CASE 05: Heir to the Shadows

29 2 30
                                    

CASE 05:
Heir to the Shadows

04:07, President's Hall

SUMISILIP NA ANG LIWANAG sa gawing Silangan bagamat puno pa rin ng bituin ang langit.

Ilang Maharlika na rin ang unti-unting lumalabas ng kanilang kuwarto para mag-ayos. Karamihan kasi sa mga ito'y sanay na maglakad-lakad at mag-jogging nang madaling-araw sa may tracking field ng Klab Maharlika. Pagkatapos pagpawisan ay una-unahan silang maligo sa shower rooms ng tenement. Pagkatapos ay maghahanda na, sa tulong ng mga bantay na diwata, ng kanilang aalmusalin.

Naalala ni Kit kung paano siya laging nagsosolo noon sa lamesa sa dining hall sapagkat palaging may bukod na na pagkain para sa kaniya. Ngunit wala naman siyang kasabay dahil kahit ilang pangako ni Apo Ambo na sasamahan siya'y madalas itong nakikihalubilo sa daan-daang mga kabataang ama na rin ang turing dito.

Pumait ang panlasa ni Kit. Naramdaman niya ulit ang inggit—kung bakit ang ama niya'y mas madalas pa sa paggugol ng oras sa ibang bata kaysa sa kaniya, na tuwing may ensayo lang sila nagkakausap.

Inggit na agad napalitan ng lungkot. Hindi na niya masisisi pa ang naging chapter advisor ng kanilang kapitulo. Wala na ito at kailangan niyang tanggapin ang katotohanan.

Nasilayan niya rin ang matandang puno ng balete, tahimik na nagmamasid sa paligid. Ang tanging saksi sa lahat ng pinagdaanan niya upang sanayin sa iba't ibang uri ng engkantasiyon at sining ng pagdepensa sa sarili.

Ang tanda ni Kit at alam ng lahat ay albularyo lang noon ang kaniyang ama. Naaliw ang mga anito dito't binigyan ng mas mataas na antas ng kapangyarihan, nakilala ng mga Maharlika hanggang maging tagapagpayo ng mga ito sa pagtanda.

Likas na talento at pagpupursigi, 'yan ang mga katangian ni Apo Ambo, na hanggang ngayon ay pilit inaabot ni Kit para sa kaniyang sarili.

Noon, mabilis pa siyang mapikon kapag tinutukso na anak lang naman siya ng advisor kaya siya may pribilehiyo sa Klab na kaniyang kinalakihan, kaya daw sinusunod siya ng mga maligno sa kanlungan ay dala lang ng respeto, na kaya daw mas maganda ang naituro sa kaniyang ensayo ay dahil mas may access siya dito, na kaya lang naman madali niyang natatalo ang mga kasabayang anib noon ay dahil takot silang mangibabaw sa anak ng advisor, na kaya may kakayahan siya ngayong manghiram ng kapangyarihan ng mga anito ay dahil sa dugong nananalaytay sa kaniya na minana niya lang din kay Apo Ambo.

'Yan ang mga salitang kinalakihan niya. Ngayon, tila napapatunayan na dahil ilang buwan lang ang nakakalipas nang lisanin sila ng masipag na tagapayo ay nagkakagulo na ang kanilang chapter.

Hindi niya alam kung kaya pa niyang sundan ang yapak na tinahak ng kaniyang ama.

Ito ang mga nasa isip niya nang pasukin ang malaking silid sa unahan ng tenement, ang President's Hall na nagsisilbing opisyal na opisina ng kung sinumang Punong Maharlika ng Klab. Pero, ngayon lang ulit siya nakatuntong dito sapagkat hindi rin naman siya naglalagi sa kanilang kanlungan simula noon. Mas madalas na siya ang nangunguna sa pagiimbestiga sa labas imbes na ibigay niya sa iba pang kasamahang Maharlika.

Ang dahilan niya lang ay para mas may oras ang mga ito sa parating na cluster meet kung saan maglalaban-laban ang bawat chapter ng Klab Maharlika sa buong bansa.

Noong walang nagreklamo, hindi niya alam kung ikakatuwa niya ba iyon dahil para sa kaniya, tila sumunod na lamang ang mga ito sa utos niya sapagkat siya'y anak ni Apo Ambo at wala nang iba pang dahilan.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jul 06 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

UMALOHOKANTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon