano, sumasagot sila sa mga panawagan.
'Yun pa nga ang isa sa tungkulin ng mga katalonan, mga babaylan sa Katagalugan. Dahil sa kanilang kakayahan, sila ang inatasang makipagsangguni sa mga espiritu ng kapaligiran sakaling may sakunang naganap o malalang sakit ang mga miyembro ng isang balangay.
Noon 'yon. Ngayon, bihira na ang pagsasangguni. Madalas ay kapag nagkakaroon na ng hidwaan sa pagitan ng mga maligno, ng mga anito, at ng normal na mundo ng mga tao.
Kaya't mas pinalawig ang pakikipagusap sa mga ito. Ang mga Maginoo ay mas kayang kumonekta sa anitong kanilang pinanggalingan, halimbawa ay si Simm sa kaniyang ninunong si Guidala.
Ngunit ang mga anitong may mas mataas na tungkulin tulad nina Apolaki na siyang kasalukuyang bantay ng araw o kaya'y si Mayari na bantay ng buwan, bihira nang magpakita sa kalupaan. Madalas ay naghahatid lamang ng mensahe sa pamamagitan ng kanilang opisyal na mensahero, ang mga umalohokan.
Naalala ni Kit ang imahe ng bangkay ng natagpuan nilang umalohokan sa clock tower? Sino ang umatake dito? Ano ang kaniyang layunin? May kinalaman ba ang kasong ito ngayon sa kanilang kinakaharap?
Pagkatapos magpaalam ay lakad-takbo siyang tumungo sa gawing kanan ng tenement, sa unang palapag kung nasaan ang nagsisilbing clinic ng kanilang kanlungan, ang panambalan.
Kasunuran niya sina Simm at Yana na kapwa nagtataka rin sa mga nangyari.
Pagbukas nila ng pinto'y bumungad ang malaking kwarto kung saan may 'di bababa sa dalawampung Maharlika ang mga nakaupo at nakahiga sa mga kama habang ginagamot ng ilan pa nilang kasamahang may pagsasanay sa panggagamot.
Pinaghalong modernong medisina at mga tradisyunal na halamang gamot ang gamit nila kaya't naghalo-halo ang matapang na amoy sa maaliwalas na lugar.
Nilinga-linga ni Kit ang paligid habang binabaybay ang panambalan. Wala naman siyang napansing may malalim na sugat o malalang kondisyon.
Naagaw ang kaniyang pansin ng isang matangkad na babae sa gawing kaliwa, fitted ang suot na berdeng damit, malago ang mahabang buhok, malamlam ang mga mata dahil sa puyat. May kausap itong lalaking nakasalamin na nakasuot ng varsity jacket.
Nakita siya nang dalawa, naging seryoso ang tingin ng mga ito na may halong pag-aalala.
"You're finally here," sabi ng babae na may kasunod na buntonghininga, tila kanina pa sila hinihintay.
"Ano'ng nangyari, Mhey?" tanong ni Kit.
"Excuse me," sabi ng lalaking nakasalamin. "I'll catch up with the others," pagpapaalam nito kay Mhey bago umalis at tumungo sa puwesto nina Simm at Yana na nangangamusta sa iba pa nilang kasamahan.
Ilang segundo bago sumagot ang babae. "Well, as you can see. Nagkainitan ang mga kasamahan natin. May bagong sandatang naimbento ang mga Mananandata, na-test nila sa field. Ayun! Boom!," pagmumustra nito gamit ang mga kamay, tinutukoy ang butas sa pader ng kanilang kanlungan.
May sigla ngunit walang halong biro ang paliwanag ni Mhey.
Napalunok ng laway si Kit. Hindi niya alam kung hihingi ba siya ng tawad ngayon dahil wala siya sa Klab nang mangyari ang lahat. Siya na mismo ang nagpangaral sa sarili niya. Ibinulong niya na kung ginagampanan niya lamang ang tungkulin bilang Punong Maharlika ay hindi ito mangyayari.
BINABASA MO ANG
UMALOHOKAN
ParanormalThe gods are quiet their Messenger, gone and one Savior will try to find answers straight from the dead. Manila, where mythical wonders and dark secrets lie, Kit Alcantara, codename Robin, the reluctant leader of the organization for anito-des...