CASE 01: As Above, So Below

64 6 44
                                    

CASE 01:
As Above, So Below

23:34, Manila City Hall

"KAYO NA BA mga paranormal expert na pinadala ng KMJS?" mabusisi ang tanong ni Mang Kaloy, bantay ng isa sa pinakakilalang gusali sa Maynila.

Maghahatinggabi na. Halos makatulog na nga siya paghihintay sa bukana ng Manila City Hall. Mabuti na lang at holiday, long weekend kaya buong araw siyang nakapaglinis ng mga silid ng gusali. Ngunit nang bandang alas otso ng gabi, nang may narinig siyang malakas na ingay sa pinakatuktok ng building kung saan makikita ang malaking orasang makikilala agad ng kahit sinong taga-Maynila, ay hindi na siya nagpatuloy pa sa gawain niya.

Tumawag pa siya ng pulis para mag-report pero dahil nga wala namang pasok ay 'di na pinansin ang reklamo niya na baka may magnanakaw na pumasok sa gusali. Ngunit mukhang tama nga sila dahil pagkatapos ng ingay na iyon ay wala na siyang muling narinig na iba pa.

Kaya ang kutob niya'y baka nagkakasiyahan ang mga multo ng city hall dahil ngayon lang ulit nawalan ng tao. Kahit ilang dekada na siyang naninilbihan dito, hindi naman nawala ang takot niya, nasanay lang. Sabi nga nila, marami namang tao rito pero hindi lahat buhay.

Kaya hindi na siya nagtaka pa nang may ilan na naisipang bumisita sa Manila City Hall disoras ng gabi. Ang dalawa nga eh kaharap niya ngayon.

Ang isa ay binatilyo na naka-itim na jacket. Manipis lang ang bigote nito pero 'di naman maitagong masiyado pa itong bata para sa mga ganitong gawain. Lalo na nang makita ni Mang Kaloy ang kasama nitong batang babae. May kahabaan ang buhok, nakatakip ang bangs sa kaliwang mukha. Nasabi na lang niya na baka ganitong style na ang uso sa mga kabataan ngayon.

Parang nagtaka rin ang batang babae sa tanong ng bantay.

Ang binatilyo ang sumagot. "Ahh. Opo. Kami nga po. Robin po pala. Kasama ko ho ang isa sa gaganap sa segment." Nakangiti ito.

"Ganoon ba?" Tila hindi pa kumbinsido si Mang Kaloy. "Bakit parang ang konti niyo naman ngayon? Dati, 'pag may TV Network dito, andami nilang crew."

Napakamot sa ulo ang binatilyo. "Eh, kasi scouting pa lang kami ngayon."

"'Yan din ang sabi ng kasama niyo kanina."

Nagulat pa ang batang babae na may nauna na sa kanila.

Itinuro ng matanda ang nag-iisang sasakyan na naka-park sa gilid, kulay puti na taxi.

"Bueno, manong. Maaari niyo po ba kaming ituro kung saan ang akyatan papunta sa tuktok?" tanong ng binatilyong nagpakilalang Robin.

"Ay siya, sumunod na kayo sa akin." Pinaluwagan ni Mang Kaloy ang bakal na gate para makapasok sila pagkatapos ay ini-lock. Pinangunahan niya ang lakad papasok ng hallway ng city hall.

Tumigil sila saglit nang makarating sa lumang elevator.

"Matagal nang sira ang hagdan papunta sa tuktok. Eh, wala naman na kasing nag-o-office doon. 'Di ko na kayo sasamahan, iho at iha. Pero mag-ingat kayo. Magpapahinga lang ako saglit, gisingin niyo ako pag kayo'y nakababa na." Bilin nang matanda at saka ito humayo.

Nagkatinginan muna ang dalawa bago pinindot ang buton ng elevator.

"KMJS. Seriously?" sarkastikong sabi ng batang babae. May suot din itong brown na jacket bagamat maalinsangan ang gabi. Parehas silang nakapantalon at naka sapatos na tila matagal nang hindi nalalabhan.

"'Wag ka na ngang magreklamo, Yana," sagot ng binatilyo sa kaniya. "Buti nga mabilis tayong nakapasok."

"Sa'yo talaga nagmana si Simm, parehas pa kayo nang naisip na cover up para sa misyon na 'to." Tukoy ni Yana sa nauna nang kasamahan nila na malamang ay nasa tuktok na ng gusali ngayon.

UMALOHOKANTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon